Isang lalaki mula sa Brgy. San Antonio ang naitala bilang ika-6 na kaso ng COVID-19 sa Los Baños, ayon sa Facebook post ng lokal na pamahalaan ng bayan. Ang pasyente ay 68 na taong gulang at may sakit na diabetes. Batay sa post, walang history ng biyahe ang pasyente at wala ring nakahalubilo na kumpirmadong positibo sa coronavirus; sa kasalukuyan, may banayad na sintomas umano ang lalaki, at ginagamot sa isang ospital. Nagsagawa na rin ng contact tracing, habang naka-quarantine ang mga nakahalubilo ng pasyente, ayon sa post.
Base sa tala ng lokal na pamahalaan para sa Abril 6, mayroon nang 66 na persons under investigation sa bayan ng Los Baños, samantalang may 161 na persons under monitoring.
Patuloy ang panawagan ng pamahalaang bayan na manatili ang mga mamamayan sa kani-kanilang mga tahanan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit. Para sa mga mungkahi at katanungan ukol sa pandemya ng COVID-19, maaaring sumangguni sa Municipal Action Center sa 530-2564.