Ulat nina Maryrose L. Alingasa, Paolo Miguel S. Alpay, Nikole Kaye M. Battreal, Ithan Grayne J. Borbon, at Mervin A. Delos Reyes

NASA LARAWAN: Naguusap-usap ang mga miyembro ng SMPBM kasama si Tita Mimi Princena (kaliwa) tungkol sa kanilang mga hakbangin sa organisasyon. (Larawang kuha ni Nikole Battreal)
“We have Manila Pen, Shangri-La, [and] Okada as far as I know. Ito yung [mga] hotel na regularly get from me. Pero yung iba, mga tipong mga one-time order… I also have florists naman na umu-order ng flowers, tapos dinadala for weddings sa Balesin…”
Ilan lamang yan sa mga kamangha-manghang tagumpay na siyang tinatamasa ng Los Baños Tropical Fruits and Flowers Growers Association (LBTFFGA). Panigurado, sa tuwing iisipin ang pagbubulaklak sa Pilipinas, ang unang pumapasok sa ating isipan ay ang mga rehiyon ng Benguet at iba pang hilagang bahagi ng bansa na siyang karaniwang supplier ng mga bulaklak sa Dangwa.
Ngunit, lingid sa ating kaalaman na sa Los Baños mismo ay may sarili tayong komunidad ng mga magsasaka sa bandang Makiling, kung saan sila ay nagpapalago at nagpapayabong ng iba’t ibang klaseng mga tropikal na bulaklak na ipinamamahagi sa iba’t ibang lugar. Mga magsasakang iba-iba man ang tunguhin sa buhay ngunit iisa ang yapak tungo sa inaasam na tagumpay.
Si Kuya Dani, Larawan ng Sigasig sa Paanan
Dumating sa paanan ng Bundok Makiling noong 2009, si Danilo Diaz, o mas kilala bilang Kuya Dani, 58, ay lumaki sa isang pamilya ng mga magsasaka. Orihinal na taga San Antonio, Los Baños, dumating siya sa paanan noong binata pa lamang siya, at kaniyang napangasawa ang isa rin sa mga miyembro ng kanilang komunidad.
Sa pitong ektaryang lupaing sinasaka ni Kuya Dani, ang pangunahing pananim na kaniyang inaani ay mga prutas at gulay gaya ng rambutan, lansones, saging, at ampalaya; kasama rin dito ang mga tropikal na bulaklak gaya ng sexy pink (Heliconia), red ginger lily (Etlingera elatio), at iba pa. Sa pangkaraniwan, siya lamang ang nagtatrabaho sa lupain, ngunit paminsan-minsa’y kumukuha rin siya ng mga trabahador upang maging katuwang sa pagtatrabaho.
Subalit, ang kakulangan sa kagamitan at kita ay ilan pa rin sa kaniyang kinahaharap na problema bilang magsasaka, na siya ring kadalasang iniinda ng karamihan sa kanyang mga kasamahan sa paanan.
“Sa problema sa farmers, kailangan namin yung mga kagamitan. Halimbawa, kailangan mong [pang]i-spray, kasi yung pangi-spray, kung kaming bibili, hindi kaagad mabibili nang bigla—pinag-iipunan pa,” ani Kuya Dani. “Mahirap magtrabaho sa lupa. Kasi dyan din kami kukuha ng tanim namin; dyan namin kinukuha ang aming pagkain,” dagdag pa nito.
Subalit, kahit ganon pinananatili niya ang sigasig sa kanyang kabuhayan sa pamamagitan ng paghahanap ng ibang pagkakakitaan. Kwento ni Kuya Dani, pumapasok din siya bilang magtatabas ng damo o kaya naman ay bilang isang construction worker sa iba’t ibang lugar.
“Extra muna sa iba para magkaroon ka ng budget para sa sarili, para sa pamilya. Iyan ang farmer kasi, wala naman kaming budget na…walang sumusuporta sa amin. Kaya obligado ang maghanap din ng ibang trabaho para mabilis magkaroon ng budget,” salaysay pa niya.
Si Ate Jen, ang Nagbibigay Buhay sa mga Bulaklak
“Yung nakuha kay Ate Mimi ng bulaklak taga-Marikina ata yon. Ako ang taga-arrange ni Ate Mimi ng bulaklak.”
Tunay na dama ang dangal na siyang bitbit ni Ate Jen sa mga katagang ito. ‘Di kapani-paniwala na noong siya’y unang dumating sa paanan ng Makiling, wala siyang halos kaalam-alam pagdating sa pagbubulaklak.
Unang lumaki sa Bicol si Ate Jennilyn Vergara, o mas kilala bilang Ate Jen. Subalit, sinimulan niya ang bagong yugto ng kanyang buhay nang dumating siya sa paanan ng bundok taong 2010, kung saan sinundo siya ng kanyang ina.
Nahihiya man, ikinwento nito na noong unang tapak niya rito, wala pa siyang gaanong kaalaman sa pagtatanim. Aniya, isa iyon sa kanyang mga naging adjustments nang siya’y mangibang bayan dahil “dating di [talaga] ako marunong magbulaklak-bulaklak na yan.” Bagamat ganoon, dahil sa pakikibahagi sa komunidad, unti-unti raw siyang “nasanay [at]… natuto nalang din.”
Sa kasalukuyan, mas nakapokus sa pagtatanim ng bulaklak si Ate Jen. Karaniwan ay mag-isa itong nagtatrabaho sa kaniyang sakahan sa tabi ng kanilang tahanan. Sa tuwing may bibilhin ang isang suki mula kay Tita Mimie Princena, ang kalihim ng organisasyon, ipinapatawag siya upang aregluhin ang mga bulaklak na siyang nais bilhin.
Si Tita Joy, Isang Ina at Magsasaka

NASA LARAWAN: Magiliw na sinasagutan ni Tita Julieta Salonga, miyembro ng SMPBM, ang ilan sa kanyang mga papeles matapos ikwento ang kanyang buhay. (Larawang kuha ni Mervin Delos Reyes)
Tuwing mapapadpad ka rin sa tahanan ng kalihim ng organisasyon na si Tita Mimie, isa sa mga unang bubungad kasama niya ay si Julieta Salonga, na mas kilala bilang Tita Joy. Una siyang dumating sa paanan taong 1990, hudyat ng kaniyang pag-aasawa. Inirekomenda noon ng kapatid ng kaniyang asawa na sila’y umakyat ng Makiling, dahilan upang doon sila magsimulang magtanim at magkaroon ng hanapbuhay.
Gaya nina Kuya Dani at Ate Jen, primaryang tanim rin ni Tita Joy ang gulay, prutas, at mga bulaklak na kaniyang sinasaka sa kaniyang kalahating ektaryang lupain. Ngunit, sa mga araw na siya’y walang aanihin, pinipili nitong magtrabaho sa isang karatig na paaralan, ang Los Baños Senior High School, kung saan nagluluto siya’t nagtitinda bilang pandagdag-kita.
Bukod doon, isa rin siya sa mga katuwang nila Tita Mimie sa pagaareglo ng mga bulaklak tuwing mayroon silang order. At ang lahat ng ito ay dahil isa rin siyang inang nagpapa-aral ng kaniyang mga anak.
“Yung anak ko nakaranas sa K-12, nag thesis yan. Naku, tatlong gabi walang tulog. Sabi ko ito sa anak ko; ‘oh, kagabi ganyan ka rin magdamag.’ […] ‘Mama thesis ito wag ka mag-ano sa akin, wag mo ko intindihin.’ Sasabihin niya sa akin. Tapos binabasa ko yung thesis niya, talaga namang, ano pa yun, inaano niya sa cellphone niya, talagang ang tiyaga-tiyaga niya,” kwento pa ni Tita Joy.
Sa kasalukuyan, tumigil muna ang kaniyang anak sa pag-aaral at sa ngayo’y nagtatrabaho ito sa barangay. Gayunpaman, pinananatili ni Tita Joy ang sigasig sa pagtatrabaho upang masuportahan pa rin ang pangangailangan nilang dalawa. At kung minsan, pinipili nitong manood ng mga programang agrikultural sa telebisyon, na siyang nagtuturo ng iba’t-ibang panibagong pamamaraan sa pagsasaka at kaniyang ginagamit upang mas payabungin ang kaniyang sariling kaalaman.
Si Tita Carol, Bulaklak na Hindi Kailanman Malalanta

NASA LARAWAN: Kasama ni Tita Joy, si Tita Carolina Hibas din ay isa sa mga miyembrong magiliw na nagkwento ng kanyang karanasan bilang miyembro ng SMPBM. (Larawang kuha ni Mervin Delos Reyes)
Isa rin si Carolina Hibas, o Tita Carol, sa mga matagal nang nanirahan sa paanan ng bundok Makiling. Kung ihahalintulad sa bulaklak ang mga kuwentong kanyang iniwan, ito ang mga tipo ng kuwentong hindi basta-bastang paglilipasan ng panahon.
Si Tita Carol ay tubong Los Baños. Siya ay orihinal na nagmula sa Barangay Lalakay ngunit mahigit 40 taon na silang nananatili ng kanyang pamilya sa Barangay Timugan.
Sa haba ng paninirahan dito ay inabutan pa niya ang panahong may nagpapaalis sa kanila sa tahanan at sakahan dahil hindi pa noon kinikilala ang samahan. Makalipas ang panahon ay nabuo ang kanilang organisasyon, ang SMPBM, na siyang naging dahilan upang sila ay maging rehistrado.
Pagdating naman sa kanyang kabuhayan, karamihan ng mga gawain sa kanilang lupaing sakahan ay nakatalaga sa kanyang asawa. Si Tita Carol kasi ang nakatoka sa pagtitinda at paglalako ng mga ito sa iba’t ibang kustomer. Bukod dito, nagluluto rin siya ng mga putaheng kakanin bilang sideline.
“Yung mister ko ang nagsasaka. Eh, wala namang ibang pagkaka[kitaan] dito kundi yung pagsasaka. Magtatanim, pagkamalalaki na, saka namin inaani. Halimbawa ngayon, pagka umorder ‘yan (Tita Mimie), de-deliver kami sa kanya ng mga bulaklak. ‘Yun ang aming ginagawang—kung baga sa ano, yun ang trabaho namin. Magpapasan. Baba. Pasan-pasan ko yung bulaklak. Pero yung magsaka, hindi ako; yung mister ko,” salaysay ni Tita Carol.
Bukod dito ay dati rin siyang nakikipag-ugnayan kay Tita Mimie upang ibenta ang mga ani na bulaklak mula sa kanilang sakahan. Katulong ng iba pang mga nagsilbing talulot sa tangkay na mayroon si Tita Mimie ay nagkakapit-bisig sila upang may pangkabuhayan ang bawat isa.
Si Tita Mimie, Tangkay na Humahaligi sa mga Talulot ng SMPBM

NASA LARAWAN: Nagniningning na ngiti ang ibinida ni Tita Mimie Princena sa pagkukwento ng kanyang mga mithiin para sa organisasyon. (Larawang kuha ni Nikole Battreal)
Si Mimie Princena, kasalukuyang sekretarya ng SMPBM, ay nagsimulang maging magsasaka nang kanyang ipagpatuloy ang pangkabuhayan ng kanyang mga magulang. Siya ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Agriculture sa University of the Philippines Los Baños.
Bago maging ganap na magsasaka, nagturo si Tita Mimie nang nasa humigit kumulang 20 taon. Matapos magturo, muli siyang nag-aral ng kursong Education at sa isa pang pagkakataon, sinubok niya rin ang iba pang propesyon, tulad ng mundo ng call center.
Ngunit, kahit naging malayo ang mga naunang trabaho niya sa kaniyang kasalukuyang pangkabuhayan, pinagsusumikapan at ipinagmamalaki pa rin ni Tita Mimie ang pagsasaka, kabilang na ang kanilang samahan. Sa katunayan, siya ang nagsisilbing tangkay na nagkokonekta sa mga magsasaka at kustomer upang maibenta ang mga prutas, gulay, at mga bulaklak na inaani ng samahan.
“Pagka may umoorder sa kanya ng kailangan, pag nag-[order] sa amin, may maibigay din kami. Para tulong-tulong baga. Huwag lang mawalan yung may order sa kanya. Pagka may nagigipit, at siya ang may alam, sa kanya nalapit,” wika ni Tita Elsie Manalo, isa sa mga miyembro ng SMPBM.
Hindi lamang mga lokal sa bayan ng Los Baños ang nailalapit ni Tita Mimie sa mga magsasaka, bagkus ay nakararating ang kanilang mga makukulay na flower arrangements maging sa mga hotel sa Kamaynilaan. Mahalaga ang mga koneksyon na ito para kay Tita Mimie dahil hindi lamang ito paraan upang magkaroon sila ng kita kundi isa ring pagkakataon upang maipakita sa publiko ang taglay nilang talento sa pag-aayos ng mga bulaklak.

NASA LARAWAN: Ibinida ni Tita Mimi ang ilan sa mga bulaklak na kanilang itinatanim sa paanan, na siya ring produkto ng kanilang pawis at pasensya. (Mga Larawang kuha ni Paolo Alpay)
“Ako personally ang feeling ko yung isa sa mga roles ko is to help really our group makilala outside to get more buyers to get more supply ayun. ‘Yung ganon, to help our group market what we have. ‘Yun role ko rin yung parang, since I have connections, if I can get people to arrange seminars for us, trainings for us, yung mga ganoon,” pagbabahagi niya.
Kaya naman, labis ding pinahahalagahan at pinasasalamatan ng mga miyembro ng SMPBM ang kanilang mga kustomer dahil sa kanilang pagtangkilik sa kanilang mga produkto. Ani pa ni Tita Myrna Sanchez, isa sa mga miyembro ng SMPBM, “sana hindi nila kami iwanan. Hindi nila kami pabayaan. Tuloy-tuloy sana yung support para lalong lumago yung aming business na nasimulan, lalo na yung mga tropical plants.”
Bukod dito, malaking pangarap din ng SMPBM na maging matatag pa ang samahan at magkaisa ang kanilang mga miyembro tungo sa ikauunlad ng kanilang mga kabuhayan.
“It’s a group of talented people, it’s a group of farmers working hand in hand in supplying flowers in supplying fruits, and for the Los Baños Organic [LBTFFGA], we have the best one of the best fruits here kasi locally grown. Yung SMPBM naman give us a chance to work di’ba to make things better for everyone kas, that’s what we need–a chance to showcase our products,” pagmamalaki ni Tita Mimie.