Sunog, naapula agad ng mga tricycle driver at residente sa Putho-Tuntungin

(UPDATED) Nasunog ang isang kubo sa Purok 6, Brgy Putho-Tuntungin, Los Baños, kaninang mga 8.30 ng umaga, at naapula rin agad sa tulong ng mga tao sa barangay. Walang nasaktan sa insidente.

Ayon kay Jose Melodillar, 56 taong gulang, nasa CR siya nang mag umpisa ang sunog sa kubong tinutulugan nya kasama ang kanyang 5-taong gulang na apo . “Pagbalik ko, hindi na rin ako makapasok diyan dahil malaki na ang apoy, mainit na,” aniya.  Nakalabas na rin ng kubo ang bata bago mangyari ang sunog. 

Sa pagtutulungan ng mga tricycle drivers at mga residente sa lugar, naapula ang sunog sa loob ng kalahating oras.

Nasunog ang kubong ito sa Brgy. Putho-Tuntungin kaninang 8.30 ng umaga.

Ayon sa pamilya ni Melodillar, hinihinalang nag-umpisa ang sunog mula sa isang charger sa loob ng kubo. Tupok ang lahat ng gamit sa loob ng kubo, kasama na ang mga damit, TV, mattress, mga pinggan, mga gamit pang-eskwela, at iba pang kagamitan. Nadilaan din apoy ang unahan ng isang kotseng nakaparada sa shed sa tabi nito. Nasunog rin ang ilang construction materials tulad ng plywood at PVC pipes, na gagamitin sana sa paggawa ng bagong tirahan ni Melodillar at ng kanyang pamilya. Tinatayang nasa 15sqm at mula PhP20,000 hanggang Php50,000 ang halaga ng mga ari- ariang natupok.

Kwento ni Melodillar, may 10 taon na siyang nakatira sa kubo, na gawa sa kawayan, kahoy at yero.

Sa init ng apoy, nadamay ang kotseng nakaparada sa isang shed sa tabi ng kubo.

Ayon sa mga residente, nagmula umano ang sunog sa charger na ito.

Nadamay rin sa sunog ang mga gamit pang-eskwela ng 5-taong gulang na apo ni Melodillar.

Ayon kay Fire Officer 2 (FO2) Ron Bago ng Los Baños Bureau of Fire Protection, mga 8:40 ng umaga nang natanggap nila ang tawag tungkol sa sunog. Pagdating ng mga bumbero sa lugar ng 8.55, naapula na ng mga tao sa barangay ang sunog sa pamamagitan ng bucket relay.

Ayon naman kay Delfin Pabalate, kagawad ng Brgy. Batong Malake at isa sa mga rumesponde sa sunog, apat na fire truck ang dumating para apulahin ang apoy. Naunang dumating ang truck mula sa Fire Station ng Brgy. Batong Malake, sumunod ang dalawang truck mula sa Bayan, at fire truck mula sa International Rice Research Institute (IRRI).

“Mabuti nga at walang hangin, kasi kung meron baka pati yung iba nadamay din,” sabi ni Pabalate.

Ayon kay FO2 Bago, nagsasagawa ng fire prevention training ang BFP sa lahat ng barangay ng Los Baños tuwing Marso sa pagdiriwang ng Fire Prevention Month, at tuwing Disyembre.

Humihingi ng tulong si Melodillar at ang kanyang pamilya.

(May karagdagang ulat mula kina J-ann Colladilla, Danielle Anne Gonzales, at Theresa Celiz)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.