Nagsagawa ng basaan at sayawan ang mga residente ng Barangay Bayog bilang pagdiriwang sa ika-118 kapistahan ni San Francisco ng Assisi nitong ika-4 ng Oktubre.
Lampas alas-dose ng tanghali nang magsimula ang pagparada ng mga residente ng Barangay Bayog sa poon ng kanilang patron na si San Francisco ng Assisi. Kasabay nito ay ang “elejer,” isang tradisyon kung saan nagbabasaan ang mga tao upang sila ay malinis ng tubig at mabigyan ng biyaya, bilang pasasalamat sa mga pagpapalang natanggap nila buong taon.
Naniniwala ang mga residente ng barangay na dumadami ang kanilang huling isda kapag bumabagyo dahil kay San Francisco.
Iikutin ng parada ang buong barangay hanggang sa dumating ito sa tulay sa ibabaw ng ilog na naghahati sa Barangay Santo Domingo ng Bayan ng Bay at Barangay Bayog. Sa ilog naghihintay ang sasakyang bangka ng poon at ang mga deboto nito upang simulan ang “pagoda” — ang pagpaparada ng poon sa lawa ng Laguna kasama ang mga deboto at mangingisda. Pagbalik ng poon sa daungan ay sasalubungan ito ng mas matinding basaan kung saan may dalawang truck ng bumbero na magbubuga ng tubig sa mga residente ng barangay. Susundan ito ng prosisyon pabalik sa kapilya ng barangay.
Tatlong buwan itong pinaghandaan ng barangay kasama ang munisipyo ng Los Baños, militar, kapulisan, Bureau of Fire Protection, Coast Guard, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ayon sa punong tagapangasiwa na si Roniel Forte. Dagdag pa niya ay ngayong taon lang sila humiling ng dalawang truck ng bumbero para sa pista sapagkat kadalasan ay isang truck lamang ang ginagamit nila.
Nagsimula ang tradisyong ito noong ika-25 ng Abril, taong 1901, ang petsa kung kailan itinatag na barangay ang Barangay Bayog. Noong panahong ding iyon ay napulot sa lawa ng Laguna malapit sa barangay ang imahen ni San Francisco ng Assisi, ito rin ang dahilan kung bakit siya ang patron ng kanilang barangay.
Ani Forte, pinalitan ang araw ng pista sa ika-4 ng Oktubre dahil ito ang tunay na araw ng kapistahan ni San Francisco ng Assisi. Gayunpaman, ang imahen na ipinaparada tuwing pista ay isang replika para hindi masira ang orihinal na imahen.
Maliban sa basaan, nagpapahid din ng grasa sa sarili ang mga tao. Ayon sa isang residente, ito raw ay simbolismo ng kanilang dumi sa sarili na lilinisin ng biyayang tubig ni San Francisco. Mayroon din silang pagsindi ng mga paputok at paagaw ng barya, prutas, at iba pang pagkain pangdagdag sa kasiyahang nagaganap sa parada.