ulat nina Alvin James Magno, Ysobelle Denise Lopez, at Lawrence Neil Sagarino
Ganap na alas nuwebe kagabi sa General Paciano Park nagsimula ang People’s Night sa Bañamos Festival 2019.
Naghatid ng ngiti sa mga residente ng Los Baños ang ginanap na ikatlong taong selebrasyon ng People’s Night na nagtatampok ng galing ng mga talentadong kabataang Lagunense. Ayon kay Allan Leron, kinatawan ng tanggapan ni Gov. Ramil Hernandez, ang nasabing programa ay isa sa mga paraan upang hikayatin ang mga turista at mamamayan na higit na kilalanin ang Los Baños. Dagdag pa niya, “ang People’s Night Extreme ay inilunsad upang bigyan ng kasiyahan ang bayan ng Los Baños ngunit ang mas mahalaga ay ang ang ipakita kung ano ang maari pang ipamalas, ang maraming history dito.”
Ang nasabing programa ay isa sa mga tampok na aktibidad sa pagdiriwang ng Bañamos Festival 2019 bilang bahagi ng selebrasyon sa pagkakatatag ng munisipyo ng Los Baños.
Pinalooban ang aktibidad ng pagtatanghal mula sa mga mang-aawit na sina Ramonne, Jason Fernandez, DJ M Beatboxer, at ang bandang Allmost, gayundin ang mananayaw na Gwapitos Dancers.
Nanawagan din si Congresswoman Ruth Mariano-Hernandez ng ikalawang distrito ng Laguna, na nawa’y patuloy na suportahan hindi lamang ang nasabing aktibidad kundi pati na rin ang iba pang programa ng lokal na pamahalaan ng Laguna.
“We see to it po na ang ating gabi ng kasayahan ay ating patuloy na susuportahan. Sana po ay patuloy po tayong sumuporta pati na rin sa ibang programa dahil pagsama-sama, nagkakaisa po tayo, walang problema ang hindi natin kayang solusyunan” dagdag paliwanag ng kongresista.
Nagkaroon din ng isang raffle draw kung saan ang mga nagwagi ay nakatanggap ng mga papremyong electric fan, washing machine, at LED TV.
Sa kabilang banda naman, hinikayat ni Jozylyn Manansala, Los Baños SK Federation President, na makilahok ang kabataan sa gaganaping Bayle sa Kalye sa September 22 (Linggo) na siyang magtataguyod ng aktibong pakikiisa sa hanay ng kabataan. “Napo-promote kasi dun yung active citizenship nila. Naiinvolve kasi sila sa activities ng baranggay. Nagkakaroon sila na kumbaga sa atin ay yung pagiging patriot nila kasi they take pride lalo na kapag nanalo sila,” ani Manansala.