ulat at larawan nina Julia Beatriz Iglesias at John Timothy Valenzuela
“Kapag malinis ang kapaligiran, ligtas sa kahit anong kapahamakan”
Ito ay mga salita ni Municipal Consultant Anthony Alcantara mula sa Municipal Environment and Natural Resource Office (MENRO) sa isinagawang pagpupulong ng Barangay Solid Waste Management Council ng Brgy. San Antonio, Los Baños, Laguna nitong ika-6 ng Abril.
Ang pagpupulong ay ukol sa mga polisiya at programa ng munisipyo ukol sa Solid Waste Management. Ito ay upang mas maunawaan ng lokal na barangay ng San Antonio partikular na sa pagiging kabahagi ng bawat mamamayan sa pag-abot ng mga mithiin ng munisipyo na maging malinis at disiplinado ang bawat isa sa usapin ng basura.
Ilan sa mga binigyang diin ay ang pag-unawa sa iba’t ibang uri ng basura, gaya na lamang ng tamang pagtatapon ng mga nabubulok, di-nabubulok, at special wastes. Tinalakay rin ni Alcantara ang mga isyung pangkalinisan na nangingibabaw sa buong Los Baños. Kabilang rito ang pagtatapon sa kalsada at mga creek, hindi pagse-segregate ng mga basura, pagtatambak ng kalat sa mga bakanteng lote, at pagsisiga o pagsusunog ng mga basura.
“Pag inayos natin ang basura, parang nagbawas na rin tayo ng gastos sa pagpapagamot,” wika ni Alcantara ukol sa pag-iwas sa mga sakit tulad ng dengue sa pamamagitan ng simpleng pag-aayos ng basura sa mga tahanan.
Dagdag pa rito, ipinaliwanag rin ni Alcantara ang kahalagahan ng pagsisimula ng tamang kaugalian sa sarili at sa tahanan dahil dito nagsisimula ang pagbabago. Kanya ring hinikayat ang mga miyembro ng barangay na magkaroon ng aktibong partisipasyon sa kanilang barangay at tumulong sa mga opisyal sa mga programa nito sa Solid Waste Management.
Ayon naman kay Rogelio Teloza Jr., driver ng garbage truck ng San Antonio, tungkulin ng bawat mamamayan na dumalo sa mga pagpupulong tungkol sa kalinisan at kapaligiran upang kanilang mapagtanto ang kahalagahan ng pangangalaga rito. “Sumasang-ayon ako kay Sir Alcantara dahil isa talaga sa mga pinakamalaking problema namin sa pagpick-up [ng basura] ay yung mga mamamayan na walang disiplina sa pagse-segregate”, dagdag pa ni Teloza.