ni Robi Kate Miranda
Ngayong araw, nagkaroon ng libreng seminar, dog training at anti-rabies vaccination sa UPLB hatid ng Alpha Phi Omega (APO) UPLB Theta Chapter, kasama ang Los Baños Advocates of Animal Welfare (LB-AAW) at UP MMDA Vanguard K9.
Pinangunahan ni Reignier Guerrero, Public Relations Head ng LB-AAW ang seminar ukol sa tamang pag-aalaga ng mga aso at iba pang hayop. Tinalakay niya ang ukol sa animal welfare at animal abuse.
Ayon sa kanya, may limang freedoms ang mga hayop. Ito ang freedom from hunger or thirst, freedom from discomfort and inadequate shelter, freedom from disease and injury, freedom from distress and pain, at freedom to display normal behavior. Aniya, ang mga ito ang pinagbatayan ng mga batas kagaya ng RA 9482 (Anti-Rabies Act of 2007) at RA 10631 (Amended Animal Welfare Act).
“As responsible pet owners, we have to adjust for them [pets] as well,” dagdag pa niya. Hinikayat niya ang mga nagnanais mag-alaga ng hayop na mag-ampon na lamang para sa kaligtasan ng mga ito.
Samantala, ibinahagi naman ng UP MMDA Vanguard K9 ang kahalagahan ng training sa alagang hayop lalo na para sa mga panahon ng sakuna. Ayon kay Gemma Garcia, isa sa mga volunteers ng nasabing grupo, mahalagang matuto ang mga handler at kanilang mga alaga ng search-and-rescue training bilang paghahanda na rin sa inaaasahang 7.2 magnitude lindol na tatama sa bansa.
Nagpakita rin ang UP MMDA Vanguard K9 ng mga paraan ng tamang pag-aalaga ng hayop. Ayon sa kanilang senior instructor na si Don Castillo, isa sa mithiin nila ang mapalawak at maibahagi pa ang kanilang kaalaman sa mas maraming pet owners at handlers sa bansa. Binigyang-punto nila na kahit anong breed ng aso, bata o matanda, basta may kasamang mag-aalaga ay maaari nilang maturuan.
Ang nasabing programa ay dinaluhan ng mahigit 40 katao na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng Laguna at karatig bayan. Ito ay isinagawa sa UPLB Senior’s Social Garden ng APO-UPLB Theta Chapter bilang selebrasyon ng kanilang ika-92 anibersaryo.