HARDIN NI NANAY: Ang Tagumpay ng Kababaihan sa Organikong Pagsasaka

Ulat nina Beatriz Aguila at Jerico Silang

MAGTANIM AY DI BIRO. Sa kabila ng maalinsangang panahon, pursigidong nagbungkal ng lupa ang limang nanay upang magamit ito sa kanilang organikong pagsasaka. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

Ngayong nasa gitna tayo ng pandemya, marami ang nahumaling sa pagtatanim at naging mga certified plantito at plantita. Pero ang grupo ng mga nanay sa Cabuyao, Laguna, tunay na nag-level up! Mula kasi sa kani-kaniyang bakuran, napalago nila ang kanilang samahan hanggang sa magkaroon sila ng sariling taniman para sa buong komunidad.

BABAENG PALABAN

Isa si Virginia Cairo, o Nanay Ghie, sa mga masisigasig na inang nangangasiwa ng Hardin ni Nanay sa Barangay Banay-Banay sa Cabuyao, Laguna. Ayon sa kaniya, malaki ang naitulong ng proyektong ito sa kaniyang pamilya. Bukod kasi sa pagkakaroon ng mapagkakaabalahan, napagkakakitaan niya rin daw ang kanilang mga pananim. Pero bago pa man mabahagian ng sariling pagtatamnang lupa, isang matinding pagsubok umano ang nagtulak sa kaniya upang tanggapin ang hamong dala ng mga binhi.

Taong 2006, isa si Nanay Ghie sa mga napilitang mag-alsa-balutan mula sa tabing-riles ng Philippine National Railways (PNR) sa Magallanes. Kuwento niya, lumaki na nang lumaki ang populasyon sa kanilang lugar at hindi na nasunod ang itinakdang 15 metrong layo ng pagtatayo ng bahay mula sa riles. Bilang tugon ng lokal na pamahalaan, nagpadala ito ng demolition team sa kanilang lugar upang tibagin ang mga naging tahanan nina Nanay Ghie sa higit limang taon nilang paninirahan doon. Dahil wala pang tiyak na malilipatang bahay ang mga pamilyang maaapektuhan at wala ring maibigay na notice ang demolition team, naglakas-loob si Nanay Ghie na harapin ang mga gigiba ng kanilang tirahan at kinuwestiyon ang kanilang operasyon. 

“Maralitang Pilipino tayo bakit hindi niya tayo bigyan ng ano [lilipatan], hindi naman tayo basura na itapon lang nang walang silbi,” ani Nanay Ghie.

Dahil sa ipinakitang tapang ni Nanay Ghie, nabigyan sila ng sapat na oras upang makapaghanap ng bagong malilipatan. Ito rin ang naging dahilan kung bakit siya ang kinilalang pinuno ng kanilang komunidad.

BABAENG PALABAN. Tulad ng ibang ina, matitinding hamon ng buhay ang nagpatatag kay Nanay Ghie upang may maihaing pagkain sa kaniyang pamilya. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

Sa panibagong simula ni Nanay Ghie sa bayan ng Cabuyao, nagawa niyang magtanim sa kaniyang sariling bakuran. Napakinabangan niya ang mga nagamit nang lalagyan ng kape bilang paso ng kanyang mga gulay. 

Sa pagdating ng pandemya, hindi na lamang siya ang nakinabang sa munti niyang hardin. Marami ang nawalan ng mapagkakakitaan at lubos na nangailangan ng tulong para maitawid sa gutom ang kanilang mga anak.

“Walang sapat na ayuda tapos wala pang trabaho. Eh anong gagawin, nganga? Parang awang-awa ako sa mga bata d’yan,” ani Nanay Ghie. Dahil sa limitadong bilang ng mga pananim, naisip ni Nanay Ghie na hikayatin na lamang ang iba pang mga nanay na magtanim sa sari-sarili nilang mga tahanan.

BINHI NG PAG-UNLAD

BAGONG PAG-ASA. Isa lamang si Nanay Rowena sa mga lubos na nagalak nang mabahagian sila ng mga binhing dala ng mga volunteers mula sa UPLB. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

Habang abala ang karamihan sa paghagilap ng makakain sa gitna ng pandemya, isa namang grupo ng mga volunteers mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang nabuo  upang mamahagi ng mga pagkain at care packs para sa mga lubos na nangangailangan. Isa si Dr. Rina “Doc Rina” de Luna sa mga volunteers na bumubuo sa Oplan Kawingan. Naengganyo rin ang kanilang mga miyembro sa organic farming. Kaya naman si Doc Rina, ‘di nagdalawang-isip na magbahagi ng kanyang kaalaman sa pagtatanim. Nakibahagi rin dito si Dr. Jea “Doc Jea” Buera na naglaan ng lupang pinagtamnan ng kanilang samahan. 

Ang grupo ng mga volunteers ay nag-organisa ng panibagong inisyatibong layon namang magbahagi ng mga binhi upang makapagtanim ng sariling pagkain ang mga maaabutan nila ng tulong. Mula sa Oplan Kawingan, nabuo ang Hardin Kawingan. At sa pamamagitan ni Debs Bartolo na dating estudyante ni Doc Jea, nagtagpo ang landas nina Nanay Ghie, kasama ang iba pang mga ina, at ng mga volunteers mula sa UPLB sa programang “BINHI ng Pag-unlad”.

Ayon kay Doc Rina, tila itinadhana talagang magkasama-sama sila nina Doc Jea at Debs sa bagong proyekto. Ang tatlo kasi ay naimbitahan upang makipagtalakayan sa magkakaibang episodes ng Dito sa Laguna (DSL), isang programa ng Radyo DZLB Online sa UPLB. Bilang si Debs ang kumatawan para sa komunidad na kinabibilangan ni Nanay Ghie sa naging talakayan sa DSL, naisipan nina Doc Jea at Doc Rina na lapitan si Debs upang kilalanin pa nang personal ang mga nanay sa Cabuyao, Laguna. 

Namahagi ng tulong sina Doc Rina sa mga nanay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga dala-dala nilang binhi, care packs, at bigas. Tinuruan din nila ito ng tamang paraan ng pagtatanim sa kani-kaniyang mga bakuran upang mayroon silang mapagkukunan ng pagkain. Ngunit matapos ang pamamahagi ng mga binhi, naisip ni Doc Rina na tila pansamantalang tulong lamang ang maidudulot nito.

“‘Yun na ‘yun? Parang alam namin na hindi siya sustainable, na hindi talaga ganun magiging kalaki yung maitutulong kung yung lang yung maibibigay namin so sabi namin kila nanay, meron po ba kayong bakanteng lupa gawin nating community garden,” ani Doc Rina.

KAPIT-BISIG. Isang malaking hakbang ang pagsuporta ng lokal na pamahalaan upang mapagtagumpayan ang proyektong Hardin ni Nanay. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

Sa pakikiisa ng mga nanay, nagpulong sila kasama ang mga volunteers mula sa UPLB. Doon ay hinikayat ni Doc Rina ang mga nanay na bumuo ng community garden kung saan pwede silang magtanim ng mas maraming gulay na maaari nilang mapakinabangan bilang pagkain at produktong mapagkakakitaan.

Sa kabila ng malaking hamong ito, agad na sumang-ayon ang grupo nina Nanay Ghie at nagsumikap sa paghahanap ng lupang maaaring gamitin sa kanilang proyekto. Di kalaunan, napagkalooban sila ni Cabuyao Mayor Rommel Gecolea ng lupang bahagi ng Cabuyao Institute of Technology na tinawag nilang Hardin ni Nanay.

HARDIN NI NANAY

UMULAN O UMARAW. ‘Di magpapatinag ang mga nanay sa pagbisita sa hardin upang gampanan ang mga tungkuling kanila nang nakagawian. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

Ayon kay Doc Jea, talagang nakabibilib ang mga nanay na kanilang nakasalamuha. Nakita nya raw ang ‘di matawarang dedikasyon nina Nanay Ghie sa kung paano sila nagpursiging buhayin ang lupa na dating nagmistulang tambakan na lamang. Ang pagkakaroon kasi ng magandang kalidad ng lupa ay mahalagang parte ng organic farming.

Mula sa 130 nanay na aktibong miyembro ng Damayan ng mga Maralitang Pilipinong Api (DAMPA) sa Banay-banay, lima lamang ang nangangasiwa ng Hardin ni Nanay dahil na rin sa mga itinakdang health protocols ng lokal na pamahalaan. Kabilang dito sina Nanay Virginia Cairo, Fely Barrogo, Rowena Pimentel, Jeana Palacio, at Merly Lumacad.

SA GITNA NG PANDEMYA

NGITI NG TAGUMPAY. ‘Di maitatanggi ang ligayang nararamdaman ng mga nanay tuwing sila ay nag-aani ng kanilang pinaghirapang mga pananim. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

Talagang sinubok ng pandemya ang limang nanay dahil kung hindi man bumaba ang kita, nawalan naman sila ng pangkabuhayan. 

Kwento ni Nanay Fely, “nawalan ako ng trabaho dahil sa pandemic. So malaking blessing yung pagpasok ng mga tulong nina Doc Rina. Dahil sa BINHI, nabigyan po kami ng pagkakataon na matuto magtanim ng organic nang wala kaming bibitawan na kahit isang sentimo.” 

DAKILANG INA. Lubos ang pasasalamat ni Nanay Rowena sa lahat ng tao na tumulong sa kanila upang makapagtanim at kumita mula sa mga produktong kanilang inaani sa hardin. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

Ito rin ang pagsubok na kinaharap ng iba pang nanay tulad na lamang ni Nanay Rowena. Ayon sa kanya, “malaki po talagang tulong sa akin [ang BINHI ng Pag-unlad] pati sa mga anak ko kasi po nung simula ng lockdown, wala po kaming ibang malalapitan. Andyan si Virgie tsaka sila Doc Jea tsaka si Doc Rina sila po ang nag ano [humikayat] sa akin na sumama sa Hardin ni Nanay.” Dagdag pa ni Nanay Rowena, “ipagpapatuloy ko rin po ito [pagtatanim]. Kahit ano pong mangyari, wala pong hahadlang sa akin kahit sino.”

MASAGANANG ANI. Sa pagkakaisang ipinamalas ng limang nanay, hindi lamang masagana kundi kalidad na mga produkto pa ang naging bunga ng kanilang hardin. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

Ilan sa mga naitatanim na ng mga nanay sa kanilang hardin ay kamatis, talong, pechay, basil, mais, sili, okra, at iba pa. Ang ilan sa mga ito ay personal nilang kinukunsumo o ibinabahagi sa kanilang mga kapitbahay. Habang ang kamatis na may maraming ani ay direkta nilang naibebenta sa tulong na rin ni Doc Rina na siyang humahanap ng mga mamimiling interesado sa mga naturang organikong produkto. 

Ayon sa mga nanay, kumita sila ng higit Php 10,000 sa loob lamang ng limang ani. Ang halagang ito, layon pa nilang pataasin sa pamamagitan ng paggawa ng mga produktong may mas mataas na halaga sa merkado tulad ng chili paste. Ito ay dahil na rin sa payo ni Mayor Mel na nais magkaroon ng mga tatak Cabuyao na produkto na magmumula sa Hardin ni Nanay.

PAGLAGO NG HARDIN

Ang tagumpay ng Hardin ni Nanay, mas yumabong pa matapos silang mabahagiang muli ng panibagong lupa na handog ng kapitan ng Barangay Banay-banay. Ang bagong hardin sa Hongkong Village ay ipinagkaloob sa kanila ng limang taon. Kaya naman ang mga produktong itinanim ng mga nanay dito ay mga prutas na matagal bago anihin, ngunit malaki ang perang maaaring kitain. 

Sa ngayon, marami na ang nakatayong puno ng papaya roon. Patuloy din ang kanilang pagpaplano kasama sina Doc Rina ukol sa iba pang produktong maaari nilang itanim tulad ng saging.

HULOG NG LANGIT. Isang biyaya kung ituring si Nanay Jeana ng kaniyang mga kapitbahay dahil sa puso nito sa pagtulong. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

Hindi lamang ang sakop na lupa ang kanilang napalago dahil maging ang ibang nanay ay sumagana rin ang kaalaman sa pagtatanim. Naibabahagi na ng limang nanay sa kanilang mga kapitbahay ang mga pamamaraang natutunan nila kina Doc Rina.

Si Nanay Jeana, ibinigay na ang kanyang hardin sa kanilang bakuran sa isang nanay na lumapit sa kanya upang humingi ng tulong. Ngunit hindi lamang basta ibinigay ni Nanay Jeana ang lupa, siniguro n’ya raw na magpapatuloy sa pagtatanim ang kanyang kapitbahay upang mas matagal pa nitong mapakinabangan ang kaniyang inihandog. Namahagi na rin si Nanay Jeana ng mga binhi sa iba pang mga nanay at lubos syang natutuwa sapagkat ayon sa kanya, “yung mga binigyan ko ng seedlings dati, nagpapasalamat na sa akin kasi hindi na sila bumibili.”

TAGUMPAY NG KABABAIHAN

KATANGI-TANGING KABABAIHAN. Pinaunlakan ni Doc Rina ang webinar na ito kung saan ibinida niya ang mga magigiting na inang nangangasiwa ng Hardin ni Nanay. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

Isang patunay sa tagumpay ng inisyatibong ito ang pagbibigay-pansin sa mga kababaihang naglaan ng dugo at pawis upang mapayabong ang Hardin ni Nanay. Nito lamang ika-11 ng Pebrero, naimbitahan si Doc Rina upang magsalita sa isang webinar ng Ontario Council for International Cooperation o OCIC na kumikilala sa mga  proyektong inilunsad bilang tugon sa mga pagsubok na dulot ng COVID-19. Isa ang kwento ng BINHI ng Pag-unlad sa dalawang programa sa Pilipinas na ibinahagi sa naturang webinar.

“Ang gusto naming baguhin, hindi babae lang kami, kundi babae kayo. Kayo yung isa sa pinakamalaking susi ng pagbabago sa komunidad. Meron talaga silang magagawa, kailangan suportahan lang talaga natin sila,” ani Doc Rina. 

Ayon naman kay Doc Jea, “malaking bagay yung babaeng nagtutulungan. Hindi nag-iinggitan, hindi naghihilahan pababa. Napaka-powerful kapag ang mga kababaihan nagtutulong-tulong, yung walang professional jealousy, yung walang envy. ‘Pag maganda yung intention, maganda yung nagiging bunga.”

TUNGO SA KAUNLARAN. Kabilang si Nanay Merly sa mga kababaihan ng Brgy. Banay-banay na natulungan ng programang BINHI ng Pag-unlad. Ngayon, isa na siya sa mga nagtataguyod at nagpapayabong ng naturang programa. (Kuha ni Rina Tan de Luna)

“Sumama kayo sa amin sa pagtatanim gamit ang organic farming dahil malaking tulong kapag may mga tanim tayo, mababawasan ang kahirapan,” ito ang mungkahi ni Nanay Merly sa mga kababaihang nahihirapan ngayong pandemic

Ang kuwento nina Nanay Ghie, Fely, Rowena, Jeana, at Merly, pati na rin nila Doc Rina, Doc Jea, at Debs Bartolo, ay patunay sa abilidad ng mga kababaihang magkaisa tungo sa pag-unlad ng sarili at ng kapwa. Ngunit ang nabuong samahan ay isang kabanata pa lamang ng isang istorya ng paglaban, pakikiisa, at patuloy na pagtatagumpay sa anumang dagok ng buhay.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.