Ulat ni John Warren G. Tamor
(UPDATED) Pinangunahan ng DENR-Laguna Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ang paglilinis ng Ilog Saran sa Brgy. Anos at Brgy. Malinta noong Enero 27, 2019 kasabay ng paglulunsad ng malawakang ‘Battle for Manila Bay’.
Tinatayang 416-katao mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at NGOs ang nakiisa sa programa na pinasinayaan sa Malinta Elementary School Ground ganap na alas-sais ng umaga.
Kabilang sa mga dumalo dito ay mga kasapi ng DENR, mga LGUs, Philippine Army at Coast Guard, Women’s Brigade, 4Ps, FARMC, mga residente ng baybaying ilog at iba pa.
“Ang Laguna Bay po kasi ay isang contributor ng polusyon papuntang Manila Bay,” ani Forester Melvin A. Lalican, focal person ng Manila Bay Site Coordinating Management Site (MBCO).
Ayon sa kanya, kabilang ang mga kailugan ng Laguna sa 14 major tributaries na bumabagsak sa Laguna de Bay, pumapasok sa Ilog Pasig at tumutuloy sa Manila Bay.
Idinagdag naman ni Mr. Victor Mercado, Community, Environment and Natural Resources Officer (CENRO-Los Baños) na mahalaga ang “ridge-to-reef approach” sa inisyatibong ito.
Kumuha rin ang DENR ng water samples upang suriin ang lebel ng total coliform contaminants ng ilog.
Dagdag pa rito ay ang paghihigpit sa dalawang piggery business malapit sa ilog dahil sa nilalabas nitong dumi.
Inaasahan naman na magkakaroon pa ng mga susunod na clean-up drive ang DENR sa iba pang mga barangay kada linggo. Hinihikayat ng DENR ang bawat mamamayan na naninirahan sa Laguna na ipagpatuloy ang nasimulang ito at makilahok sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanilang mga barangay.
Isinagawa ang aktibidad na ito sunod sa direktiba ni Environment Secretary Roy Cimatu na linisin ang buong baybayin ng Maynila kung saan kasama ang paguukol ng pansin sa mga katubigan ng mga karatig-probinsya.