E-trike sa Los Baños, umarangkada na

Ulat nina Keirth Manio at Angelica Jayz Villar

MAKABAGO AT MAKAKALIKASAN. Inilalarawan ni Ismael Alvarez, pangulo ng TODA ng Maahas-San Antonio, ang paraan ng pagkakarga ng baterya sa mga e-tricycle. (Kuha ni Angelica Jayz Villar)

Los Baños, Laguna — Pumapasada na sa bayan ng Los Baños ang mga electric tricycle (e-trike) simula noong Enero ng kasalukuyang taon. 

Ito ay bahagi ng Los Baños E-Trike Deployment Plan ng Municipal Engineering Office alinsunod sa malawakang proyekto ng Department of Energy (DOE) at ng Asian Development Bank (ADB) na gawing moderno ang mga pampasaherong sasakyan, gaya ng tricycle, sa bansa.

Pansamantala, ang mga pangulo ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa mga piling barangay ang binigyan ng pagkakataon na magpatakbo ng mga nasabing e-trike. 

Makabagong disenyo

Kumpara sa nakagawiang pampasaherong tricycle, ang e-trike ay mayroong mas maluwag na kapasidad para sa anim na pasahero. Nakadisenyo ito na walang ilalabas na usok dahil ito ay pinapatakbo lamang ng baterya. 

Ang modelo ay mayroong tatlong preno (dalawang hand brake at isang foot brake) upang mas masiguro ang kaligtasan sa pagmamaneho. Ilan pa sa mga bahagi ng e-trike ay ang wiper sa harapan, rear-view mirror, dalawang side mirror, dalawang headlights, flasher, at dalawang baterya (isa para sa mismong sasakyan at isa para sa ilaw). 

Ayon sa mga namamasada ng e-trike, umaabot ng apat na oras ang pagkakarga sa mga baterya at ito ay may kakayahan na pumasada ng tatlong oras. 

Bahagi rin ng bagong disenyo ay ang reverse switch para sa pag-atras ng sasakyan. Ang mga bintana ay mayrooon ding mga trapal upang maiwasan namang mabasa ang mga pasahero tuwing may ulan.

Ilan pa sa mga tampok sa modelo ay ang charging cord upang makargahan ang baterya ng modernong tricycle. Bahagi rin ng pagbibigay ng seguridad sa drayber ay ang pagkakaroon ng seat belt sa harapan. Tinatayang may bilis ang modelo na umaabot sa 60 kilometro bawat oras ng pagpapatakbo.

Ang minimum na pamasahe sa bagong e-trike ay mananatili pa rin sa sampung piso, katulad ng pamasahe sa tradisyunal na tricycle.

‘Tahimik at walang usok’

“Kung tutuusin, ito ay tulong na rin natin sa gobyerno [sa pagtulong para masugpo ang] climate change,” ani Ismael Alvarez, ang pangulo ng TODA ng Barangay Maahas-San Antonio. 

Bukod sa hindi paglabas ng maruming usok, kapansin-pansin din na halos walang ingay na inilalabas kapag pinapatakbo ang sasakyan. 

Mga mungkahi mula sa TODA

Bagama’t positibo ang karamihan sa mga pahayag patungkol sa proyekto at sa bagong disenyo, mayroon ding ilang mga hinaing ang mga drayber. 

Ayon kay Arnel Pangga, pangulo ng Los Baños TODA Federation, kung maaari sana ay malagyan ng solar panel ang mga e-trike upang mas maging matipid ang pagkarga sa mga baterya. 

Sa paraang ito, maari na lamang iwan ang sasakyan sa maaraw na lugar at kusa na itong magkakarga.

Sa katunayan ay iminumungkahi rin ng LB TODA Federation na sila ay pahintulutang bumiyahe sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños upang magsilbing “UP Ikot” sa loob ng paaralan. Kasabay rin nito ang pagpaplano ng magiging ruta ng mga e-trike sa bawat barangay.

Dagdag pa rito, upang mas marami ang mabigyan ng serbisyo, iminumungkahi ng mga drayber na magkaroon ng sariling charging station ang bawat barangay.

Sa ngayon, mayroon lamang na limitadong charging stations na itinayo sa buong bayan. Ilan dito ay sa may Iiwasan (o parke), malapit sa ginagawang gymnasium, sa Barangay Timugan at sa may harap ng munisipyo. 

Pagpalit ng prangkisa

Para sa mga drayber na nagnanais mamasada gamit ang bagong modelo, ang prangkisa ng kanilang mga pampasaherong tricycle ay ililipat sa e-trike. 

Paglilinaw naman ni Alvarez, hindi sapilitan ang paggamit ng e-trike dahil maaring umano itong isauli matapos ang free trial na itinakda ng munisipyo. 

Ngunit, ayon sa pahayag ni Gershom Mabaquiao, isang residente ng Barangay Batong Malake, bagama’t makatutulong sa kalikasan ang paglunsad sa e-trike, mas makabubuti kung makonsulta muna ang mga drayber ng pampasaherong tricycle kung ito ba ay makabubuti rin sa kanilang pang araw-araw na kabuhayan.

Garantisado na maayos

Mensahe ni Ismael Alvarez sa mga kapwa tricycle drayber na suportahan ang naturang proyekto sapagka’t “hindi naman ito ilalabas ng gobyerno kung hindi pakikinabangan ng mga tao.” 

Para naman sa pasahero, kanilang ipinapangako na garantisadong magiging komportable at maayos ang kanilang karanasan sa pagsakay sa e-trike dahil ang mga pinapayagan lamang na pumasada gamit ito ay ang mga may prangkisa at lisensyadong drayber.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.