(ni Manuel O. Pua, Grade 12–Los Baños Bambang Senior High School)
Matagumpay na idinaos sa Los Baños ang Invent School Program (ISP) seminar-workshop para sa mga senior high school (SHS) sa Laguna. Nagsimula ito noong ika-4 Hulyo at nagtapos nang sumunod na araw, sa Department of Science and Technology (DOST) Regional Office Training Hall, Brgy. Timugan, Los Baños. Inorganisa ito ng DOST–Technology Application and Promotion Institute (DOST–TAPI), sa pakikipagtulungan ng DOST-CALABARZON.
Sa pagbubukas ng programa, sinalubong ni Dr. Alexander Madrigal, regional director ng DOST, ang may 52 mag-aaral ng senior high school mula sa 17 paaralan sa buong Laguna, kabilang na ang mga pampublikong senior high schools sa Los Baños. Sa kanyang panimulang pagbati, ibinahagi niya ang kahalagahan ng mga larangan tungkol sa pagtuklas gamit ang makabuluhang pag- iisip.
Ilan sa mga paksang tinalakay ay ang mga sumusunod: Developing Creative Thinking Skills, Invention Development, Intellectual Property Rights, Prototyping and Commercialization, Prior Art Search, at Basic in Patent Drafting. Pangunahing tagapagsalita dito sina Engr. Roberto Verzosa, Senior Research Specialist ng DOST-TAPI, at Annaliza Saet, program manager ng ISP.
Kaakibat rin ng mga talakayan ang mga workshop, kung saan nagkaroon ang mga kalahok ng pagkakataong magsanay sa mga kakayanang kabilang sa mga layunin ng ISP. Halimbawa na lamang nito ang “critical thinking and inventiveness,” na sa yang mahalaga sa sa pagtuklas ng solusyon sa bawat halimbawa ng suliraning kinakaharap sa kasalukuyan. Sa pamagitan nito, nakapagtanghal ang mga kalahok ng kani-kanilang ideya para sa mga bagong imbensyon.
Kabilang rin sa layunin ng ISP ang makapagpalawak ng kamalayan ng mga mag-aaral sa intellectual property rights and protection, makapagtaguyod ng samahan ng mga kabataang imbentor, at mahikayat ang mga kabataang kumuha ng mga kursong may kinalaman sa agham upang maging mga imbentor, inihinyero, at siyentista sa hinaharap.
Sa huling araw ng seminar-workshop, pinarangalan ang mga natatanging pangkat ng mag-aaral na nagpakita ng husay sa iba’t ibang aktibidad. Ito ay tinampukan ng mga pangunahing pinuno ng DOST at TAPI, kasama ang kanilang mga panauhin.
(Karagdagang impormasyon mula sa DOST-CALABARZON Facebook Page.)