Ulat ni Jewel S. Cabrera
Mahigit isang taon na magmula nang ipatupad ang iba’t ibang community quarantine sa buong bansa kabilang na ang lalawigan ng Laguna. Bagama’t isa ang sektor ng mga mangingisda sa lubos na naapektuhan ng pandemya, hindi nagpatinag ang mga mangingisdang miyembro ng Bantay-Lawa sa Bay, Laguna upang patuloy na gampanan ang kanilang tungkuling pangalagaan ang Lawa ng Laguna.
Ang Bantay-Lawa ay isang organisasyon ng mga volunteers na katuwang ng Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC) at Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa pangangalaga sa Lawa ng Laguna. Nabuo ang samahan noong 2009, at sakop nito ang limang barangay sa Bay—Brgy. Maitim, Brgy. San Antonio, Brgy. San Isidro, Brgy. Sto. Domingo at Brgy. Tagumpay.
Kabilang sa kanilang mga tungkulin ang pagpapatupad ng Municipal Fishery Ordinance. Bahagi nito ang pagbabantay sa Lawa ng Laguna laban sa mga ilegal na uri ng pamamalakaya. Minsan ay tumutulong din umano sila sa mga rescue operations at sa mga mangingisdang nasisiraan ng bangka sa laot.
Ayon kay Nicanor “Tatay Nic” Librojo, Chairman ng Bantay-Lawa volunteers sa Bay, Laguna, sila rin ang tumatayong recommendatory body na siyang nagmumungkahi ng mga polisiya sa Sangguniang Bayan para sa ikabubuti ng sektor ng pangisdaan. Isang halimbawa nito ay ang pagpapataas ng multa laban sa mga gumagawa ng ilegal na aktibidad sa pangisdaan kagaya ng paggamit ng kuryente at mga lambat na may sobrang liit na butas.
Dati ay PHP 500 lamang ang multa sa first offense, PHP 1000 sa second offense at PHP 2500 sa third offense. Subalit ngayon, sa bisa ng Resolution 2018-21A ng Lokal na Pamahalaan ng Bay, PHP 5000 na ang multa ng first offense, PHP 10 000 sa second offense at PHP 15 000 o/at pagkakakulong ng isang buwan sa third offense.
Ayon kay Tatay Nic, nakita nila na kung tataasan ang multa sa bawat paglabag, mas magiging epektibo ang pagpigil sa mga iligal na aktibidad.
“Kayang-kaya nilang kitain [yung halaga ng multa] sa loob ng isang araw dahil nga sa klase ng hanap-buhay na kanilang ginagawa ay malakas kumita… Kung ang penalties ay napakaliit, magmumulta lang naman sila ng penalty kapag nahuli sila, [eh di] magmumulta na lang sila… Kahit papano, kung medyo malaki yung multa, magdalawang-isip sila,” aniya.
BANTAY-LAWA SA PANAHON NG PANDEMYA
Kuwento ni Tatay Nic, isa sa mga pagsubok na kanilang kinaharap ngayong pandemya sa pagtupad sa kanilang tungkulin ay ang pangangailangan ng ilang mangingisda na patuloy na pumalaot sa kabila ng quarantine protocols na dala ng Enhanced Community Quarantine (ECQ). Bilang isa ring mangingisda, nauunawaan umano nila ang sitwasyon ng mga kapwa mangingisda.
“Ang dahilan nila bawal ngang lumabas pero saan sila kukuha ng kakainin nila? Malaking bagay na sa kanila na makakuha sila ng pang-ulam doon sa panahon na yun na kailangang kailangan nila makakuha ng pagkain,” ani Tatay Nic.
Isa ring epekto ng pandemya ang kawalan ng trabaho at kabuhayan. Dahil dito, kinakailangan umano ng ilang mamamayang nawalan ng trabaho na mangisda na lang din sa Lawa ng Laguna upang magkaroon ng makakain at kaunting kita. Bilang resulta, dumami ang bilang ng mga nangingisda sa Lawa—rehistrado man o hindi, na naging kahati nila sa huli.
Mayroon umanong Municipal Fisherfolk Registry System na ginagamit ang pamahalaan, na kung saan kinukuha ang datos ng mga mangingisda kabilang na kung anong uri ng pamamalakaya ang kanilang ginagamit o ginagawa. Ibinababa ng mga miyembro ng Barangay Fisheries and Aquatic Management Council (BFARMC) ang mga forms upang masagutan ng mga mangingisda.
Kuwento ni Tatay Nic, hindi rin nagiging ganoon kadali para sa kanila bilang fisherfolk leaders ang pag-uupdate dahil minsan ay may mga aberya sila nararanasan sa pag-access at encode nito. Dagdag pa rito ang mga limitasyong dala ng pandemya.
Ayon naman kay Richie “Tatay Richie” Vasquez, isang mangingisda na volunteer din ng Bantay-Lawa, minsan ay naaawa rin sila sa mga nahuhuling gumagamit ng ilegal na pamamaraan ng pangingisda dahil katulad lamang daw nila ang mga ito na kakarampot din ang kinikita.
“‘Pag nahuhuli namin nagsasama na rin yung awa, pero kailangan pa rin hulihin. Hindi namin pwedeng baliwalain yung mga katiwalian nila sa mga pangisdaan namin,” aniya.
Dagdag pa sa kahirapang dala ng pandemya, marami rin umanong bangka ang nasira dahil sa sunod-sunod na mga bagyo noong nakaraang taon.
BUHAY MANGINGISDA SA GITNA NG PANDEMYA
“Tuloy pa rin ang aming pangingisda kasi ito lang yung aming ikinabubuhay,” kuwento ni Tatay Richie.
Ayon sa kanya, malaki ang naging pagbabago sa kanilang buhay mula nang dumating ang pandemya. Kung dati kasi ay madali lamang nilang nadadala sa mga karatig-bayan ang mga huling isda, ngayon ay hirap silang i-byahe ang mga ito.
Minsan din umano ay napipilitan silang ibenta na lamang kahit sa mababang presyo ang mga huling isda. Kung noong bago magka-pandemya ay umaabot umano ng PHP 400 hanggang PHP 1000 ang kinikita niya sa isang araw, ngayon ay nasa PHP 300 na lamang.
“Anlaki ng pagbabago… Halimbawa, ‘pag kami na magdadala ng isda, ang kilo ng tilapia ay nasa 70 [pesos] ‘pag dini-deliver namin sa labas. Bali ngayon ang nangyayari samin, kukunin sa amin na lang dito. Ang binabayad na lang samin ay 55 pesos. Imbis na 70, nagiging 55. Diba, malaking diperensya?”
Kuwento naman ni Tatay Nic, kung dati ay siya lamang ang nangingisda sa kanilang pamilya, ngayon ay kasama na rin niya ang dalawa niyang anak. Kapwa kasi itong nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
KAHALAGAHAN NG LAWA NG LAGUNA
Bilang bahagi ng selebrasyon ng World Water Day noong nakaraang buwan ng Marso, naglunsad ng iba’t ibang programa ang LLDA upang ipaalala sa mga mamamayan ang kahalagahan ng Lawa ng Laguna bilang isang economic at environmental zone.
Layunin din nilang ipaalam sa mga mamamayan ang mga pangunahing kapakinabangang nakukuha sa Lawa at maging ang mga pagsubok na kinakaharap nito ngayon. Dala na rin ng limitasyong dala ng pandemya, ang mga aktibidad ay isinagawa online.
Sa isang Facebook post, inisa-isa ng LLDA ang mga kapakinabangan ng Lawa ng Laguna. Ito ay ang mga sumusunod:
- Fisheries
- Flood Reservoir
- Power generation
- Recreation
- Irrigation
- Industrial Cooling
- Waste Sink
- Source of Potable Water
Para naman sa mga mangingisdang kagaya nina Tatay Nic at Tatay Richie, napakahalagang patuloy na pangalagaan ang Lawa ng Laguna.
“Kung makikita natin malaki yung contribution ng Laguna Lake sa ating komunidad. Unang-una, sa mangingisda, kung meron siyang nahuhuling isda, merong siyang maiuuwi sa kanyang pamilya. Pangalawa, yung nahuhuli naming isda, ibinebenta ito sa komunidad at sa mga merkado para naman makain ng mga community na nangangailangan.”
Dagdag pa ni Tatay Nic, karamihan sa mga bilihin—karne ng manok, baboy at baka, maging ang isdang-alat, ay nagsitaasan ang presyo nitong pandemya. Subalit, ang isdang nanggagaling sa Lawa ng Laguna ay nanatiling mababa ang presyo.
PANAWAGAN NG MGA MANGINGISDA
“Hindi kasi responsabilidad lang ng Bantay-Lawa na pangalagaan ang lawa [ng Laguna]. Ito ay responsibilidad ng lahat,” ani Tatay Nic nang tanungin kung ano ang nais niyang makitang aksyon mula sa mga mamamayang nakatira sa paligid ng lawa.
Dagdag pa niya, kailangan ang pagtutulungan ng mga mamamayan at lokal na pamahalaan sa pangangalaga ng lawa at sa pagsugpo sa illegal fishing. Hindi umano kakayanin ng mga volunteers nang sila lamang dahil kulang din ang kanilang mga kagamitan.
Malaking bagay din umano kung mababawasan ang mga basurang itinatapon sa lawa.
“Kahit maliit na porsyento lang [ng mga basura] ang mabawas dito sa Laguna Lake, malaking bagay na iyon. Kasi ang mga isdang ihahain namin sa hapag-kainan, at mga isdang binebenta namin sa komunidad ay masisiguro namin na binebenta naming malinis,” saad niya.
Bagama’t isa ang sektor ng mga mangingisda sa lubos na naapektuhan ng pandemya, nakita natin kung paanong buong-pusong inilalaan ng mga volunteers ang kanilang panahon para sa pangangalaga sa Lawa ng Laguna. Subalit ang pangangalagang ito ay responsibilidad ng lahat, at hindi lamang tungkulin ng ating mga bayaning mangingisda.