Rabies-free Los Baños – iyan ang layunin ng Municipal Agriculturist Office (MAO) sa kanilang isinagawang Rabies Vaccination and Pet Registration Drive noong ika-28 ng Enero sa barangay Timugan, Los Baños.
Pinangunahan ni Chief Municipal Agriculturist Cheryll T. Laviña-Gonzales ang pagbabakuna sa nakatalang 67 aso. Kaugnay ng pagbabakuna ay pinaalalahan ng MAO ang mga may-ari ng aso tungkol sa regular na pagkonsulta at pagpapabakuna ng kanilang mga alaga para mapanatiling ligtas ang komunidad mula sa anumang panganib na maaaring dala ng mga hayop na hindi nabibigyan ng atensyong medikal.
Dalawang beses kada taon isinasagawa ang pagbabakuna sa mga aso. Iang linggo ang nakalaang panahon upang libutin ng MAO ang lahat ng barangay at magtala ng mga asong babakunahan.
Bilang registration fee ay kinakailangang magbayad ng 50 piso kada aso ang isang pet owner. Matapos nito ay libre nang mabibigyan ng anti-rabies vaccine ang mga hayop, at maaari ring makatanggap ng iba pang libreng serbisyo tulad ng ivermectin at deworming. Maaari ring mabigyan ng multi-vitamins ang mga alagang hayop para sa mas magandang kalusugan. Kailangan lamang makipag-ugnayan sa MAO para sa mga detalye.
Ang pagdadala ng mga alaga sa center upang iparehistro ay responsibilidad ng bawat isang nagmamay-ari ng hayop. Ayon sa Kautusang Pambayan 2018-1755, ang sinumang nag-aalaga ng hayop ay nararapat na iparehistro ang alaga taun-taon upang makatanggap ang hayop ng libreng bakuna kontra rabis. Nakasaad din sa naturang ordinansa ang mga ligal na konsiderasyon sa pag-aalaga ng aso at ang mga karampatang multa sakaling malabag ang mga batas na nakapaloob dito.
Bukod sa pagbabakuna, nagsasagawa rin ang MAO ng iba pang programa, tulad ng Dog Catching and Monitoring na layong alisin ang mga gumagalang aso sa kalsada. Sa ilalim ng programang ito, ang mga hayop na nadadampot mula sa kalsada ay dinadala sa dog pound na matatagpunan sa Jamboree Road at ipinatutubos sa may-ari sa halagang 500 piso kada isa.
Mayroon ringisinasagawang Free Spay and Castration o pagkakapon.
Pinapaalala ng MAO sa mga taong hindi nakaabot sa pagpaparehistro at pagpapabakuna ng kanilang mga alaga na patuloy sa paghahandog ng libreng serbisyo ang kanilang tanggapan.
Nakikiisa rin ang MAO sa pagdiriwang ng Rabies Awareness month tuwing Marso.