Dumating sa Los Baños ang mahigit isang libong supot ng iba’t ibang gulay mula sa Tublay, Benguet upang maipamahagi sa mga piling barangay at grupo. Bawat supot ay may lamang mahigit tatlong kilong gulay.
Ganap na alas nuebe ng umaga kahapon, Abril 7, dumating sa munisipyo ng Los Baños ang dalawang trak na naglalaman ng halos apat na toneladang gulay.
Nasa 1,311 supot ng assorted o iba’t ibang gulay ang naipamahagi sa iba’t ibang grupo, kabilang na ang SANTO (San Antonio Trolley Drivers Organization), RNA (Riverside Neighborhood Association), TPPODA (Tuntungin Putho Pedicab Operators and Drivers Association), Brgy. Malinta, at mga municipal frontliners, kagaya ng mga health workers, kolektor ng basura, at mga boluntir na nagbabantay sa mga checkpoint.
Mayroon ding gulay na ipinamahagi sa mga stranded na mag-aaral ng UPLB, ilang bahayan sa GK Ville, at ilang guro at staff ng UPLB.
May ilang pribadong grupo at organisasyong kumuha ng ilang supot ng gulay para ipamahagi sa kanilang mga miyembro. Kabilang na dito ang Los Banos Christian Reformed Church at ang Church of Christ at Los Baños na bumili ng gulay para sa ilan nilang miyembrong mas nangangailangan at matatanda na kung kaya’t hirap lumabas ng bahay upang mamili.
Ang pagdadala ng mga gulay sa Los Baños ay proyekto ng College of Human Ecology (CHE) ng Unibersidad ng Pilipinas Los Banos (UPLB). Tinawag itong ‘Oplan Damayan: Connecting Farmers to Community Partners’. Para sa proyektong ito, nakalikom ang CHE ng Php 262,000 mula sa mga donasyon.
Ka-partner ng CHE para sa Oplan Damayan ang mga sumusunod ng organisasyon:
- Rotary District 3820 and Rotary Club of Los Banos Makiling
- College of Development Communication, UPLB
- Association of Development Communication Educators and Practitioners of the Philippines
- Green Mountain Circle-Cordilleran society Alumni
- Department of Agriculture-Cordillera Administrative Region (DA-CAR)
- LGU of Tublay, Benguet (sa pamamagitan ng Municipal Agricultural Office)
Ayon kay Clarice Colting-Pulumbarit, project coordinator at guro mula sa CHE, ang halagang nalikom ay ginamit na pambayad para sa mga gulay, toll fees ng dalawang trak, panggastos sa krudo papunta, at pagkain ng mga drayber. Ang mga gastusin sa byahe pabalik sa Benguet ay sinagot ng DA-CAR.
Nag-ugat ang proyektong ito sa gitna ng banta ng COVID-19 virus. Dahil kasalukuyang nasa mahigit tatlong linggo nang naka-Enhanced Community Quarantine or ECQ ang buong Luzon, maraming tindahan ang nagsara pansamantala, at naging mahirap ang daloy ng mga produkto patungong palengke, gaya ng mga gulay. Dahil dito, maraming magsasaka ang hindi makapagbenta ng kanilang mga pananim, at marami namang mga residente ng mga ibang lugar ang walang mabilhan ng murang gulay.
Layunin ng proyekto na matulungan ang mga magsasaka at gayundin ang mga lokal na pamahalaan na makapagbigay ng masustansyang pagkain bilang ayuda sa kanilang mga nasasakupan.