Kasabay ng pagdiriwang ng VetMed week ng UPLB College of Veterinary Medicine (CVM) ay ang ikatlong taon ng paglulunsad ng libreng bakuna kontra rabies ng UP Veterinary Teaching Hospital (UP-VTH) Los Baños Station para sa mga alagang hayop ng mga mamamayan ng Los Baños at ng mga karatig-bayan nito. Naganap ang pagbibigay-serbisyo kada Lunes buong buwan ng Pebrero.
Ayon kay Dr. Marco Reyes, faculty-in-charge ng UP-VTH Small Animal Section, humigit-kumulang 19 na kliyente ang pumupunta sa ospital tuwing Lunes para sa libreng bakuna. Mas malaki diumano ito kumpara sa bilang ng mga kliyente sa nagdaang mga taon. Ang bawat isa sa kanila ay malayang magdala ng kahit ilang alagang hayop basta’t ang mga ito ay tatlong buwang gulang pataas. Kinakailangan lamang na pumasa ang kanilang mga alaga sa routine physical examination at check-up; gayundin ang pagdala ng kanilang vaccination cards.
Hindi tulad ng mga pangkaraniwang anti-rabies vaccination drive na limitado sa isang partikular na grupo ng tao o sektor sa iisang lugar at kalimitang may panimulang registration fee, ang programang ito ng VTH-LB ay bukas para kanino man. Bukod sa pagiging laboratoryo ng mga estudyante, ang VTH bilang kaagapay ng CVM ay nagbibigay din ng iba’t ibang serbisyo sa publiko. “It’s actually one way of us giving back to the community… At the same time, raising awareness of having your pets vaccinated against rabies kasi as we all know, rabies is one of those diseases na once you’re infected, wala talaga siyang gamot (Sa katunayan, ito ay isang paraan namin para masuklian ang komuninad…Kasabay na rin ang pagpapalawak ng kamalayan sa pagpapabakuna ng mga alagang hayop kontra rabies kasi alam naman natin na isa ang rabies samga sakit na wala talagang gamot sa oras na ika’y mapuruhan),” saad pa ni Reyes.
Bukod sa pagpapalawak ng kamalayan, mahalaga rin diumano ang programang ito sa pagpapalaganap ng responsible pet ownership dahil ayon sa kanya, anumang perhuwisyong dala ng isang alagang hayop ay may karampatang kaparusahan sa panig ng may-ari nito. Kaakibat nito ang Ordinansa Blg. 1153 ng pamahalaang bayan ng Los Baños na naglalaman ng mga ligal na obligasyon ng sino mang nais mag alaga ng hayop maging ang mga kaakibat na kaparusahan sakaling magkaroon ng anumang paglabag rito.
Bagama’t ang anti-rabies month ay gaganapin pa sa darating na Marso, ang naturang programa ng VTH ay bilang pagtugon sa layunin ng pamahalaan na matuldukan ang mga kaso ng rabies sa Pilipinas sa taong 2020 (rabies-free Philippines 2020). Batay sa pinakabagong survey ng DOH (2018 Rabies Surveillance), mayroong 1176 na kaso ng rabies ang naitala mula January 1, 2014 hanggang June 30, 2018 na kung saan pumapangalawa ang CALABARZON sa mga rehiyong may pinakamaraming kasong naitala na may kabuuang bilang na 172.
Si Gng. Rizalina Licuanan ng Brgy. Tuntungin-Putho ay matagal nang kliyente ng VTH. Ramdam umano niyang siya at ang sinumang taong makakasalamuha ng kanyang mga alaga ay ligtas dahil sa taun-taong pagbabakuna sa mga ito.
Maliban sa libreng bakuna, mayroon ring Neuter Day ika-29 ng Pebrero.