(Ulat ni Precious Marian Lacson)
Naidaos nang ligtas ang ika-188 Pista ng Brgy. Bayog, ayon sa assessment meeting ng mga grupong nag-organisa ng pista noong hapon ng ika-4 ng Oktubre. Kabilang sa pulong ang mga kawani ng Philippine National Police (PNP), Los Baños Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (LB MDRRMO), Bureau of Fire Protection, Police Trainees, at Regional Mobile Group ng CALABARZON.
Pinangunahan ni PNP Major Marlon Calonge ang nasabing pagpupulong kung saan tinalakay nila ang kalagayan ng katatapos na okasyon. Layon din ng kanilang diskusyon na mas mapaghandaan at maisaayos ang pagdiriwang sa susunod na taon.
Ayon kay MDRRMO Volunteer at Committee Chairman Roniel Forte, walang naitalang aksidente sa araw ng kapistahan. Isang paraan upang masigurado ito ay ang paghahanda nila ng nakaantabay na speedboat upang agapan ang mga sakaling tataob na bangka sa kasagsagan ng pagoda.
Kaugnay nito, inilahad naman ni Major Calonge na nakadagdag ang paghahanda at pagsasagawa ng limang araw na preparasyon para sa pista. Kabilang na rito ang pagkakaroon ng inter-agency meeting, kung saan sila nagplano kung paanong magiging maayos ang daloy ng mga aktibidad sa pista, sa tulong ng pamunuan at mga mamamayan ng barangay.
“Actually yung mga nangyari noong nakaraang taon, tulad nung pagtalon- talon sa dagat, doon sa tulay so na-address natin yun, kaya naglagay tayo ng railings at ngayon halos zero incident,” dagdag ni Major Calonge.
Pinag-usapan rin sa assessment meeting ang mga ang posibleng hakabangin para sa maayos na kapistahan sa susunod na taon, tulad ng pagsasaayos ng pagbabantay ng bawat grupo sa kanilang mga nakatalagang pwesto. Buhat ito ng ilang mga van at sasakyan ang nakapasok sa isinarang kalsada para sa pista, na ayon kay Major Calonge ay naging problema sa daloy ng prusisyon.
Dagdag pa rito, plano rin sa susunod na taon ang pagpapaalam sa mga residente na huwag basain ng tubig ang ibang mga residenteng dumadaan papunta sa kanilang mga trabaho upang maiwasan ang gulo. Hindi rin pahihintulutan ang pagharang sa mga sumasalubong na malilit bangka.
Nagpasalamat rin si FO3 Dwayne Fadri sa Kabalikat Civic Communicators Association, Inc. sa pagsiguro ng maayos na komunikasyon sa pagitan ng mga miyembro ng mga grupong nag-organisa ng pista. Nakatulong aniya ang Kabalikat sa pagiging mas organisado ng daloy ng programa kumpara sa nakaraang taon.
Inaasahan ng mga grupong kabilang sa assessment meeting na mas magiging organisado pa at moderno ang pagsasaayos ng seguridad at ng mga aktibidad sa pista ng Bayog sa mga susunod na taon, para sa kapakanan ng mga residente at iba pang nakikilahok sa pista.