Ulat nina Angelica Marie Paz at Rinarhae Seguin
LOS BAÑOS, LAGUNA — Ang pagtutuli ay isang prosesong pinagdaraanan ng mga batang lalaki na malapit nang magbinata. Ngunit saan nga ba nagsimula ang prosesong ito, at ano ang mga isyung pumapalibot sa ritwal ng pagtutuli?
Ayon kay Dr. Alvin Isidoro, Municipal Health Officer ng Los Baños, ang pagtutuli ay isang ‘minor surgical procedure’ na madalas na isinasagawa sa mga batang lalake na 9-12 taong gulang. Ngunit ayon kay Dr. Isidoro, mayroon din namang mga batang lalaki na tinutulian na mas mababa sa siyam na taong gulang, at mayroon ding mga mas matanda sa labing-apat na taong gulang. Ito ay pinapahalagahan bilang isang “rite of passage sa pagkakabinata.
Kailan at paano ito ginagawa?
Kung ating mapapansin, kadalasang sa buwan ng Abril nagpapatuli ang mga batang lalaki. Tuwing panahon ng tag-init ay talamak ang mga proyektong “Libreng Tuli” sa iba’t-ibang barangay sa bansa. Isa mga pangunahing dahilan ay bakasyon na ang mga kabataan pagsapit ng buwan ng Abril. “Walang pasok kaya bakante na yung mga kabataan. Wala namang special reason, it’s just that wala ng pasok pag summer.” ayon kay Dr. Isidoro.
Bukod pa sa nakagisnan na ng mga batang lalake na magpatuli tuwing bakasyon, nagbibigay din ito ng sapat na panahon upang maghilom ang sugat na matatamo nila mula sa proseso. Ito ay inaabot sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
Sa ating bansa, ang pagtutuli ay kadalasang isinasagawa bilang isang “medical procedure”. Ngunit may mga ibang lugar din dito na isinasagawa parin ang tradisyonal na proseso ng pagtutuli o ang “pagpupukpok” Ayon kay Dr. Isidoro, “may mga nakikita pa tayong tradisyunal yung gamit ngunit saturated na kasi…kaya bihira na, ngunit may alam na meron padin. Hindi na siguro dito sa Los Banos.”
Mga benepisyo at epekto sa kalusugan
Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) noong nakaraang taon, 94% ng mga lalake sa bansa ay nakapagpatuli. Isa sa mga kahalagahan ng pagtutuli ay may kinalaman sa mabuting epekto nito sa kalusugan ng isang lalake.
Dagdag pa rito ay maraming pag-aaral sa bansa na nagsasabing nagdudulot ang pagtutuli ng maraming benepisyo sa kalusugan, ayon kay Dr. Isidoro. “Hindi ito ginagawa sa lahat ng parte ng mundo, pero dito sa Pilipinas, marami itong benefits, sa ibang country, sinasabi nila na wala.”
Isa sa mga pangunahing dulot ng pagtutuli ay ang pagpapabuti ng hygiene ng isang lalaki. May mga pag-aaral din na ito’y nakatutulong sa pag-iwas sa renal cancer. “I think it is one of the reasons why we seldom see mga renal cancer cases dito sa Pilipinas,” dagdag ni Dr. Isidoro.
Ngunit kapag hindi tama ang pagkakatuli, maari itong magdulot ng mga komplikasyon katulad na lamang ng UTI o urinary track infection, renal dysfunction, problema sa urine function, at bleeding. Subalit paliwanang ni Dr. Isidoro na “kadalasan naman relatively safe so hindi naman nakikita yun. Ngunit pwede rin bleeding or mahirap mag-heal yung wound kapag mali yung procedure.”
Pagtutuli sa Los Baños
Sa bayan ng Los Baños, matagal nang ginagawa ang proyektong “Oplan Tuli” tuwing buwan ng Abril at Mayo. Taun-taon itong isinagawa para sa mga kabataan ng bawat barangay. Dagdag pa ni Dr. Isidoro, ang pagtutuli ay isang “nationwide phenomenon,” at isa na nga ang Los Baños sa mga tumatangkilik rito sa matagal nang panahon. “Sa ibang lugar hindi siya nakikita na kailangan na kailangan. Base rin naman ito sa hiling ng community.” ika ni Dr. Isidoro. Ayon rin sa kanya, maari ngang mayroong mga lugar o mga grupo sa ating bansa na hindi ito ginagawa. “Pero sa community natin sa Los Baños necessary at nakagisnan na siya. May medical literatures naman na nagsasabi na ito ay ligtas,” dagdag pa niya.
Pagtutuli at Pagbibinata
Ayon kay Dr. Isidoro, hindi gaanong tinatangkilik ang pagtutuli sa ibang kultura sa mundo. Sa ibang bansa nakikita ang pagtutuli na dulot lamang ng tinatawag na “taboo effect” o ang paniniwalang kailangan magpatuli dahil ito’y isang sagradong (banal) na proseso sa isang lipunan. Ayon kay Dr. Isidoro, “kaya may mga cases na sila pa dumadayo sa Pilipinas para magpatuli o para masubukan lang nila.”
Dito naman sa ating bansa, ang pagtutuli ay parte na ng ating kultura. Importante ito sa mga kabataan dahil nakikita nila ito bilang pagpapatunay na sila ay binata na. Ngunit tingin ni Dr. Isidoro, “may pumapasok na gender issue dito na kung hindi pa tuli ang isang bata, kinakanstyawan ng mga kaibigan nila na hindi pa sila lalaki.”
Kaya naman daw dapat tutukan na ang pagpapatuli ay hindi isyu ng pagkalalaki, kundi parte ng ating kultura. “Iba iba ang kulutura, relative. Sa atin ay very common. Hindi siya dapat tignan for a boy to be perceived as “lalaki”.” wika ni Dr. Isidoro.