ulat at larawan nina Regine Pustadan at Jesselle Silada
Muling irerepresenta ng Brgy. Bambang ang bayan ng Los Baños sa taunang regional Lupon Tagapamahala Incentive Award o LTIA matapos nilang mapanalunan ang local-level LTIA noong Marso 2018 laban sa 14 na barangay ng Los Baños. Kasalukuyang hinihintay ng barangay ang anunsyo kung kailan gaganapin ang regional level competition ng LTIA.
Ang 12 lupon ay binubuo ng mga volunteers ng barangay na siyang nagpasa ng kanilang resume at pinili mismo ng kapitan. Sila ay sina:
- Joselito C. Manzanares
- Concepcion D. Lobos,
- Francisco J. Dayang
- Edgardo V. Sunga
- Joseph M. Capisanan
- Merlyn J. Fabella
- Alex A. Barrion
- Rodrigo S. Galang
- Rizaldy S. Cristobal
- Luisito A. De Vera
- Tomas P. Serrano
- Albert S. Cortez
- Rolando Q. Kalaw
- Fidel L. Sibal
- Peter R. Esguerra
- Wilfredo E. Cariño.
Hindi na bago sa Brgy. Bambang ang partisipasyon at pagkapanalo sa regional LTIA. Noong ika-17 ng Abril 2017, napanalunan nila ang ikalawang puwesto laban sa Brgy. Cagsiay, Maulian, Quezon. Ngayong taon, layunin ng Brgy. Bambang na makuha ang unang pwesto sa nasabing kumpetisyon.
Ayon kay Kapitan Joselito C. Manzanares, Sr. ng Brgy. Bambang, “ang lupon ang nagsisilbing unang tagapamayapa”. Dinadaan sa kanila ang mga kasong kayang matugunan ng barangay upang mabawasan ang mga kasong tinataas sa Pambansang Hukuman.
Nagsimulang magkaroon ng lupon ang mga barangay noong 1972 sa pangunguna ni Aquilino “Nene” Pimentel, Jr. na siyang tinaguriang Ama ng Local Government Code. Ang punong barangay ang nagsisilbing chairman, kasama ang kanyang sekretarya, at 12 lupon, na humahawak sa mga kasong dumadaan sa kanilang barangay.
Binahagi ni Manzanares na ang pinakamahirap na kasong kanilang nahawakan ay isang serious physical injury. Kabilang din sa mga kasong dumadaan sa kanila ay mga away, selos, tsismis, suntukan, utang na hindi hihigit sa isang libo piso (PhP 1,000), at iba pa. Ang mga kasong ito ay maaari pang idaan sa lupong tagapamahala.
Samantala, ang mga kasong may kinalaman sa lupa, mga utang na higit PhP 1,000, at iba pang civil cases ay hindi na dapat idaan pa sa lupon kundi sa Mataas na Hukuman agad.
Noong 2017, 211 na kaso ang naitala sa Brgy. Bambang. Naitaya naman na 135 kaso dito ang naresolba sa pangunguna ng lupon.
Dagdag ni Manzanares, maaaring sumali ang barangay sa regional level ng paligsahan sa pamamagitan ng pagpasa ng dokumento sa Department of Interior and Local Government Region IV-A na nagsisilbing ulat ng barangay tungkol sa mga gawain at kasong dumaan sa kanila. Kailangan ding maghanda ng PowerPoint Slide Presentation na naglalaman ng mga deliberasyon ng mga kasong nahawakan ng barangay. Ang punong barangay din ang siyang presentor sa araw ng paligsahan.
Sa 11 taon sa serbisyo ni Manzanares bilang punong barangay ng Bambang, tunay na maipagmamalaki niya ang kaayusan ng nasabing barangay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng lupon. Mahigit 78 na kaso na ang kanyang nahawakan at matagumpay naman itong naresolusyunan.
Hiling ni Manzanares sa susunod na punong barangay na maglaan ng oras sa pagkakaroon ng mga seminars para sa barangay, at nawa’y maging mahusay ito sa pagpili ng magiging bahagi ng lupon.