Isang panibagong kaso ng coronavirus-19 (COVID-19) ang naitala sa bayan ng Los Baños, ayon sa ulat ng Tanggapang Pangkalusugan ng bayan. Ang ikaapat na kaso ay nasa maayos na kalusugan at walang sintomas na nararamdaman. Ilang araw nang naka-quarantine ang pasyente, na nagmula sa Brgy. Anos. Nakapagsagawa na rin ng contact tracing at quarantine sa mga taong nakasalamuha ng pasyente.
Bukod sa kanya, dalawa ring bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa isang pagamutan sa Los Baños, ngunit ang mga ito ay mga residente ng ibang bayan ng Laguna.
Batay sa official COVID-19 daily counter ng Los Baños, may naitalang 42 persons under investigation (PUI) at 184 persons under monitoring (PUM) ang bayan ngayong Abril 1, 2020.
Ayon sa decision tool na inilabas ng Department of Health noong Marso 16, ang PUI ay mga indibidwal na tumutugma sa dalawa o tatlo sa mga sumusunod na batayan:
1) Naglakbay sa loob ng nakaraang 14 araw sa mga bansang may local transmission ng COVID-19;
2) Nakasalamuha ng kompirmadong kaso; o
3) May mga sintomas ng sakit tulad ng ubo, sipon, o lagnat.
Ayon sa DOH, isasagawa lamang ang test sa PUI kung ito ay nakararanas ng malalang sintomas, nakakatanda, o may ibang medikal na kondisyon.
Ang mga PUM naman ay mga taong may travel history o nakasalamuha ng kumpirmadong kaso, at magsasagawa ng self-quarantine sa kanilang tahanan o sa mga isolation units.
Samantala, patuloy naman ang pagsasagawa ng social distancing at disinfection sa mga pampublikong lugar tulad ng mga ospital, supermarket, simbahan, palengke, bangko, botika, at iba pa upang mabawasan ang pagkalat ng virus sa mga mamamayan. Namigay rin ng quarantine passes at relief packs sa mga residente ng iba’t ibang barangay ng Los Baños. Nagsasagawa rin ng mga inisyatiba tulad ng pamimigay ng food packs, disinfectants, at healthcare equipment ang iba’t ibang organisasyon sa bayan.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaang bayan na manatili ang mga mamamayan sa kani-kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Para sa mga mungkahi at katanungan ukol sa pandemya ng COVID-19, maaaring sumangguni sa Municipal Action Center sa 530-2564.