Bagong Traffic Lights sa Junction, Umilaw Na

Ulat nina John Samuel Yap at Andrei Joshua Yu

Matapos maaprubahan ang panukalang proyekto noong 2018, pinasinayaan na ng lokal na pamahalaan ng Los Baños (LB) sa pangunguna ng Municipal Development Council (MDC) ang pagpapatayo ng mga bagong digital traffic lights sa sentro ng masikip na daloy ng trapiko ng munisipalidad – ang LB Junction.

BAGONG TRAFFIC LIGHTS. Umilaw na ang mga bagong digital traffic lights na itinayo sa Los Baños Junction.

Binuksan ang public bidding sa naturang proyekto noong Pebrero 13, 2019 na may tinatayang 3.6 milyong piso na Approved Budget Cost (ABC) base sa ginawang program of work ng Office of the Municipal Engineer.

Ang Traffic Supplies and Construction Corporation ang nanalong bidder na may pinakamababang contract price na umabot sa 2.9 milyong piso. Nito lamang Marso 27, 2019, binigyan ang nasabing bidder ng ‘notice to proceed’ at construction period na 90 calendar days.

Sa isang panayam kay Lou Andie Diaz, Project Development Officer II ng Municipal Planning and Development Office (MPDO), nanggaling ang badyet ng pagpapatayo ng traffic lights sa 20% Municipal Development Fund na mula sa Internal Revenue Allotment (IRA) ng Los Baños.

Ayon kay Diaz, mismong mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay nagulat sa dami ng mga motoristang dumadaan sa Los Baños Junction papuntang Maynila at papuntang Sta. Cruz.

Nakasisigurado silang sa tulong ng mga bagong tayong traffic lights, mapapagaan ang daloy ng trapiko dahil magiging mas maayos na ang takbo ng mga sasakyan.

“By that, mababawasan ‘yung mga human errors. Lessened human errors ‘yung makukuha. Then hindi pa siguro makikita yung changes pero siguro once na-implement na ‘yung operations, [ay makikita na ‘yung epekto],” dagdag ni Diaz.

BAGONG TRAFFIC LIGHTS. Umilaw na ang mga bagong digital traffic lights na itinayo sa Los Baños Junction.

Bukod sa traffic lights, plano rin ng lokal na pamahalaan na magtayo ng overpass sa mismong lugar. Ito ay bahagi ng mga hakbang ng munisipyo upang matugunan ang problema ng trapiko. Ngunit nilinaw ni Diaz na ito ay nasa talaan ng mga proyekto pa lamang.

“May existing plan on the Local Development Investment Plan. It was submitted sa DILG and provincial [Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna] as a priority project. It’s costly pero kasama na siya sa priority projects ng investment plan,” paglilinaw niya.

Hinikayat din ni Diaz ang mga residente ng Los Baños na makilahok sa mga stakeholders’ meeting at makibahagi sa diskusyon ukol sa mga solusyon ng problema, partikular na sa daloy ng trapiko. Aniya, bukas ang lokal na pamahalaan sa mga suhestyon mula sa mga iba’t-ibang sektor ng munisipalidad.

Samantala, ibinahagi ng tricycle driver na si Lucio Barrios ang kanyang saloobin sa mga bagong tayong traffic lights. Aniya, “‘yun ay pinakamagaling talaga kaysa walang traffic light, kasi sabay-sabay ang pag-go at pag-stop. Hindi ‘yung hindi pantay [ang pagpapadaloy ng sasakyan].”

Sa kasalukuyan, ang mga bagong kabit na traffic lights sa Junction ay gumagana na pagkatapos dumaan sa ilang mga dry run.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.