Kauna-unahang “Kalinga ng Puso” idinaos ng San Antonio PWD

Ulat ni AJ Villar

Ayon sa mga magulang ng mga batang may kapansanang intelektwal, ang mga pagkain at diaper na ibinigay sa kanila ay ang mga pangunahin at agarang pangangailangan ng kanilang mga anak. (Kuha ni AJ Villar)

Pinangunahan ng mga opisyal ng Samahan ng mga (Persons with Disabilities) PWD ng San Antonio ang kauna-unahang “Kalinga ng Puso para sa mga Kapansanang Intelektuwal”. Ginanap ito noong Pebero 26, 2021, ika-10:30 nang umaga sa barangay hall ng San Antonio, Los Banos. Isa itong donation drive na naglalayong mabigyan ng kaunting tulong ang mga indibidwal na may kapansanang intelektuwal.

Dumalo ang 17 miyembro ng San Antonio PWD Community kabilang na ang mga opisyal. Naroon din ang kapitan ng Barangay San Antonio, Kap. Relly C. Palis, at si G. Leoncio Detchitan, mula sa Municipal PWD Affairs Office. Ilan sa mga ibinahagi sa mga dumalo ay gatas, diapers, cereal drinks, at spaghetti packages.

Pinangunahan ng mga opisyal ng Samahan ng mga PWDs ng San Antonio ang pamamahagi sa ginanap na “Kalinga ng Puso para sa mga Kapansanang Intelektuwal” (Larawan mula sa Samahan ng PWD sa San Antonio).

Ayon kay Jeanette Ilagan, presidente ng samahan, tuwing Enero talaga ginugunita ang taunang selebrasyon para sa kapansanang intelektuwal, kung kaya’t ang programa nila nitong Pebrero ay “post-celebration” na. Binigyang diin ni Ilagan na dahil hindi masyadong nakaka-halubilo ng ibang miyembro ang mga indibidwal na may kapansanang intelektuwal, marapat lang na bigyan sila ng pagkakataon upang makasama ang iba pang miyembro ng kanilang samahan.

We (PWDs) are trying to live our lives to the fullest. Saludo ako sa mga magulang dahil nakikita namin ang inyong effort na alagaan ang inyong mga anak na may kapansanan,” ani Ilagan.

Bukod pa rito, hinikayat ni Ilagan na ipa-alam ng mga magulang ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak upang ang mga opisyal ng samahan ay makapaglaan ng pondo at makapagsimula ng mga programa at proyekto na maaring makatulong sa kanila.

Nagbigay rin ng maikli ngunit makabuluhang mensahe si Kap. Palis upang hikayatin ang mga PWDs maging ang kanilang mga magulang na maging “empowered.”

“Kapag nasa loob niyo iyan (empowerment), kahit ano pang dumating sa inyong buhay; sigalot, pagsubok, o kahit anong trahedya, makakayanan niyo siyang harapin. Ang katatagan ay nagsisimula sa kalooban”, aniya. Dagdag pa rito, nagbahagi si Kap. Palis ng ilang impormasyon tungkol sa iba’t ibang uri ng kapansanang intelektuwal.

Hinikayat ni Kap. Palis na alalahanin ng bawat isa na may kakayanan silang labanan ang ano mang hamon ng buhay. Ipinaalam din niya ang ilang proyekto ng Barangay na naglalayong makatulong sa Samahan ng mga PWD. (Kuha ni AJ Villar)

Ipinaalam din ni Kap. Palis ang tungkol sa ilang proyekto at aktibidad ng barangay. Isa na rito ay ang pagtatayo ng bakery sa dating barangay hall. Ayon kay Kap. Palis, ang nasabing bakery ay pamamahalaan ng mga PWD ng San Antonio upang makadagdag sa kanilang pinagkukuhanan ng pondo. At dahil nalalapit na ang buwan ng Marso, iimbitahan din ang mga PWD ng barangay sa isang seminar tungkol sa Violence Against Women and Children (VAWC).

Sinagot naman ni G. Detchitan ang ilang mga katanungan ng magulang tungkol sa ID renewal at mga kinakailangang papeles sa pag-aasikaso nito. Inanunsyo rin ni Kap. Palis ang kanyang plano na gawing “barangay-level” na lamang ang pagpapa-renew ng PWD ID upang mas maging mabilis at madali ang proseso para sa mga miyembro ng nasabing samahan.

Nagsilbing host ng nasabing programa si Konsehal at Social Service Committee Head Jeckel Dimasangal. Ang ilang mga indibidwal na nagbahagi ng tulong para sa nasabing proyekto ay ang mga sumusunod: Alkalde Antonio Kalaw, Bise-alkalde Josephine S. Evangelista, GHCMINC/ Bishop Herminegildo Malabanan, G. Meliton Manimtim, Bb. Jeanzzie Ilagan, Kon. Marlo PJ Alipon, Kon. Miko Pelegrina, Kon. Janos Lapiz, and Kon. Jericho Ciceron.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.