Ulat nina Jyra Canlas at Ena Bautista
Isinigawa noong ika-2 ng Mayo ang “Refresher Training” sa Multi-Purpose Hall ng Brgy. Timugan para sa mga guro at mga boluntaryong mangangasiwa sa darating na eleksyon sa Mayo 13. Ang training na ito ay isang pagpapatibay lamang ng mga kaalaman ng mga miyembro ng Department of Education Supervisor Official (DESO), Technical Support staff at ng Electoral Board (EB) mula sa unang training na ginanap noong Marso sa Splash Mountain.
Inorganisa ito ng Commission on Election (COMELEC) at dinaluhan ng mahigit kumulang 170 na katao mula sa iba’t-ibang barangay sa Los Baños. Si Ginoong Jeffrey Mendoza na Acting Election Officer ng COMELEC Los Baños, ang nagsilbing tagapagsalita para sa refresher training na ito. Ilan sa mga ibinahagi niya ay ang mga paalala ukol sa paggamit ng vote-counting machine (VCM), proseso ng pag-ayos ng VCM, mga bagong upgrades ng VCM, at iba pang tagubilin. Nagkaroon ng dalawang grupo: isang 8 hanggang 11 ng umaga at isang 1 hanggang 4 ng hapon.
Isa sa mga dumalo si Ludivina Bautista, 49 na taong gulang na guro mula sa Los Baños National High School. Siya ay pitong taon nang tagapangasiwa sa eleksyon. Binahagi niya ang ilan sa mga paghahandang ginagawa niya tulad ng paulit-ulit na pagbabasa ng manual at patuloy na pagdalo sa mga training tulad nito.
Dumalo rin si Von Chester Cuaresma, 20 taong gulang boluntaryo ng Los Banos Central School na unang beses na magbabantay sa eleksyon. Bagamat kinakabahan, ilan sa mga preparasyon niya ay ang patuloy na pag-antabay sa mga anunsyo at pagiging masipag sa pagsusuri ng mga modyul ukol sa eleksyon.
Patuloy ang pakikipagugnayan ng COMELEC sa mga paaralan at opisyal upang mapanatili na matiwasay at maayos ang eleksyon ngayong taon.