ulat ni Le-An Gabrielle Delos Santos
Isinagawa ng Rural Improvement Clubs Los Baños (RIC LB), Inc. ang isang feeding program sa Brgy. Mayondon, Los Baños, noong ika-5 ng Mayo.
Ang naturang barangay ang pang-apat na lokasyon na pinagdausan ng RIC LB ng feeding program ngayong taon. Noong ika-14 lamang ng Abril, naganap ito sa Brgy. Bayog, noong ika-20 ng Abril naman ay sa Brgy. Anos, at noong ika-29 ng Abril ay sa mga barangay ng Bambang at Lalakay.
Nagsimula nang alas-diyes ng umaga at natapos nang tanghali ang nasabing programa. Ito ay naganap sa Ilaya, Purok 3 at 4, Brgy. Mayondon, Los Baños.
Ayon sa mga miyembro ng RIC LB, bagamat may mga RIC centers sa ilang mga barangay ng Los Baños na nagsasagawa ng taunang feeding program, ngayon lamang nagsimula ang RIC na sa buong bayan ng Los Baños isinasagawa ang nasabing programa. Dagdag pa rito, sinabi rin nila na balak nilang gawin ito bilang taunang programa ng kanilang organisasyon.
Ang serye ng feeding programs na ito ay bahagi ng community service ng RIC LB. Nilalayon nito, bukod sa makatulong sa mga komunidad, na magsisilbing pagpapakilala nila ng kanilang organisasyon. Dagdag pa rito, ang feeding program rin ay oportunidad upang mai-promote nila ang produktong tinatawag na Kalinga, na siyang pangunahing sangkap na ginagamit nila sa mga pagkaing inihahanda nila sa kanilang feeding program.
Kalinga ay ang pangalang lokal ng produktong ito para sa Infant Supplementary Mixture or Insumix. Pinasimulan ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) kasama ang Bureau of Agricultural Extension (ngayon Municipal of Agriculture) noong 1980s. Ang Kalinga ay primaryang tumutulong na pagandahin ang nutrisyon ng hindi lamang mga sanggol kundi pati na rin ang iba pang mga grupo na sakitin tulad ng mga matatanda, mga buntis, mga may sakit at iba pa.
“Basta’t ang main ingredient talaga namin, lagi naming nilalagyan ng Kalinga…”, pahayag ng presidente ng RIC-Mayondon na si Angelica Legaspi. Aniya, sila sa organisasyon ang gumagawa ng Kalinga gamit ang mga sangkap tulad ng bigas, linga at saka munggo. Dalawa sa pangunahing bumibili sa kanila ng Kalinga ay BS Nutrition Students ng UPLB at BIDANI.
“…Kalimitan naman kaya kami may feeding (program), ‘yung mga indigents eh. Kasi ‘yon ngang aming product, ang Kalinga, ang purpose namin mag-gain sila ng weight kasi nga kami ay nasa more on nutrition,” ayon naman sa paglalahad ng presidente ng RIC sa Timugan na si Jocelyn Matundan. Ilan sa mga inihanda nila sa kanilang mga nagdaang feeding programs ay congee, o lugaw na gawa sa malagkit na may kasamang kalabasa, malunggay, giniling, at Kalinga, “mayroong rice with malunggay, menudong giniling. Lahat may Kalinga.”
Inilahad naman ng ilang miyembro ng kanilang organisasyon na sila ay masaya na nakakapagsagawa sila ng mga feeding programs sapagkat nakikita nila na napupunan nila, kahit sa maliliit na pamamaraan tulad nito, ang pangangailangan ng mga batang may kakulangan sa nutrisyon at kinakain. “Kasi nakikita mo sila talagang kung paano sila kumain, alam mong kulang…at saka kita mo sa mga bata naman, sabik sila sa mga ganung pagkain,” hayag ni Annie Lantican, ang Teacher-in-charge sa RIC Children’s Center ng Brgy. Mayondon.
Pinapasalamatan naman ng buong RIC LB, Inc. ang mga sumuporta sa kanilang feeding programs. Ang mga kasama rito na nagbigay ng mga karagdagang pagkain, suportang pang-pinansyal, at serbisyo ay ang mga matagal nang alumni ng RIC Children’s Center, ang mga officers ng RIC, at mga magulang, di lamang ng mga kasalukuyan, ngunit pati ng mga dating estudyante ng RIC Children’s Center ng Mayondon.
Nakatakdang isagawa ng naturang organisasyon ang mga susunod na feeding programs ngayong buwan sa Brgy. Tuntungin-Putho (ika-19), Brgy. Maahas (ika-20), Brgy. San Antonio (ika-23), at sa Villa Adelina (ika-26).