nina Anel Dimaano, Lindsay Anne Estacio, at Ranielle Averion
Alas dos na ng umaga. Mahimbing na natutulog ang lahat. Pagod pa ang lahat sa nagdaang araw. Tahimik ang mga kalye. Manaka-nakang ingay lamang ng mga busina ng sasakyan ang maririnig. Sarado pa ang mga tindahan. Maya-maya pa ay magdadagsaan na naman ang mga tao’t mamimili.
Ganito ang takbo ng buhay para sa karamihan sa atin. Ngunit para sa iilan, kailangan nang kumayod sa trabaho bago pa man sumikat ang araw. Ganito ang takbo ng buhay para kay Regina Beriña, isang vendor sa organic market sa munisipyo ng Los Baños
Pera sa pananim
Alas dos pa lamang ng umaga ay naghahanda na si Nanay Regina para sa kanyang pagluwas mula sa Barangay Bagong Silang papunta sa Munisipyo ng Los Baños. Bagamat 60 anyos na ay hindi umano siya napapagod sa ganitong uri ng buhay dahil nakasanayan na niya ito. Pagsapit ng alas-tres ng umaga ay nakalatag na ang kanyang mga paninda.
Isang taon na ang nakalipas mula nang sumali si Nanay Regina sa lupon ng mga vendors sa organic market sa Munisipyo ng Los Baños. Sa katunayan, ang organic market na ito ay proyekto ng munisipyo at ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development-Deparment of Science and Technology (PCCARD-DOST) na tinatawag na Gender-Responsive Organic Vegetable Production Livelihood Enterprise for Low-Income Communities of Los Baños, Laguna. Karamihan sa kanila ay buhat pa ng Bagong Silang na kung saan pagtatanim ang pangunahing hanapbuhay. Lahat ng kanilang mga paninda ay sila mismo ang nagtatanim, nag-aalaga, at nag-aani. Samu’t saring uri ng gulay at prutas ang matatagpuan sa organic market ng Los Baños tulad ng gabi, kamote, saging, guyabano, papaya, dahon ng gabi, at marami pang iba.
Dinarayo ang organic market ng Los Baños ng ilang mga mamimiling lulan pa sa malalayong lugar tulad ng Lipa, Batangas. Pinipili nilang dito mamili dahil mura at maganda ang klase ng mga gulay at prutas na itinitinda rito.
Kapag naubos na ang mga paninda ay saka pa lang umuuwi ang mga organic vendors. Ngunit minsan ay bago pa man sumapit ang hapon ay natatapos na nilang maibenta ang lahat ng kanilang mga paninda. Ayon kay Nanay Regina, may mga pagkakataong alas-onse pa lang ng umaga ay umuuwi na sila baon ang kitang hindi bababa sa 2,000 pesos.
Pagtulong sa pamilya
Lima ang anak ni Nanay Regina at mayroon na rin siyang mga apo. Ibinabahagi niya ang kanyang kinikita sa kanyang pamilya upang makatulong sa kanilang mga gastusin. “Syempre yung mga pangangailan namin, nakukuha rin namin dyan sa aming pagtitinda. Kahit ako’y nagde-deliver doon [sa palenge], nagtitinda pa rin ako dito,” ani nya. Bukod pa rito, ang kinikita ni Nanay Regina mula sa organic market ay kanyang pinambibili ng pagkain para sa kanilang mga alagang hayop tulad ng baboy at manok na kanila ring binebenta.
Hindi lamang sa organic market sa munisipyo naitatampok ang mga paninda ni Nanay Regina dahil nagbabagsak rin sya ng kanyang mga paninda sa palengke ng Brgy. Batong Malake. Ngunit bago pa man makilahok sa organic market ng Munisipyo at maghatid ng mga paninda sa palengke ng Batong Malake, ibinebenta na niya ang kanyang mga pananim sa mga suki nya sa Brgy. Bagong Silang. Matagal-tagal na ring binu-buhay ng organic farming ang pamilya ni Nanay Regina.
Mas lalo pang naging pursigidong magdoble-kayod si Nanay Regina nang masangkot sa aksidente ang kanyang mister at apo. Dalawang taon na ang nakalilipas matapos umanong mahulog ang dalawa sa bangin mula sa kanilang sinasakyang kabayo. Sa kasalukuyan, mabuti na ang kalagayan ng kanyang mister at apo. Sa katunayan, katuwang pa rin ni Nanay Regina ang kanyang mister sa pag-aalaga ng kanilang mga alagang hayop.
Kaalaman mula sa mga organic farming seminars
Bukod sa kanyang kinikita mula sa organic market na sapat na para buhayin ang kanyang pamilya, baon rin ni Nanay Regina ang mga aral na natutunan nya sa mga seminar sa organic farming. “Natulungang kaming [madagdagan] ang aming kaalaman. Syempre, may kaalaman ka na rin, kaso lang nadagdagan pa nung [seminar],” sabi ni Nanay Regina. Ayon pa sa kanya, ang pagdalo sa mga organic farming seminars ang nagdala sa kanya sa iba’t ibang organic farm sa San Pablo, Laguna, Batangas, at Bulacan. Ito rin ay nagsilbing pagsasanay bago sila makapagtinda sa organic market ng munisipyo.
Sa mga nasabing seminar na ito, natutunan ni Nanay Regina ang mga benepisyo ng paggamit ng organic na pampataba ng lupa kontra sa mga artipisiyal na fertilizer. Ayon kay Nanay Regina, “pag organic farming, walang spray [ng pesticides], pampataba lang. Mas maganda ang nagiging bunga sa organic farming kasi hindi apektado yung pagkain natin sa lason. Puro na lason ang ating makakain, eh eto [organic farming] ligtas tayo.” Isang organic fertilizer na natutunan ni Nanay Regina ay ang “vermicompost”, isang pamamaraan ng pagpapataba sa lupa gamit ang dumi ng mga bulate.
Bukas ang organic market sa munisipyo ng Los Baños tuwing Martes at Biyernes, mula alas-tres ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.