ulat nina Cyber Gem Biasbas, Kent Blanco, at Uriel Ian Coronel kasama ang karadgadang impormasyon mula kay Ato Catipon
September 22, 2019 – Binuhay ng malakas na tugtugan at makukulay na kasuotan ng mga kalahok mula sa iba’t-ibang barangay ang kahabaan ng J. Luna St. ngayong hapon bilang pagwawakas ng Bañamos 2019.
Pasado ala-una ng hapon nang magsimulang dumagsa ang mga residente mula sa iba’t-ibang barangay upang saksihan at suportahan ang kani-kanilang mga pambato sa ginaganap na Bayle sa Kalye Showdown. Mainit ang pagsalubong at hindi magkamayaw ang mga residente upang masulyapan ang kanilang mga pambato.
Ipinagpatuloy ang Bayle sa katatapos lamang na bulwagan sa General Paciano Rizal Park kung kasalukuyang ginaganap ang nasabing pagpapakitang gilas at paligsahan ng husay sa pagbayle kasabay ang malalakas na tugtugin. Binubuo ang paligsahan ng mga kalahok mula sa 13 na barangay sa munisipalidad kung saan ang tatanghaling kampeon ngayong taon ay makakatanggap ng halagang PhP 80,000, tropeyo at “sorpresa” mula sa lokal na pamahalaan.
Ayon kay Mang Leonardo, tubong Timugan, isa ang Bayle sa Kalye sa pinaka-inaabangan ng mga residente sa lugar dagdag pa rito ay isa sa mga kalahok ang kanyang anak ngayong taon.
Sa dami ng tao na nais makasaksi ng paligsahan, hindi naging sapat ang kapasidad ng bulwagan. Upang punan ang kakulangan ay nagtayo ng LED wall ang lungsod kung saan maaring mapanuod ang nagaganap na paligsahan sa loob ng bulwagan.
Makikita ang kahandaan ng lungsod sa nagkalat na mga seguridad at bantay kalusugan na rumesponde sa mga kalahok na hinimatay matapos ang kanilang pagtatanghal. Pinangunahan ito ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) katulong ang CIVICOM Kabalikat, first-aid Responders, at Barangay Tanod.
Isa ang Bayle sa Kalye sa mga aktibidad na magmamarka sa pagtatapos ng pagdiriwang ng Banamos Festival 2019 na tumagal ng isang linggo.