Ulat ni Andrea Tomas at Jeremy Unson
Sisimulan na sa Abril 7, 2021 ang pagbabakuna sa mga mamamayang kabilang sa Priority Eligible Group A3, mga residenteng edad 18 hanggang 59 na may comorbidities o mga taong may dalawa o higit pang karamdaman, sa Batong Malake Covered Court.
Ipinagpaliban muna ang pagbabakuna sa mga senior citizens dahil ayon sa Department of Health at Food and Drug Administration, hindi maaaring iturok ang Sinovac sa kanila.
Pinapaalalahan ang mga babakunahan na dalhin ang kanilang identification card (ID), QR code, at Proof of Comorbidity o pagpapatunay na siya ay isang person with comorbidity. Maaaring maging Proof of Comorbidity ang alinman sa sumusunod na dokumento:
- Medical certificate mula sa doctor
- Prescription ng maintenance medication
- Medical Abstract o Hospital record
- Surgical Record o Pathology report
Kasalukuyang pinaghahandaan na rin ng MHO ang vaccination plan para sa iba pang kasapi ng Priority Eligible Group A, ang mga
- Senior citizens;
- Nagtatrabaho sa esensyal na sektor o ang mga uniformed personnel;
- At ang mga indigent o ang mga residenteng kapos sa pinansiyal.
Ayon kay Dr. Alvin Isidoro, Los Baños MHO Head, sisimulan nila ang vaccination sa ibang pang Priority Eligible Group A sa oras na dumating ang iba pang suplay ng bakunang nakalaan para sa kanila.
Ani Dr. Isidoro, nasa 8 000 hanggang 10 000 na senior citizens ang kanilang target na mabakunahan. Ito ay nakatakdang isagawa rin sa Batong Malake Covered Court.
Kasama sa paghahandang ginagawa ng mga tagapangasiwa ay ang patuloy na COVID-19 Vaccination Pre-registration. Layon nito na magkaroon ng tamang datos ang MHO ng mga residenteng nais magpabakuna. Ito ay nagsisilbing masterlist lamang at hindi isang consent form. Ang munisipyo rin ay nagpadala ng mga printed copy ng registration form sa mga barangay ng Los Baños para sa mga walang access sa internet.
Maliban pa sa mga kabilang ng Priority Eligible Group A, inaanyayahan ng lokal na pamahalaan na magpalista ang lahat ng residente ng munisipalidad na may edad 17 pataas.
BIDA ANG MAY BAKUNA
Samantala, nakumpleto na ang pagbabakuna ng unang dosis sa mga medical frontliners sa Los Baños sa pangangasiwa ng Los Baños Vaccine Operation Center noong Marso 29 2021.
Sa kasalukuyan, mahigit 980 na medical frontliners sa bayan ng Los Banos ang nakatanggap na ng kanilang unang dosis ng Astrazeneca. Ito ay higit sa inaasahang dami ng mabubukanahan na nasa 930 indibidwal lamang.
Ayon kay Dr. Isidoro, nagkaroon ng substitution o pagpapalit sa mga nakatakdang mabakunahan dahil sa iba’t ibang rason katulad ng mga health conditions at exposure sa virus. Ilan sa mga naging substitute vacinees ay ang mga caregivers, waitlisted pharmacists sa mga pribadong botika, mga empleyado ng mga pribadong klinika, at mga gwardya.
Inaasahang matatanggap ng mga healthcare workers (HCWs) ang kanilang ikalawang dosis ng bakuna pagkaraan ng 12 linggo matapos nilang matanggap ang unang dosis. Sa ngayon, naghihintay pa ang lokal na pamahalaan ng panibagong suplay ng bakuna na gagamitin para sa ikalawang dosis ng mga HCWs.
Isinagawa ang pagbabakuna sa mga ospital tulad ng University Health Service, Healthserv Los Banos Medical Center, Los Banos Doctors Hospital and Medical Center, at St. Jude Family Hospital.
Makalipas ang halos isang taon mula noong nagsimula ang pandemya, naging available na ang bakuna sa ating bansa. At ayon kay Dr. Anthony Charles Dalmacio, isang doktor sa Ear, Nose, Throat (ENT) at head and neck surgeon mula sa Healthserv Los Banos Medical Center, “getting the first dose is the first step for our country to mitigate or end this health crisis.”
Natanggap niya ang unang dosis ng Astrazeneca noong Marso 19 2021 sa Healthserv Los Banos Medical Center at inaasahang matanggap ang pangalawang dosis sa Mayo 17 2021.
Ani Dr. Dalmacio, hindi na dapat palampasin ng mga senior citizens ang libreng pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Kasama na rin sa nabakunahan sa unang linggo ng programa ang mga HCWs sa mga barangay health units. Ayon sa isang barangay HCW mula sa Brgy. Putho-Tuntungin, kakaunti lamang ang side effects na kanyang naramdaman sa pagpapabakuna. Inaanyayahan niyang huwag nang magdalawang isip ang mga residente ng munisipalidad dahil ito ay isang paraan upang masolusyonan na ang problemang ating kinakaharap.
PROSESO NG PAGBABAKUNA
Pinangunahan ng Logistics and Supplies Team at Vaccination Team sa ilalim ng Los Baños Vaccine Operation Center ang pagbabakuna nitong mga nakaraang linggo at sa mga susunod pa. Ang bawat grupo ay binubuo ng mahigit 10 katao.
Ayon kay Dr. Isidoro, ang proseso ng pagbabakuna ay nagsisimula sa pagtitiyak kung ang HCW o ang babakunahan ay kabilang sa inisyal ng listahan ng MHO. Kung wala ang kanilang pangalan, sila ay aanyayahan ng tagapangasiwa na isulat ito sa talaan. Matapos matiyak na nakalista ang babakunahan, magkakaroon ng counseling at pagbibigay ng written consent o permiso na bakunahan ang vaccinee.
Mainam na malaman at maintindihan ng mga vaccinees ang magiging epekto sa kanila ng COVID-19 vaccine. Ang sunod na pupuntahan ng vaccinnee ay ang screening area upang makuha at maitala ang kanilang vital signs. Magkakaroon rin ng konsultasyon kasama ang isang doktor upang malaman ang kahandaan ng pisikal na pangangatawan ng babakunahan sa mga side effects na maaaring maranasan sa mga susunod na araw.
Kapag pasado sa lahat ng istasyon ang vaccine, maaari na siyang bakunahan sa vaccination area at obserbahan sa post-vaccination area sa loob ng 30 minutos hanggang isang oras.
Para sa mga karagdagang impormasyon ukol sa mga bakuna, maaaring bisitahin ang Facebook Page ng Los Baños Municipal Health Office at Los Baños Kontra Pandemya.
Maaari ring tawagan ang Rural Health Unit sa numerong 0912-709-2412.