Nakikiisa ang Los Baños Times sa mga kapatid nating nasa midya at mga mamamahayag sa paninindigan para sa kalayaang mamahayag at pagkondena sa pagpapasara sa ABS-CBN sa gitna ng krisis pang-kalusugan na COVID-19.
Ang pagpapasara sa network ay isang pag-atake laban sa kalayaang mamahayag o press freedom na nakaugat sa karapatan ng bawat mamamayang Pilipino sa impormasyon, isang karapatang nakasaad at pino-protektahan ng ating Saligang Batas.
Ang pagpapasara sa network sa panahong ito ay isang dagok para sa mga Pilipinong tanging ang ABS-CBN ang pinanggagalingan ng impormasyon, lalo na’t hinggil sa COVID-19, ayuda mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, at iba pang kapaki-pakinabang na kaalaman para malampasan nila ang peligrong nagpapahirap di lamang sa ating bansa kundi maging sa buong mundo. Sa pagsasara ng ABS-CBN, maraming mga kababayan natin ang nawalan ng abot-kamay at madaling mapagkukunan ng impormasyon. At ito ay taliwas sa pagkilala sa kanilang karapatang kumalap ng mahalagang impormasyon.
Bukod dito, libu-libong mga empleyado ang nawalan ng trabaho—trabahong pinagmumulan ng pantustos sa mga pangangailangan ng kani-kanilang pamilya. Ang mga empleyadong ito ay umaasa sa network para makapagbigay sa pamilya ng pagkain, gamot, edukasyon, at iba pang bagay tungo sa ikauunlad ng kabataan at pamilyang Pilipino. Mahalaga sa panahong ito ng COVID-19 ang pagkakaroon ng kabuhayan at trabaho upang mapangalagaan ang kalusugan.
At lalong mahalaga na sa panahong ito ng krisis, mayroong access sa impormasyon ang lahat ng Pilipino upang malaman ang mga bagong pangyayari, makarating ang mga puna laban sa kakulangan at pang-aabuso sa lipunan, at makagawa ng tamang desisyon para sa ikabubuti ng sarili, pamilya, komunidad, at bansa.
Ang Los Baños Times ay kaisa ng sambayanang Pilipino sa paninindigan para sa midyang malaya at mapagpalaya.