UPLB Feb Fair 2020, idinaos

Ulat ni: Ana Mariz Pineda

PAGTITIPON AT PROTESTA. Nanood at naki-awit sa entablado ang mga dumalo sa ikalawang araw ng Feb Fair 2020. (Kuha mula sa Facebook page ng UPLB Perspective)

Sa kabila ng banta ng Coronavirus disease o COVID-19, naituloy pa rin ang University of the Philippines Los Baños (UPLB) February Fair ngayong taon na may temang, “Hulagpos: Bigkisan ng Mga Mamamayan para sa Demokrasya at Kalayaan”. 

 Ito ay idinaos mula ika-10 hanggang ika-15 ng Pebrero, 2020 sa UPLB grounds. 

Idinaos ang UPLB Feb Fair sa pagtutulungan ng mga mag-aaral sa pangunguna ng University Student Council (USC) ng UPLB . 

Matatandaang naging hati ang mga opinyon ng mga mamamayan ukol dito dahil sa panukala ng World Health Organization  (WHO) sa pag-iwas sa mga matataong lugar at mga kaganapan. 

Pag-iingat sa sakit

Sa isang Facebook post ng University Health Service (UHS) ng UPLB noong ika-pito ng Pebrero,  mariin nilang sinusportahan ang rekomendsayon ng WHO. Dahil dito, naging sunod-sunod ang iba pang mga talakayan ng mga mamamayan ukol sa pagpapatigil ng pagtitipon. 

Ang pamunuan ng USC ay nagsagawa ng ilang mga hakbang upang mas lalong mapaigting ang seguridad ng kalusugan ng mga dumalo sa FebFair. 

Ayon sa naging kasunduan ng administrasyon at ng mga organizers, kinailangang mayroong mga nakahandang sanitary alcohol at mga face masks para sa mga nangailangan nito. Nagbigay rin ng mga mga paalala para sa kalinisan ng mga  pampublikong palikuran. 

“Buti nga at natuloy itong fair, dahil ito talaga ang inaabangan ko kasi marami kaming kita dito,” ani Mylene Patricio, isa sa mga concessionaires ngayong taon.  “Mayroon namang mga [sanitary] alcohol tsaka face masks kaya’t okay naman. Saka, pag-iingat na lang din ang kailangan para maka-iwas sa sakit”, dagdag pa niya. 

Concessionaires

Ayon sa mga nangasiwa ng UPLB Feb Fair, itinatayang mayroong 132 concessionaires at may bilang na 100 hanggang 300 katao ang dumalo sa bawat araw ng pagtitipon.

Isa ang pamilya ni Analyn Sunga ng Barangay Lalakay ang taun-taong nagpupunta sa Feb Fair. “Parang bonding na rin kasi naming pamilya ito. Lalo yung mga bata nag-eenjoy naman sa mga nakikita nila lalo yung mga rides,” sambit ng Ginang. 

Ayon pa sa kanya, ang kanyang pamilya ay nagbaon ng face mask at may [sanitary] alcohol upang makaiwas sa banta ng mga mikrobyo. Patuloy din niyang  sinasabihan ang kaniyang mga anak na gawing regular ang paghuhugas ng kamay.

Ang UPLB Feb Fair ay isinasagawa taun-taon bilang isang protesta sa iba’t ibang isyu ng lipunan sa pangunguna ng mga mag-aaral ng UPLB.

Leave a Reply

Your email address will not be published.

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.