nina Christine Reyes at Bernice Gonzales
Ito ay una sa limang feature stories na itinatampok ang ilang mga manggagawa mula sa Brgy. San Antonio, Los Banos, Laguna.
Hindi hadlang ang edad, kapansanan, at kahirapan upang ipadama ang pagmamahal para sa ating pamilya. Maraming kababayan natin ang nagtitiyaga at nagsusumikap magtrabaho para lamang maitaguyod ang kanilang mga pamilya sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap nila sa pang araw-araw nilang buhay. Isang patunay na rito ang kwento ni Master Joe.
Si Jose Delfin Panselis, o mas kilala bilang Master, ay ang pinakamatandang trolley driver sa Purok 5 sa Brgy. San Antonio, Los Banos, Laguna. Sa edad na 70, hindi niya inaalintana ang dilim at lamig ng madaling araw upang makapagsimula na siyang mamasada.
Pagsapit ng alas-dos ng umaga ay magsisimula na sa pagtatrabaho si Master. Sinasabayan ng ingay ng kanyang trolley ang katahimikan ng mga kabahayan sa tabi ng riles, mga tahol ng mga aso sa tapat ng mga bahay, at ang mga yapak ng mga taong kailangang bumiyahe nang maaga para sa kanilang trabaho.
Transportasyon sa riles
Dahil binabagtas ng riles ng tren ang Purok 5 at 6 sa naturang barangay, ang trolley ang nagsisilbing pangunahing transportasyon ng mga residente rito. Itinutulak ito sa kahabaan ng riles ng nasa isang daan at dalawampung trolley drivers, na may kani-kaniyang iskedyul ng pasada na sinusunod. Ang mga trolley drivers mismo ang gumagawa ng sari-sarili nilang trolley, kaya’t iba-iba rin ang kulay, istruktura, at special features ng mga ito.
Ang trolley ay may porma ng isang upuan sa parke – ito ay may kahoy na sandalan, upuan, at suporta sa ilalim, na nakakabit sa sahig na gawa sa pinagdikit-dikit na kawayan. Limang tao ang kasya sa isang trolley, at limang piso ang bayad kada pasahero. Kung nagmamadali ang isang pasahero, maaari siyang mag-solo at bayaran nang buong bente-singko ang isang sakay o ang kulang upang makumpleto ang isang byahe. Minsan, marami ring nakikisabay at nakikitulak na lamang sa pagbagtas ng mga trolley sa kahabaan ng riles.
Araw-araw, ang mga madalas na pasahero ni Master ay ang mga residente sa tabi ng riles na namamalengke o nagt-trabaho sa mga paktorya. Dahil sa kanila, kumikita si Master ng mahigit-kumulang isang daang piso kada araw.
“Ang maganda naman doon ay pagsapit ng pasko may pamasko sa akin yung mga hinahatid ko, nakakatuwa.” masayang binanggit ni Master.
Bago sumapit ang alas siyete ng umaga ay titigil na si Master sa pagpasada at uuwi na sa kanilang bahay upang mamahinga. Hindi na siya namamasada pagkatapos ng naturang oras sa umaga dahil sa init ng panahon.
Ang pamilya ni Master
Tubong Bicol si Master. Dito na rin niya nakilala ang kanyang asawa. Matapos maikasal, napagdesisyunan nilang lumipat sa Brgy. San Antonio, Los Baños, upang makaiwas sa madalas na pagbaha sa kanilang probinsya. Dito na rin sila bumuo ng sarili nilang pamilya.
“Ibinenta sa amin itong bahay hindi pa yari, ang bubong ay pawid pa. Noong nagabroad ang asawa ko saka lang nagawa ng paunti-unti.” banggit ni Master.
Mayroong limang anak si Master Joe, apat na lalaki at isang babae. Dalawampung taon na ang nakakalipas mula nang mangibang bansa ang kaniyang asawa. Nagsimula bilang mananahi sa isang malaking kumpanya sa Dubai ang asawa ni Master hanggang magkaroon ng sariling negosyo doon at ngayon ay isang master cutter at designer na. Nasa ikaapat na baitang pa lamang ang panganay nila nang umalis ito, at mula noon ay tatlong beses pa lamang itong umuuwi.
“Hindi na din kami nakakapag-usap gawa ng hindi kami magkarinigan; may diperensya na rin kasi ako sa pandinig.” kwento ni Master.
Magkatuwang na itinaguyod ni Master at ng kanyang asawa ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Sa ngayon, kasama ng misis ni Master sa Dubai ang panganay nilang anak, na nagtatrabaho sa construction site bilang foreman.
“Kontrata yung trabaho niya doon eh, pero taon taon nauwi yun.” kwento ni Master. Ang dalawa pang lalaki ay kasama naman ni Master sa bahay, at pareho ring nagtatrabaho sa construction site. Samantala, ang anak nilang babae ay may sarili na ring pamilya at naninirahan sa Bagong Kalsada kasama ang pamilya ng asawa nito.
Si Master ay kasalukuyang naninirahan sa isang dalawang-palapag na bahay na kongkreto sa San Antonio. Di pa man ito tapos, ikwinento niyang siya lang din at ang mga anak niya mismo ang gumagawa nito. “Nahulog nga ako habang ginagawa ko yan eh!” ang dagdag ni Master. Dahil ang dalawang anak niyang lalaki ay parehong nagtatrabaho sa isang construction site, tulad ni Master ay maaga rin silang umaalis ng bahay nang hindi pa sumisikat ng araw. Sa ganoong oras, bago pumasok sa trabaho, ay ipinagsasaing na siya ng isa sa mga anak niya para sa maghapon. Kung minsan ay nagluluto na rin ang kaniyang anak ng ulam para sa buong maghapon, pero kung minsan naman ay bumibili na lamang si Master ng ulam sa may bukana ng kanilang kanto.
Mayroong labing-isang apo si Master. Apat sa mga ito ang kasama niya sa bahay. Ang dalawa ay pumapasok sa Lopez Elementary School, habang ang dalawa ay nasa bahay lamang dahil maliliit pa. Aniya, tuwing wala ang mga magulang ng mga ito, siya ang nag-aalaga at tumitingin sa kanila. Kaya’t pagkatapos mamasada sa umaga ay nanatili na lamang si Master sa bahay upang alagaan ang kaniyang mga apo.
Mga pagsubok sa buhay
Bago manirahan sa labas ng probinsya, naging magsasaka muna si Master sa Bicol.“Nagtrabaho ako sa palayan, ang hinahawakan ko kalabaw; kung baga land master!” kwento ni Master.
Matapos iwan ang Bicol ay nagtrabaho si Master bilang steel man sa isang kompanya sa Sto. Domingo, Laguna. Ngunit sa di inaasahang pangyayari, siya’y nadisgrasya at naimpeksyon ang kanyang mata. Sinubukan niyang kumuha ng benepisyo, ngunit mahaba ang prosesong pinagdaanan niya para makakuha ng tulong mula sa kumpanyang kanyang pinagtrabahuhan.
Noong ibibigay na ang benepisyong kanyang hinihingi, wala na siyang makasama sa pagluwas dahil nangibang bansa na ang anak niyang lagi niyang nakakasama. Lumipas ang ilang taon at hindi na rin nakuha ni Master ang benepisyong ito.
“Inilaban nga namin ito sa Bureau of Labor kaso wala na akong makasama papunta doon. Tumawag nga sakin yung mga kasama ko babayaran na daw dapat kami kaso hindi na ako nakapunta. Wala akong natanggap ni singko; gumastos lang ako. Hindi ko na din hinabol wala na din daw ako makukuha. Salto na daw.” banggit ni Master.
Pagkatapos ng disgrasya, madaming trabaho ang inalok kay Master, ngunit wala na siyang tinanggap ni isa sa mga ito. Dahil nga sa hindi na makakita ang isang mata ni Master, malabo na rin ang kabila, at mahina na ang kanyang pandinig, napagdesisyunan niyang maghanap ng trabaho na akma sa kaniyang kundisyon – ang pagto-trolley. Si Master ay apatnapung taong-gulang nang simulan niyang gawing pangunahing hanapbuhay ang pagto-trolley.
Pagpupunyagi sa San Antonio
Sa mga unang taon ng paninirahan nila sa Brgy. San Antonio, nagsimula nang mamasada si Master; pandagdag sa kita niya habang nagta-trabaho pa bilang construction worker. Nang matapos ang pagta-trabaho niya sa construction ay pinili na lamang niyang maging full-time na trolley driver. Aniya, bukod sa paglakip ng pera ay maganda rin daw ang pagto-trolley dahil ito ay nagsisilbing ehersisyo niya ito.
“Kasi … ‘pag hindi ako nag-trolley… baka hindi na ako tumagal sa mundo,” ika ni Master.
Kwento ng ilan sa mga kapwa trolley drivers ni Master, maaga raw talaga siyang lumabas para magtrabaho. “Minsan nga siya yung pinakaunang nakapila dyan sa tapat ng simbahan.” kwento nila.
Bagama’t ang nakukuha niyang pera mula sa pagto-trolley minsan ay ipinangbibili niya na lamang ng kape at pagkain, malaking bahagdan ng kinikita ni Master ay napupunta sa kaniyang mga apo. “Naawa naman ako sa mga apo ko na nagtatangad sila dahil wala silang pambili,” aniya.
Ang mga apo niya ang nagsisilbing inspirasyon niya sa paggising nang maaga upang maghatid at magsundo ng mga pasahero sa riles. Ika ni Master, “Ayoko na nakikita ng mga apo ko, ‘yung mga kapwa nila bata na may pagkain, [tapos sila wala].”
Tunay ngang hindi hadlang ang edad, kapansanan, at katayuan sa buhay upang magsumikap para sa ating pamilya at mga kaibigan. Isang halimbawa na ang kwento ni Master, na kahit ano mang pagsubok ang ibato ng buhay sa kanya ay pilit niyang pagtatagumpayan para sa kaniyang mga mahal sa buhay.