Isinulat ni Minette Quiatchon Avanzado
May mga librong puwede hiramin ngayon sa UPLB University Library. Ngunit hindi ito yari sa papel. Ang mga librong ito ay mga buhay na tao na puno ng karanasan at kaalaman at naghihintay na mabuklat at mabasa ng iba.
Nakapanayam ng Dito Sa Laguna sa Season 24, Episode 6 nito noong 11 Oktobre 2019 si Dr. Mary Ann M. Ingua, ang head ng Cataloging Section ng UPLB University Library, ukol sa kanilang pinakabagong inisyantibo, ang Human Library Project.
Ayon sa kanya, ang human library ay binubuo ng mga human books — mga taong naisi magbahagi ng kanilang mga karanasan o kaalaman sa iba. Kagaya ng isang pisikal na libro, sila rin ay puwedeng makakwentuhan o “mahiram” ng mga kliente ng University Library.
Layunin ng Human Library Project, na inilunsad noong 22 Abril 2019, na magkaroon ng magandang usapan ang mga human books at ang kanilang ang mambabasa. Gusto nilang magkaroon ng pagkakaintindihan at pagkakaisa ang mga tao kahit na hindi sila magkatulad ng paniniwala at katangian.
Nagdagdag din sila ng bagong kopsepto dito, kung saan gusto nilang mapalawak ang kakayahan ng mga tatangkilik sa kanilang programa. Tinatawag nila itong Liverary Session kung saan nagaanyaya sila ng mga eksperto na pwedeng makapanayam patungkol samu’t-sari mga paksa.
Naibahagi ni Dr. Ingua na maganda ang naging resulta ng kanilang programa dahil marami ang nagnanais na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa buhay na kanilang napagtagumpayan. Nais nilang maging bahagi ng programang ito dahil nais nilang makapagbigay ng inspirayon at pag-asa sa ibang tao.
Kasama nila sa pagsulong ng kanilang proyekto ang ilang komunidad UPLB. Sa unang linggo ng Human Library Project, naging ‘best seller’ ang isang akda ng buhay mula sa isang guro tungkol sa isang batang ampon.
Kasama ni Dr. Ingua ang kanilang Human Library Team na nakikipanayam sa mga nais humiram ng human books. Ang mga human books at ang kanilang mambabasa ay maaaring makipagtalastasan sa loob lamang ng isang oras kada araw sa isang tahimik na silid sa University Library.
Ito ay upang mabigyan rin ng pagkakataon na mahiram ang mga human books ng ibang kliente. Hindi rin maaring ilabas ang mga human books.
Maari ring mag boluntaryo bilang isang human book at magpuna ng isang form upang malaman ng Human Library Team ang kanilang mga nais ikwento at iba pang mga detalye. Kinakailangan rin nilang sumailalim sa isang interview.
Ayon kay Dr. Ingua, nagsimula ang konsepto ng human library sa Copenhagen, Denmark noong 2000 na sinusuportahan ng Human Library Organization. Ito ang nagsilbing inspirasyon kay Dr. Ingua upang hiramin ang konseptong ito para sa UPLB. Ayon pa kay Dr. Ingua, pagkatapos ng kanilang sesyon ay may panibagong interview para sa readers na nanghiram ng human books, kung saan ay kailanagan nilang maglathala sa isang form bilang feedback at magbigay ng karanasan kasama ang kanilang napiling human books, at maging ang human books ay maglalathala rin upang ilagay kung anu-ano ang mga napag-usapan o nangyari sa kanilang sesyon kasama ang kanyang reader.
Ikinagagalak nina Dr. Ingua na ang proyekto nila ay nagsisilbing plataporma upang pag-igtingin ang psycho-social na kalusugan ng mga mag-aaral ng UPLB lalo na’t napakaimportante para sa henerasyon nila ang mental health. Sa tingin nila Dr. Ingua ay isang malaking kontribusyon ng University Library ang Human Library Project sa mandato ng unibersidad na bigyan ng magandang espasyo sa pagkatuto at paglikha ang mga mag-aaral nito.