Ulat ni Rizza B. Ramoran
Upang matugunan ang paglaganap ng rabies sa pamamagitan ng wastong pangangalaga ng hayop, isinagawa ang Responsible Pet Ownership and Rabies Seminar sa Brgy. Batong Malake noong April 6, 2019 mula ika-9 hanggang ika-11 ng umaga. Pinangunahan ito ng mga estudyante ng National Service Training Program (NSTP) Civil Welfare Training Service (CWTS) ng University of the Philippines Los Banos (UPLB) College of Veterinary Medicine (CVM). Dumalo sa seminar ang 20 kabataan at residente mula sa Batong Malake.
Ayon kay Dr. Arrol Jan Aquino, professor ng grupo, ito ay ginagawa upang matugunan ang layunin ng Pilipinas na maging rabies-free sa taong 2020.
Ang mga tagapagsalita ay mula din sa mga estudyante ng CVM. Sinimulan ang programa sa pagtalakay ni Cygrid Balingbing tungkol sa “Responsible Pet ownership”. Sinundan ito ng pagpapaliwanag ni Ejiel Kleine Diapana sa mga katotohanan laban sa mga haka-hakang paniniwala patungkol sa “Rabies”.
“Mahalaga ito dahil ayon nga kay Mahatma Gandhi, ang community ay naeevaluate at naaassess sa status ng kanilang animals. Nagrereflect ang kalagayan ng animals sa status ng community,” dagdag pa ni Aquino.
Pangalawa na ang Batong Malake sa mga barangay na napuntahan ng grupo. Inumpisahan nila ito sa brgy. Tuntungin Putho at isusunod naman ang San Antonio at Mayondon.
“Ang mga ganitong activities ay importanteng isagawa kasi ang nagpapatibay sa ugnayan ng mamamayan at ng pamahalaan ay ang impormasyon,” sabi ni Brgy Chairman Janos Lapiz.
Samantala, tinalakay din sa seminar ang mga senyales ng rabis katulad ng pagsakit ng ulo, pagkatakot sa liwanag at tubig at paghilab ng kalamnan.
Nagtapos naman ito sa paglalahad ni Crizelle Em Indunan sa mga dapat isaalang-alang sa pagsasagawa ng first aid sa kagat ng aso at ibinuod naman ito sa pamamagitan ng interactive game.
“Nagkaroon po ako ng background kung ano yung rabies talaga at na clear yung mga misconceptions ko about doon. Syempre natuto din ako sa ibang ways para itreat yung rabies,” ayon kay Justin Glenn Salayong, isa sa mga dumalo sa seminar.
Maliban sa pagtatalakay at pagbibigay ng kaalaman, nagkaroon din ng mga katanungang itinatakda upang sagutin ng mga kalahok. Ang mga nakakasagot ay nagagantimpalaan ng maliliit na stuffed animals at mga gamit pampaaralan. Sa pagtatapos, ang lahat ng kalahok ay nakatanggap ng certificates.
Ang rabies ay isang nakamamatay na sakit na maaaring makuha ng mga tao mula sa mga hayop. Ang rabies virus ay natatagpuan sa laway ng hayop na may rabies, at kadalasang naipapasa sa tao o sa ibang hayop sa pamamagitan ng kagat. Sa kasalukuyan, wala pang lunas sa rabies infection kaya’t napakahalagang mabakuhahan agad ng anti-rabies vaccine ang isang tao kapag nakagat siya ng hayop. Mahalaga ring mabakunahan ang mga alagang hayop upang makaiwas sila sa rabies na maaaring dala ng ibang hayop.