Ulat ni Peirce Jairus Bellen
LUNGSOD NG BIÑAN, LAGUNA – Opisyal na sinimulan ang proyektong Binan Cares Delivery (BCD), isang door-to-door bike delivery service noong Setyembre 23, 2020.
Ang BCD ay proyekto ng lokal na pamahalaan ng Biñan, sa pakikipagtulungan ng Alay Lakad Foundation, na naglalayong matulungan ang mga out-of-school youth (OSY) sa lungsod na magkaroon ng karagdagang kita mula sa bike delivery services ngayong panahon ng pandemya.
Gamit ang pondong nalikom na mahigit P300,000 noong nakaraang taon mula sa Alay Lakad Foundation, isang non-governmental organization (NGO), nabuo ang proyektong tutugon sa pangangailangan ng ilang kabataang apektado ng pandemiya sa pagaaral. Nakipagtulungan dito ang Sangguniang Kabataan (SK) Federation ng lungsod at ang Go Forward Biñan Foundation, isa ring NGO sa lungsod na nakatuon sa pagtulong sa mga mahihirap pagdating sa edukasyon, medikal, at kalikasan. Nakatuon sa mga OSY ang pagtanggap ng BCD bilang mga bikers nito na limitadong magse-serbisyo sa loob ng lungsod lamang.
Isang araw matapos ilabas sa Facebook ang impormasyon ng online application ng BCD, umabot sa mahigit 300 katao agad ang nagbalak mapabilang sa mga biker nito. Matapos ang masusing pagsasala, 22 ang pumasa base sa (1) kondisyon ng kita na nakadepende lamang sa dami ng delivery sa isang araw; at (2) kwalipikasyon bilang isang OSY sa lungsod ng Biñan. Sa ngayon, mayroon lamang 14 bikers ang pumapadiyak dahil ilan sa kanilang mga kasama ay apektado ng bahang dala ng mga dumaang bagyo.
Kasalukuyan namang may 15 na business owners ang pumayag na makipagugnayan sa BCD na kalimitan ay mga milk tea shops at mga online sellers. Sa pangunguna ng SK, sila mismo ang lumalapit sa iba’t ibang negosyante upang mag-abot ng panukala at Memorandum of Agreement (MOA). Laman ng MOA ang kasunduan na magkakaloob ang mga business owners ng 5%-10% na bawas sa bawat produkto na binibili ng mga biker sa kanila.
Kumikita ang isang biker sa delivery fee na nagsisimula sa P40 para sa unang dalawang kilometro at napapatungan ng P10 sa kada dagdag ng layo. Kalimitan namang umaabot ng P200 hanggang P450 ang kabuuang kita ng isang biker sa loob isang araw. Mapupunta ang 10% nito sa pondo ng BCD sa pagbili ng mga karagdagang bisikleta, pati na rin ng mga protection gears ng mga bikers tulad ng helmet at uniporme nito. Bukod pa sa kanilang kita sa delivery fee, kadalasan ding nakatatanggap ang ilang bikers ng pabuya mula sa ibang customers.
Sa komento ni Andrei Quiholag, isa sa mga bikers, sinabi niya na mas pinili niyang lumahok sa BCD kaysa maghintay lamang sa susunod na pasukan. Dagdag rin niya, malaki ang naitutulong ng programa sa kaniya at sa mga kapwa niya biker.
Ayon naman kay Lina Cara, may-ari ng isang food establishment sa Barangay Malaban, dalawang beses na raw siya nakapagpa-deliver sa BCD. Aniya malaki raw ang tulong ng programa sa mga negosyanteng tulad niya pati sa mga biker nito. Sinabi naman ng ilan sa mga business owners na mabait at madali raw makausap ang mga biker ng BCD. Mayroon namang nagsabi na nahirapan sila sa pagkuha ng biker at sa presyong sinusunod sa delivery fee na nakadepende sa layo ng customer. Ngunit naiintindihan naman nila ang mga ganitong balakid dahil bago pa lamang ang programa.
Dulot na rin ng mga dumaang bagyo, naapektuhan nito ang bilang ng mga customer na nagpapa-deliver. Mayroon namang mga araw na sunod-sunod ang customers kaya minsan ay tinatanong na lamang ng staff kung payag silang maghintay dahil hindi sapat ang bilang ng mga bikers.
Ayon kay Rhoma San Luis, miyembro ng SK at operations staff ng BCD, buo ang suporta ng lokal na pamahalaan ng Biñan sa programa. Sinabi rin niya na magpapatuloy ang BCD kahit matapos ang pandemiya dahil mayroon pa silang mga naka-handang plano para sa pagpapa-unlad ng programa.
Sa kasalukuyan, pinagpaplanuhan ng buong staff ng BCD ang pagbibigay ng scholarship sa kanilang bikers kapag humupa na ang krisis dulot ng pandemiya.
“Tinitignan palang po namin yung kanilang willingness na magkaroon sila ng goal sa buhay nila. Kasi yung iba po, once na magkaroon na ng trabaho, hindi na nila naiisip mag-study,” paliwanag ni San Luis. Naniniwala sila na bukod sa paghahanap ng pagkakakitaan, mahalaga pa rin ang pagaaral. Aniya, patuloy pa rin naman ang tulong na ibibigay ng BCD sa OSY ng Biñan lalo na ngayong panahon ng pandemiya kung kailan mas naging mahirap ang kumite.
Kasalukuyan ding binubuo ang mobile application ng BCD upang mapabilis at mapadali ang booking ng mga customer para sa kanilang mga biker. Nakikipag-ugnayan ang operations staff sa ilang mga computer science students mula sa Polytechnic University of the Philippines para rito.
Nilinaw din ni San Luis na hindi lamang mga pagkain ang maaring bilhin ng mga bikers para sa mga customer nito. Kadalasan ay pinabibili rin sila ng mga gamot ng mga senior citizens. Puwede rin sa kanila ang mga parcels at dokyumento na hindi gaano mabigat at kalakihan. Kaakibat ng kanilang serbisyo ang wastong kalinisan at pag-iingat alinsunod sa mga alintuntuning pangkalusugan sa kasalukuyang pandemiya.
Ayon sa mga bikers, isa sa mga mga balakid sa kanilang pagtatrabaho ay ang pagde-deliver ng mga inumin. May pagkakataon daw na kalahati nalang ang natitira sa inumin pagdating sa customer dahil sa hindi maayos na takip nito at sa kanilang pagbibisikleta. Hirap din ang ilan sa kanila kapag may kalayuan ang lugar ng kanilang customer. Ayon kay Mark Emanser Ortiz, isa rin sa mga staff at kabilang sa SK, pinagpaplanuhan nila na kumuha pa ng mas maraming biker mula sa iba’t ibang barangay.
Naging madali naman ang pagpapatakbo ng programa sa lungsod gamit ang kanilang Facebook Page bilang pangunahing paraan para tumanggap ng mga customer. Ngunit ayon sa kanilang panayam sa Usapang Kabataan sa Radyo Biñan, mayroong mga kolorum na biker na nagpapanggap bilang miyembro ng BCD. Paliwanag ni Ortiz na magpadala ng mensahe mismo sa Facebook Page ng BCD para sa mga siguradong biker nito.
Dagdag din niya na maglalabas sila ng listahan ng mga lehitimong bikers ng BCD sa Facebook Page (https://www.facebook.com/BinanCaresDelivery/ ) at Group (https://www.facebook.com/groups/645959542774208/ ).
Bukod sa mga out-of-school youth na kanilang tinatanggap bilang bikers, pinagusapan na rin nila ang pagtanggap ng mga part-time bikers sa hinaharap. Pumapaloob dito ang mga mag-aaral na kapos sa pagtustos ng kanilang online o modular na klase.
Maaring puntahan ng mga Biñanense ang Facebook Page at Group na Biñan Cares Delivery upang makapag-mensahe ng kanilang ipapa-deliver. Ang Group na binuo ng mga staff ay para sa mga business owner na nais mag-post ng kanilang mga binebenta.
Sa kabuuan, tunay ngang isang oportunidad ang BCD para sa mga OSY at business owners lalo na ngayong pandemiya kahit may ilang balakid sa pagpapatakbo ng programa. Ang mga inisiyatibo ng lokal na pamahalaan tulad ng BCD at mga naka-handang plano nito ay sumasalamin sa patuloy na paglaban ng mamamayan laban sa pandemiya at iba pang sakuna.