Nagsasagawa ng mga hakbang ang University of the Philippines Los Baños (UPLB) upang maihanda ang ilang laboratoryo nito para sa pagsusuri ng Covid-19 specimens, ayon sa isang ulat na inilabas ng unibersidad noong Abril 3.
Batay sa direktiba ni UPLB Chancellor Fernando Sanchez Jr., layunin umano ng unibersidad na magkaroon ng Covid-19 testing center sa lalong madaling panahon, sabi ni Dr. Rex Demafelis, ang Vice Chancellor for Research and Extension at pinuno ng proyekto. Ayon kay Dr. Demafelis , nakikipag-ugnayan ang UPLB sa iba’t ibang institusyon at ahensya upang makatulong na masolusyonan ang kakulangan sa COVID-19 testing sa bansa.
Batay sa paunang inspeksyon na isinagawa ng mga eksperto ng Philippine National Red Cross noong Linggo, maaaring i-retrofit o isaayos ang Tissue Culture Laboratory ng National Institute of Microbiology and Biotechnology (BIOTECH) at ang Molecular Biology Laboratory ng Institute of Plant Breeding (IPB), habang maaaring pagtayuan ng karagdagang laboratoryo ang Asia Pacific Economic Community (APEC) Building, sabi ni Dr. Demafelis. Sa kasalukuyan, ang mga nabanggit na laboratoryo ay ginagamit para sa pagsusuri at pagpaparami ng mga pananim, kaya kailangan ng retrofitting o pagsasaayos para maging handa ang mga itong tumanggap ng COVID-19 samples. Hinihintay pa ng unibersidad ang pinal na rekomendasyon ng Red Cross team kung alin sa mga laboratoryo ang itatalaga bilang testing centers.
Depende sa magiging desisyon ng mga eksperto, posibleng magtalaga ng isang Research Institute for Tropical Medicine (RITM)-subnational laboratory at isang rapid testing laboratory sa unibersidad. Sa ngayon, ang laboratoryo ng IPB ay may Biosafety Level 2 (BSL-2), o kakayahang magsuri ng mga mikyrobyo at organismo na nagdadala ng sakit, samantalang ang laboratoryo ng BIOTECH ay kailangan ng dagdag na pagsasaayos upang matugunan ang mga pamantayan ng BSL-2.
Dahil sa panganib na dala ng mga organismong susuriin, kinakailangan ng mga espesyal na kagamitan, mataas na kasanayan, at istriktong protocols para sa mga ganitong uri ng laboratoryo. Ayon kay Dr. Demafelis, ilan sa mga kinakailangan para sa mga laboratoryong ito ay ang negative air flow, air curtain and filter, biosafety level 2 cabinet, at analytical equipment, batay sa checklist ng Department of Health (DOH). Sa kasalukuyan, mayroong limang polymerase chain reaction (PCR) machines ang UPLB, na maaaring madagdagan ng isa pang PCR machine na magmumula sa Red Cross, sabi ni Dr. Demafelis. Ginagamit ang PCR machine upang makopya at masuri ang DNA ng mga organismo tulad ng coronavirus at iba pa.
Upang masiguro ang kaligtasan ng komunidad, magiging strikto ang implementasyon ng mga safety and security protocols, ani Dr. Demafelis. “Yun ang instruction ni Chancellor (Sanchez) sa akin kaya iniinstruct ko rin sa committees natin, nagcreate tayo ng specific team for establishing the protocol. Kasi magiging issue ito hindi lang sa university, but also sa community, na dapat ay mabigyan talaga ng pansin (Yun ang direktiba ni Chancellor Sanchez kaya sinabi ko rin sa mga komite natin, nagtatag tayo ng pangkat para ilatag ang protokol. Kasi magiging usapin ito hindi lang sa unibersidad ngunit pati na sa komunidad, na dapat ay mabigyan talaga ng pansin), ” paliwanag niya.
Para sa ligtas na disposal ng mga hazardous waste, iminungkahi ni Dr. Demafelis ang pagkuha ng serbisyo ng mga accredited treatment facility na napoproseso ng waste materials mula sa mga ospital. “I think it’s cheaper, it’s faster na we tap the environmental service providers that handles itong mga type of waste, based sa Republic Act 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990), (Sa tingin ko ay mas magiging mura at mabilis kung kukuhanin natin ang serbisyo ng mga environmental service providers na humahawak ng ganitong uri ng basura, base sa RA 6969)” aniya.
Bukod sa pagsasaayos ng estraktura at kagamitan para sa mga laboratoryo, sinasanay na rin ang mga siyentista ng UPLB para magsagawa ng Covid-19 testing. Ayon kay Dr. Demafelis, may 12 na UPLB molecular biologists ang nakapagtapos na sa pagsasanay na isinagawa ng UP National Institute of Health (UP-NIH). Magpapadala rin ng ikalawang batch sa mga susunod pang pagsasanay. Dagdag ni Dr. Demafelis, may mga UPLB researchers na may kasanayan sa paggamit ng PCR, bagama’t hindi pa sila sumasailalim sa training ng UP-NIH. “Mayroon na tayo dito na hindi na-train nila (UP-NIH), pero talagang magaling na sa PCR, normal na sa kanila in their research,” ani Dr. Demafelis.
Batay sa Laboratory Assessment Application Process ng DOH-Research Institute for Tropical Medicine, may limang hakbang bago masertipika ang kakayahan ng isang laboratoryo para sa COVID-19 testing:
- Self-assessment upang malaman ang kahandaan ng laboratoryo para sa COVID-19 PCR testing;
- On-site assessment na isasagawa ng DOH;
- Compliance o pagbibigay ng katunayan na nasunod ang mga rekomendasyon ng DOH;
- Proficiency testing upang masiguro ang kakayahang magbigay ng tama o accurate na resulta sa pagsusuri; at
- Full-scale implementation o ang pagsasagawa ng independent na COVID-19 testing
Ayon kay Dr. Demafelis, isinasagawa na ng unibersidad ang self-assessment at ang pagsasanay ng mga tauhan nito. “The most crucial is step 2, which we want to fast-track (Pinakamahalaga ang ikalawang hakbang, na gusto nating mapabilis). Ito ngayon ang hinahabol natin,” aniya.
“What would happen in the next two weeks will be very crucial, and that would define kailan siya magiging operational. Bukas, ang ating team ay magkakaroon ng self-assessment, and by Thursday may report na sila…. By next week, may bill of materials na, (Ang mga magaganap sa susunod na dalawang lingo ay napakahalaga, dahil ito ang magtatakda kung kailan magagamit ang laboratoryo. Bukas, ang ating pangkat ay magkakaroon ng sariling pagtatasa, at sa Huwebes ay may ulat na sila… Sa susunod na lingo, may listahan na ng mga kailangang materyales.)” dagdag ni Dr. Demafelis.
Ayon kay Dr. Demafelis, ang pondo para sa proyekto ay magmumula sa Red Cross, sa tulong ng opisina ni Senator Richard Gordon. Magbibigay rin ng karagdagang pondo ang provincial government of Laguna at ang opisina ni Laguna Rep. Ruth Hernandez. Samantala, nagbibigay ng technical assistance ang UP-NIH, RITM, at mga alumni ng unibersidad.