Ulat nina Tracy Quirino at Dominick Anthony San Buenaventura
LOS BAÑOS, LAGUNA – Pagdating sa handaan, piyesta, at iba pang selebrasyong pampubliko, madalas na maririnig ng mga tao ang mga tugtog at musika. Madalas ang mga musikang ito ay tinutugtog ng mga propesyonal gamit ang kani-kanilang instrumento. Ngunit, para sa bayan ng Los Baños, ang miyembro ng kanilang musika ay binubuo ng mga bata mula sa iba’t ibang barangay ng munisipalidad kung saan Brass Band ang turan sa kanilang grupo. Ang paglikha ng isang Brass Band sa Los Baños ay isa sa mga proyekto ni Mayor Ceasar Perez na nagsimula noong ika-2 ng Hunyo taong 2016.
Ayon sa maestro ng Brass Band na si Virgilio Alipolio, 42, ito ang unang banda na binubuo ng puro mga bata at estudyante pa lamang. Nang tanungin kung bakit niya naisipan na pumasok at magturo sa mga bata ng musika at paggamit ng instrumento, sinabi ni Alipolio na nais nyang paglingkuran at bigyang serbisyo ang Mayor (Perez) na siyang nagtalaga ng bandang ito at “syempre para mai-share sa mga bata ang alam ko… tinanggap ko na itong (inalok) niya sa akin”.
Layunin ng Brass Band para sa mga miyembro nito na maging bahagi ng magandang kinabukasan ng mga bata. Ayon din kay Alipolio na kanilang maestro, ang Brass Band ay nagsisilbing magandang libangan ng mga bata sa halip ng paggawa ng bisyo o iba pang gawain na maaaring makaabala sa kanilang pag-aaral. Dahil sa kada-Linggong pag-eensayo, natututo ang mga bata na mahilig sa sining ng musika at mas pinipiling tumugtog kasama ang kanilangmga kasamahan sa Brass Band.
Maraming benepisyo ang naibibigay ng Brass Band para sa mga miyembro nito tulad na lamang ng mga musical scholarship at malawakang musical experience kahit sa murang edad pa lamang. Bukod sa mga benepisyo nito na para sa kinabukasan ng bata, mayroon ding naibibigay na mga serbisyo ang munisipyo ng Los Baños tuwing nag-eensayo ang mga bata–mayroon silang libreng tanghalian at libreng service na naghahatid sa kanila matapos ang kanilang praktis sa munisipyo.
Madalas na ipinapatawag ni Mayor Perez ang Brass Band ng Los Baños upang magpakitang-gilas sa mga pagdiriwang sa munisipalidad. Madalas ang mga kanta na tinutugtog ng mga ito ay mga request mula mismo kay Mayor o di kaya’y mga awitin na uso at napapanahon.
Ang Brass Band ay binubuo ng mga kabataan mula sa ika-6 na baitang pataas, at mayroon ding mga miyembro na nasa edad 20 pataas na. Ngunit sa kabila ng lahat ay mas pinahahalagahan pa rin ng banda ang pagtataguyod ng magandang pundasyon para sa mga kabataan.
Para sa mga bata na miyembro ng Brass Band, ang pagpasok tuwing Sabado upang mag-ensayo ay hindi mahirap sakanila. Sa katunayan, ito ang isa sa mga bagay na masaya silang gawin.
Sa Brass Band na ito, mayroon ding iilang miyembro na tumatayong mga ate at kuya ng grupo. Ang mga miyembrong ito ay ang mga bihasa o matagal nang tumugtog ng mga instrumento. Isa na rito si Noel Gadon. Siya ay isa sa mga tao na nagpursigi upang maitaguyod ang Brass Band para sa kabataan. Maliban sa dahilan na hilig niya tumugtog ng musika, ang pagtutulong sa mga kabataan ay isa ring dahilan kung bakit niya naisipan na supportahan at ipagpatuloy ang pagsasagawa ng Brass Band sa bayan ng Los Baños.
Ayon sa nanay ng isang bagong miyembro ng Brass Band na si nanay Wilma Leonidas, ang paghihikayat niya sa kaniyang anak na si Allysa Leonidas ay isang mabuting paraan kung saan matuturuan niya ang anak niya na matutong maging mapagisa. Bukod sa pagkakaroon ng mga bagong kaibigan, naniniwala siya na matututo ang kanyang anak na makagawa ng mga bagay para sa kanyang sarili.