nina Franco Maniago at Matthew Delminguez
Ito ang huli sa limang feature stories na itinatampok ang ilang mga manggagawa mula sa Brgy. San Antonio, Los Banos, Laguna.
Kahit animnapu’t apat na taong gulang na, hindi pa rin tumitigil ang kagustuhan sa puso ni Mang Paquito na magsilbi hindi lamang para sa mga kababayang bumabagtas sa kalsada, kundi pati na rin sa mga maliliit na mga batang tumatawid at nag-aaral sa tagong paaralan ng San Antonio Elementary School na matatagpuan sa Purok 3 ng barangay.
Kadalasang mapapansin sa gitna ng kalsada ang ingay ng busina at tunog ng takbo ng makina ng mga kotse at bus, ngunit hindi iniinda ang mga ito ni Paquito San Pedro, o mas kilala bilang Mang Paquito, para panatilihing ligtas ang mga batang papasok at aawas araw-araw, pati na rin ang kaligtasan ng paaralang pinapasukan ng mga ito. Ika nga ng mga bubwit, “Kung ayaw mo mabangga, magpatawid ka kay Mang Paquito! Nandiyan lang ‘yun palagi!”
Bilang isang traffic aide sa loob ng dalawampu’t limang taong, siya ay kinikilala ng marami bilang isang manggagawang puno ng dedikasyon at pagmamahal sa kanyang trabaho – ang pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa daan — isang halimbawa ng pagbibigay-serbisyong tunay para sa mga mamamayang Pilipino.
Alamin natin ang kwento sa likod ng isang taong ginugol ang mahigit tatlong dekada ng kanyang buhay sa kalsada bilang traffic aide, sa eskwelahan bilang bantay, at sa mga bata bilang isang gabay.
Tubong San Antonio
Simula’t sapul ay tubong San Antonio na si Mang Paquito. Aniya, lumaki siya sa isa sa mga bahay sa tabi ng riles ng tren sa Purok 5, sa may bukanang may basketball court na inaabutan na ang kaingayan ng kalsada. Dito na rin daw siya tumanda, nag-asawa, at nagkaroon ng tatlong anak si Mang Paquito.
Upang buhayin ang kanyang pamilya, nagtayo si Mang Paquito ng isang maliit na sari-sari store sa may bahay niya. Hindi sapat ang kita nila mula sa sari-sari store na ito upang tustusan ang buong pamilya ni Mang Paquito, ngunit dagdag na tulong na lamang ito upang matawid ang pangaraw-araw nilang pangangailangan.
Trabahong pangkaligtasan
Dahil sa kakulangan sa pangtustos sa mga gastusin ng kanyang pamilya buhat ng hindi sapat na perang kinikita mula sa kanyang maliit na tindahan, pinili ni Mang Paquito na magtrabaho bilang isang traffic aide.
Siya raw ay nadestino sa isang lugar sa kahabaan ng National Highway ilang metro lamang ang layo mula sa Junction sa Los Banos. Dito ay may pedestrian lane at isang eskinitang nagtutungo sa paaralang pinupuntahan ng kanyang mga ka-barangay, mapa-bata man o matanda. Lingid raw sa kaalaman niya noong mga panahong iyon, ito na pala ang magsisilbing pang-araw-araw na tanawin niya sa mga susunod na taon.
Kung iisipin ng isang pangkaraniwang tao, simple lamang ang trabaho ni Mang Paquito- sisiguraduhin lamang niya na makakatawid nang maayos ang mga tao, partikular na ang mga batang papasok sa eskweluhan o pauwi sa kanilang mga bahay. Ngunit sa totoo lamang, ang mga pinagdaanan ni Mang Paquito araw-araw sa kanyang dalawampu’t limang taon na serbisyo, ay hindi madali.
Bago pa mag-alas syete ng umaga ay pumapasok na si Mang Paquito. Sa oras na ito, kwento niya, ay nagsisimula nang magdatingan ang mga mag-aaral at mga guro ng San Antonio Elementary School. Dito na din nagsisimula ang kanyang trabaho na gabayan at panatilihin na matiwasay na nakatawid ang mga estudyante at mga guro patungo sa paaralan.
Sa katunayan, ang dapat na tapos ng trabaho ni Mang Paquito ay sa oras ng pag-uwi ng mga estudyante tuwing alas-kwatro ng hapon. Ngunit hindi ito ang kalagayan, dahil noong mas malusog pa si Mang Paquito at kaya pa ng kanyang katawan, magdamag na nakabantay siya sa labas ng paaralan, umaga hanggang gabi, hindi lamang tuwing sa oras ng pagpasok at pag-uwi.
Aniya, umuuwi lamang siya upang mananghalian at maghapunan. Kahit na matapos na ang oras ng pasok ng mga bata ay nagbabantay pa rin si Mang Paquito sa labas ng paaralan. Dahil sa pagbabantay na ito, kwento niya, ay nabawasan ang kaso ng nakawan sa paaralan.
Ngunit sa pag-lipas ng panahon ay tumatanda rin si Mang Paquito at unti unti rin siyang nagkasakit. Kamakailan lamang raw ay nagkasakit siya at kinailangan niyang magpahinga, at ito ang naging dahilan ng pagbawas ng oras ng kaniyang pagbabantay sa eskwelahan. Kahit na siya ay nagkasakit na, hindi parin tumigil ang pagpupursigi ni Mang Paquito na bantayan ang mga mag-aaral ng San Antonio Elementary school. Sa mga panahong ito ay nagtatrabaho na lamang siya sa pag-pasok at pag-uwi ng mga estudyante.
Makabagong bayani
Sa mga residente ng Brgy. San Antonio na mga nagsipagtapos sa kanilang paaralan na San Antonio Elementary School, hinding hindi nila makakalimutan ang nag-iisang taong umagapay sa kanila noong hindi pa nila kayang mag-isang tumawid sa kalsadang puno ng nakakatakot na mga panganib sa kanila — noong kabataan pa nila. Sa loob ng dalawampu’t limang taon, si Mang Paquito ang nagsisilbing gabay na umaakay sa mga estudyanteng tungo sa kaligtasan nang walang ibang nandyan para sa kanila.
Kung para sa marami ito ay isa lamang pangkaraniwang trabahong hindi kapansin-pansin, alam ng mga mamamayan ng San Antonio na ang mga responsibilidad na dala ng pagiging traffic aide at bantay ni Mang Paquito ay importante at dapat bigyan ng karampatang pasasalamat at pagkilala para sa lahat ng kanyang mga natulong at nagawa para sa bayan.
Para sa lahat ng sakripisyo, sa lahat ng dugo, pawis at oras na kanyang ginugol, ang tanging hininging kapalit lamang ni Mang Paquito ay ang kaligtasan at kaayusan ng mga bata at ng paaralang kanyang pinapanatiling bantay-sarado – isang tunay na bayaning manggagawa sa makabagong panahon.
Isa siya sa mga taong nagbibigay ng buong pusong serbisyo hindi lamang para sa sarili at pamilya niya, kundi pati na rin sa bayan.