Idinaraos ang ika-118 na pista sa tradisyon ng Elejer at Pagoda sa Barangay Bayog noong ika-4 ng Oktubre, ang araw ng kapistahan ng patron ng barangay na si San Fransisco ng Assisi.
Ginanap ang Elejer o pag-iikot ng poon ng patron sa buong barangay ganap na ala-una ng hapon. Sumayaw ang mga deboto bilang pagpapakita ng kanilang pasasalamat. Sa pagdating ng poon sa sa iba’t ibang bahagi ng barangay, nagkakaroon ng sayawan ng pasasalamat.
Pagkatapos makaikot ng poon sa barangay ay nangyayari ang Pagoda kung saan dinadala ito sa Lawa ng Laguna kasama ang mga mangingisda.
Ayon kay Roniel Forte na namumuno sa mga kaganapan sa pista, nagsimula ang tradisyon ng Elejer at Pagoda noong Abril 25, 1901. Paglipas ng mahabang panahon ay inilipat ang araw ng pisa sa ika-4 ng Oktubre bilang ito ang opisyal na araw ng pista ni San Fransisco ng Assisi.
Kasama sa kanilang tradisyon ay ang basaan kung saan nagsasaboy ang mga residente ng tubig sa isa’t isa na itinuturing nilang pagtanggap ng biyaya at pasasalamat. Habang dinadala ang poon sa barangay ay patuloy ang pagsaboy ng tubig sa mga dumaraan.
Maliban sa basaan ay naglalagay din sila ng uling sa mukha at naghahagis ng mga barya, prutas, at kendi.
Nagtapos ang unang parte ng Elejer ay patuloy pa din ang pagsayaw ng mga residente habang palibot ang poon. Ito ay nagtapos sa dulo ng Barangay Bayog at tulay sa Barangay Sto. Domingo, Bay, kung saan isasakay na sa bangka ang poon para umikot sa Lawa ng Laguna.
Matapos ang Elejer ay diretso sa tradisyon ng Pagoda kung saan kasama sa bangka ay mga deboto at mga mangingisda ng barangay. Pagkatapos ay ibabalik ito sa simbahan para sa simula ng prusisyon.