Talakayan ukol sa First 1000 Days of Life, isinagawa sa Brgy. Malinta

ulat nina Arianne Arenas, Samantha Mayoralgo, at Mikaela Mamauag

Mahigit 25 na magulang kasama ang kanilang mga anak ang nakilahok sa Juana Know A Learning Activity tungkol sa First 1,000 Days of Life (kuha ni Mikaela Mamauag).

Dinaluhan ng 12 na ina, kasama ang kanilang mga anak, ang Juana Know! na ginanap sa Barangay Hall ng Barangay Malinta kahapon, ika-28 ng Abril, mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali. Ito ay isang programa na naglalayong palaganapin ang kaalaman tungkol sa First 1000 Days of Life.

Ang nasabing programa ay pinangunahan ng mga estudyante ng Komunikasyong Pangkaunlaran ng University of the Philippines Los Baños kaakibat ang Barangay Integrated Development Approach for Nutrition Improvement (BIDANI). Tinalakay sa programa ang exclusive breastfeeding, complementary feeding at child nutrition.

Ayon sa tagapagsalita ng Juana Know! na si Belinda Lalap, BIDANI Network Program Nutrition Component Coordinator at University Extension Associate ng UPLB, ang mga learning activities na ito ay importante sa pagpapalaganap sa layunin ng First 1000 Days program.

“Pinakamahalaga siguro, yung narinig nilang impormasyon sa tamang pagpapasuso ay maipalaganap ‘di lang sa sarili pati sa komunidad, kapitbahay, kapamilya,” ani Lalap.

Kailangan din daw idiin ang importansya ng wastong pagpapakain at pag-aalaga sa mga sanggol mula sa araw ng kapanganakan hangang dalawang taong gulang upang maiwasan ang pagiging malnourished at stunted (kabansutan) ng isang bata.

Si Ms. Belinda Lalap, isang Research Extension worker mula sa BIDANI, UPLB ang nagbahagi ng ilang kaalaman tungkol sa tamang pagkain at nutrisyon ng mga batang edad 6 na buwan hanggang 2 taong gulang (kuha ni Mikaela Mamauag).

Dagdag pa niya, “Sana sila ay maging advocate din ng tamang pagpapakain at pagpapasuso. Sila rin ‘yung makakatulong sa’tin sa pagpapalaganap sa kaalamaan tungkol sa First 1000 Days.”

Para naman kay Carmen Jumawid, Barangay Nutrition Scholar ng Barangay Malinta, malaking bagay raw ang mga programa ukol sa First 1000 Days, lalo na para sa mga ina dahil maaari nilang magamit ang kaalaman para sa kanilang pamilya.

“Magsimula nang sila’y nagbubuntis pa, basta’t nagbabalak sila mag anak, tinuturuan namin sila na alagaan si baby. Siyempre nagsisimula ito sa pagpapacheck-up upang  pagkapanganak nila ay makapagbreastfeed na sila,” paliwanag ni Jumawid.

Parte rin ng Juana Know ang isang cooking demonstration kung saan itinuro ni Ms. Lalap ang pagluluto ng Congi (kuha ni Mikaela Mamauag).

Ayon naman kay Paula delos Reyes, 63, isang ina na may anim na anak at labing-anim na apo, mahalaga raw para sa kanya ang magkaroon ng mga ganitong programa.

Dagdag pa niya, “Para ang mga bata hindi maging malnourished, magkaroon ng masayang pamumuhay, malusog na mga bata, at higit sa lahat maging matalino.”

Idiniin din sa programa ang importansiya ng exclusive breastfeeding kung saan ang gatas lamang ng ina, walang tubig o iba pang pagkain, ang dapat ibinibigay sa sanggol sa unang dalawang taon nito. Bukod sa lecture, nagpakita rin ng recipe videos para pagkain para sa mga bata, base sa recipes ng BIDANI.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.