ni Krizza Bautro
Rumaragasa ang tubig nang madaanan ng bangkang may lumang makina na mahigit walong taon nang gamit. Kaakibat nito ang batangang sumusuporta sa bigat ng apat na tao sa kalagitnaan ng masungit na panahon. Nanginginig sa lamig ngunit kampante sa gabay ng lawa — ganito nagsimula ang araw naming apat na estudyante, si Rendell, Eliza, Ralph, at ako – nang samahan namin si Mang Jun De Ada, isang mangingisda ng lawa sa Mayondon, Los Baños, sa isang araw ng kaniyang buhay.
Limampung taong gulang na si Mang Jun, at limampung taon na rin siyang naninirahan sa baybayin ng Mayondon sa Los Baños Laguna. Sa katunayan, minana niya ang pagiging mangingisda mula pa sa kanyang ama at mga ninuno, at ito na ang kaniyang ikinabubuhay mula kanyang pagkabinata tulad ng ibang residente ng Mayondon. Sila ang mga katutubo ng lawa ng Laguna na hanggang ngayon ay naninirahan pa rin sa baybayin nito. “Dito ako pinanganak, lumaki, nagbinata, nagkaasawa, palagay ko ay dito na rin ako mamamatay,” sentimento niya
Sa alaala ni Mang Jun, taong 1970 hanggang 1980 ang pinakamagandang panahon ng lawa. Masagana ang lawa sa mga isda at malinaw pa ang tubig. Hindi pa sementado ang baybayin sa Mayondon at ayon sa kanya, iba ang ganda ng lawa na dikit sa buhangin.
“Matataba ang mga isda at masagana ang bawat pamilya ng mga mangingisda. Ayon kay Mang Jun, noong mga panahong iyon, sapat ang lahat para sa kanilang komunidad.”
Kinalaunan, napangasawa niya si Aling Tess na tubo
ng Mayondon rin. Kwento nila, halos magkapit-bahay lang sila noon, magkakakilala rin ang kanilang mga pamilya at di nagtagal ay sila rin ang nagkatuluyan. Nagbunga ang kanilang pagsasama ng tatlong anak. Ang panganay at pangalawa niyang anak ay may mga asawa at nakabukod na sa kanila. Samantala, ang bunso ay siyang kasa-kasama niya sa pamamalaot sa lawa tuwing umaga at hapon.
Nang tanungin kung naging mangingisda rin ang kaniyang mga anak, “Yung isa, sumasama-sama sakin, pero hindi rin pwedeng permanente. Yung isa sa tubig nagtatrabaho, yung isa construction. Hindi na rin sila naging mangingisda dahil hindi na kayang sumuporta ng lawa sa ngayon,” ani niya.
“Ibang-iba na ang kalagayan ng lawa sa ngayon, kumpara noon,” dagdag niya. Ayon sa kaniya, napipilitan ang mga residente na humanap ng ibang hanapbuhay o mapagkakakitaan dahil sa kakaunti na lamang ang isda sa lawa. “Hindi na talaga sapat yung huli namin, minsan lugi pa nga sa gasolina,” dagdag ni Mang Sonny na kaibigan ni Mang Jun, at isa ring mangingisda sa lawa na nagtatrabaho rin sa construction upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya.
Matapos pumalaot noong umaga na iyon, bumalik na kami sa baybay dala ang tatlong malalaking tilapia at isang maya-maya. Pante o lambat ang gamit na panghuli ni Mang Jun. Itinatanim at iniiwan niya ito sa lawa at saka kokolektahin ang mga nahuling isda makalipas ang ilang oras. Nilagay namin sa balde ang mga malilikot at buhay na buhay na isda at saka namin ito inihatid kay Aling Tess upang malinis at maihanda sa paglalako.
Dito umiikot ang pang-araw-araw na pamumuhay ni Mang Jun katulad ng marami sa kaniyang mga kapitbahay sa baybayin – ang humuli ng isda, ibenta ito sa mga kapitbahay, at kapag may natira ay siya ring hapunan kinagabihan.
Sinamahan namin si Aling Tess sa paglalako at ayon sa kaniya, madalas, mas mahirap pa ito kaysa sa mismong pangingisda. “Sobrang mura [nito] dito, pero sa Maynila o palengke mahal ‘to, dito mura pero mahirap parin ibenta,” wika niya. Ito ay dahil sa dami ng naglalako rin ng isda sa baybayin at tipikal ang uri ng laman at lasa ng isdang ito. Dahil dito, ihahanda na lamang bilang hapunan nila Mang Jun.
Libreng linis, libreng taga, at may bawas pa sa presyo, “Ganyan ‘talaga sila. Ako lahat gagawa, iluluto na lang nila,” ani ni Aling Tess noong kasama namin siya sa may poso upang linisin at hiwa-hiwain ang mga isdang naibenta. Naipagbili ni Aling Tess sa halagang 140 pesos ang tatlong isda – maliliit ngunit sapat na para sa kanyang pamilya sa araw na iyon.
Alas tres nang bumalik kami sa lawa upang pumalaot muli at kolektahin ang iniwang mga lambat kanina. Di tulad noong umaga, mas kalmado na ang lawa ngunit matinding tirik ng araw naman ang kalaban namin ngayon. Kita sa kilos ni Mang Jun na komportable siya sa ginagawa niya, ngunit halata pa rin ang pangamba sa kaniyang mukha kung aabot uli sa tatlo o kung mayroon nga bang mahuhuling isda sa paglaot naming iyon.
Hinila ni Mang Jun ang mga nakalitaw na parte ng lambat, at pinakiramdaman kung para bang may mabigat na bagay na nakasabit sa ilalim nito. Importante ang parteng ito dahil maraming beses na maaaring isda ang nakasabit sa lambat, ngunit isang maling galaw ay maaari itong makawala.
Iba ang sayang dulot sa bawat pagkakataon na nakahuli kami ng isda nang araw na iyon. Wika ko nga, mahirap man, masaya pala ang mangisda.
Nagpakain sa mga itik, naghabi ng lambat, nagluto ng isdang sariwa mula sa lawa, at nakipaglaro sa mga apo – ito pa ang mga gawaing bumuo sa araw ni Mang Jun na aming nasubaybayan at kung saan kami rin ay nakibahagi. Pinagsalu-saluhan nilang pamilya ang isang maya-mayang nahuli noong umaga, na naging sapat rin para ibahagi sa aming apat na estudyante – mga dayuhang pinatuloy nila Mang Jun sa isang araw ng kanilang buhay na tatagal at mananatili bilang isang natatanging karanasan para sa amin.
“Balik kayo dito, wag niyo kami kalimutan ah,” ani ni Mang Jun habang lumulubog ang araw na kanina’y aming patnubay sa paglaot, at ngayon naman ay nagsisilbing hudyat na ng aming paglisan.