Ulat at larawan nina Dominick Anthony San Buenaventura, Samantha Nicole Peña, at Nur Lemuel Castillo
ANOS, LOS BAÑOS — Bilang tugon sa kakulangan ng mga silid aralan sa Bernard N. (BN) Calara Elementary at Los Baños Senior High School Annex, dalawang gusali ang kasalukuyang itinatayo sa paaralan.
Inaasahang humigit kumulang limang daang mag-aaral ng nasabing mga paaralan ang makikinabang sa oras na matapos ang konstruksiyon ng dalawang tig-aapat na palapag na mga gusali.
Nagsimula ang konstruksiyon noong Enero ng kasalukuyang taon, at inaasahang matatapos ang mga gusali sa darating na Nobyembre.
“Ang mga gusali na ito ay para sa mga mag-aaral ng Kinder, Grade 1 hanggang Grade 3, at Senior High School. Magkakaroon din ng apat na palapag at labing-anim na silid-aralan,” ayon kay Bb. Mara Eleazar, Guro I ng BN Calara ES.
Dahil din sa nasabing kakulangan sa silid aralan, pansamantalang nag-kaklase ang ibang mga mag-aaral mula baitang tatlo hanggang anim sa mga pasilyo ng paaralan habang itinatayo ang mga bagong gusali. Bukod pa rito, kasalukuyang nagkakaroon ng shifting ang mga mag-aaral, kung saan ang ibang mga mag-aaral ay nagkaklase sa umaga, habang ang iba naman ay sa hapon.
Ayon din kay Bb. Eleazar, buhat ng kalahating araw lamang ang klase ng mga mag-aaral, nagdudulot ito ng pagbaba ng attendance. Marahil ay dahil din ito sa kawalan ng gana ng mga estudyante na mag-klase sa pasilyo o di kaya’y sa mga silid-aralang may kalumaan na.
Nag-kakahalaga naman ng mahigit Php 38.7 milyon at Php 17.7 milyon ang kabuuang konstruksiyon ng dalawang gusali na pinasinayanan at pinangangasiwaan ng Department of Public Works and Highways ng ikalawang distrito ng Laguna.
Samantala, inaasahan din ng pamunuan ng BN Calara ES na magdudulot ito ng pagtaas ng enrollment sa darating na bagong taong panuruan.
“Magiging maganda na yung buildings, mas matibay na, so makikita ng mga mag-eenroll na may bago na,” dagdag pa ni Bb. Eleazar.