Ulat ni Alyanna Marie B. Lozada
Inilunsad ng Philippine Red Cross-San Pablo Chapter (PRC-SPC) ang proyektong ADOPT PULA na layuning magbigay ng tulong sa mga mamamayang naging biktima ng iba’t ibang sakuna nitong nakaraang mga buwan. Kabilang na dito ang pangangalap ng pondo para sa COVID-19, pati na rin sa paghahatid ng tulong pinansyal sa mga biktima ng mga bagyo.
Layon itong gawin ng ADOPT PULA sa pamamagitan ng pagbenta ng mga teddy bears na pinangalanang Pula, o mas kilala bilang the Red Cross’ giving bear, sa halagang Php 999.00 bawat isa. Bukod kay PULA, makakatanggap rin ang mga bibili ng isang Bronze membership with accident insurance valid for 1 year. Ang insurance na ito ay maaaring gamitin sakaling magkaroon ng hindi inaasahang aksidente kung saan magkakaroon ng akses ang biktima sa mga serbisyo ng organisasyon.
Ayon sa board of directors ng organisasyon, layunin ng mga laruang ito na ipaalala sa lahat na laging maging bukas ang puso para sa iba, lalo na sa gitna ng pandemya. Si Pula ang magsisilbing paalala sa lahat na walang iwanan at bukas sa loob na tumulong sa mga taong nangangailangan ng tulong, pagmamahal, at malasakit.
Ayon nga sa FB page ng organisasyon, “Every time you adopt Pula, you help us provide the needs of the disaster-affected population.”
Ang proyektong ito ay inindorso rin ni Miss Universe 2018 Catriona Gray. Ilan na sa mga kilalang nag-abot ng tulong ay sina Vice Governor Karen Agapay, Ms. Vanessa Reyes ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO), mga konsehal, at ilan pang mga volunteers at frontliners.
Kilala ang Philippine Red Cross-San Pablo Chapter (PRC-SPC) bilang isang organisasyon sa lalawigan na patuloy na naglulunsad ng iba’t ibang mga programa at proyekto para sa bayan. Layunin nitong magbigay ng tulong, pag-asa, at kasiyahan hindi lamang para sa mga San Pableño kung hindi ay maging sa mga mamamayan sa mga siyudad sa lalawigan.
Bukod sa ADOPT PULA, nagpapatuloy pa rin ang Blood Donation Program ng PRC-SPC. Ang programa namang ito ay tugon sa lubhang nakababahalang kakulangan sa dugo ngayong panahon ng pandemya. Sa mga nais makiisa sa mga programang ito at para sa iba pang updates at karagdagang impormasyon, bisitahin lamang ang opisyal na Facebook page ng Philippine Red Cross-San Pablo Chapter.
Maaari ring makipag-ugnayan sa organisasyon gamit ang mga sumusunod na detalye:
Telephone No.: 562-4025
Mobile No.: 0917-882-4202