Ni Camille Villanueva
Dahil sa paglaganap ng paggamit ng online setup ngayong pandemya, naging oportunidad ito para sa ilang mga estudyante sa Los Baños upang kumita ng pera kasabay ng pag-aaral.
Isa si Miko Geanne del Rosario, sophomore student ng BA Philosophy sa UP Los Baños, sa mga estudyanteng naisipang magtrabaho sa gitna ng pandemya. Batid man niya ang bigat ng mga gawain sa kanyang mga kurso, kinakailangan niyang kumita ng sariling pera para magkaroon ng panggastos sa internet connection na siyang kailangan niya rin para sa remote learning.
Si Geanne ay naging intern sa munisipyo ng Baliwag, Bulacan at ngayon ay namamahala ng online seed shop ng kanyang kaibigan. Ayon sa kanya, nagsisilbi ring libangan niya ang kanyang trabaho sa halip na nakakulong lamang siya sa kanilang bahay. Isa rin umanong magandang oportunidad ang pagtatrabaho niya ngayon para magkaroon siya ng experience bago pa siya magtapos sa kanyang kurso.
“‘Yung experience…sayang naman yung oras na online yung setup so may chance ako na makagawa ng other things so nag-apply ako for internship kasi feel ko less productive ako at home…”, ani niya.
Samantala, kaiba kay Geanne, passion naman ang pangunahing rason ni Hiraya Manasis, isang freshman student ng BA Communication Arts sa UPLB, sa pagtatayo ng kanyang sariling online bakeshop ngayong pandemya.
Matagal nang pumasok sa isip ni Hiraya ang pagtatayo ng negosyong ito dahil sa hilig niya sa pagba-bake. Bago siya pumasok sa kolehiyo, nagkaroon siya ng mahabang bakasyon mula sa kanyang Senior High dahil sa ibang academic calendar ng UP na nagsisimula ng Agosto.
Kasama ng kanyang pamilya, doon siya nakapagdesisyon na gamitin ang oras na iyon para simulan ang pagtatayo ng kanyang negosyo. Dahil na rin sa suporta ng kanyang pamilya at mga kaibigan, tuluyan niyang nasimulan ang online bakeshop.
Aminado sina Hiraya at Geanne na mahirap pagsabayin ang trabaho at pag-aaral ngunit isa lang ginagawa nilang paraan para mapagsabay ito — time management.
Nagiging istrikto si Hiraya sa oras ng pagtanggap niya ng mga orders para mai-iskedyul niya nang maayos ang pagba-bake niya at paggawa ng mga academic requirements. Maswerte naman si Geanne na medyo maluwag ang kanyang trabaho para sa mga estudyanteng kagaya niya kaya’t madali niyang nagagawa ang mga requirements niya.
Sa kabila ng mga ito, hindi na rin bago sa kanila ang pagsubok. Lubos na nahihirapan si Geanne sa online setup dahil sa hindi kaaya-ayang kapaligiran para sa pag-aaral. Naging safe space na umano niya ang kanyang trabaho kaya’t minabuti niyang doon na manatili para gumaan ang kanyang pakiramdam. Naging pabor din sa kanya ang paninirahan sa lugar na kanyang pinagtatrabahuhan dahil sa mas pinahigpit na quarantine protocols kaya’t hindi na niya kinakailangan pang lumabas nang madalas para makauwi.
Naging malaking problema naman para kay Hiraya ang pagbili ng mga supply na kinakailangan niya para sa pagba-bake. “‘Yung isa sa mga problems na na-encounter ko is yung availability ng stock kasi mahirap lumabas…” aniya. Akala niya’y magiging problema rin ang pagpapa-deliver niya ng mga orders dahil sa protocols ngunit naging maluwag naman umano ang mga awtoridad sa mga food items kagaya ng produkto niya.
Naging mahirap para sa karamihan sa atin ang pag-aadjust sa biglaang pagbabago na dulot ng COVID-19 sa ating bansa. Walang sinuman sa atin ang naging handa para rito. Sa loob ng mahigit isang taon, natuto na lamang tayong mabuhay nang naaayon sa kinakaharap nating krisis. May ibang nagsisikap na matugunan ang kanilang pangangailangan kagaya ni Geanne, mayroon din namang katulad ni Hiraya na nakapaglaan ng oras para gawin ang kanyang hilig. Lalo’t higit bilang mag-aaral, hindi biro na isabay ito sa iba pang mga bagay tulad ng pagnenegosyo o pagtatrabaho.
Mensahe ni Geanne sa mga estudyanteng nagnanais ding magtrabaho katulad niya na alagaan at maglaan ng sapat na oras para sa sarili. Dagdag pa niya, “Life is really challenging these days. Some of us, wala naman tayong choice na mag-aral lang. Hindi rin natin afford na mag-file ng LOA (leave of absence)…Kung hindi talaga maiiwasan, make sure to take care of yourself and make time for yourself also, kasi balancing work and studies is both physically and mentally taxing.”
Batid din ni Hiraya ang sobrang hirap sa pamamahala ng negosyo sa ganitong panahon ngunit ang pagmamahal sa kanyang ginagawa ang naging paraan niya para mas lalo pang pag-igihan ito. Ani pa niya, “Always be proud of what you do and when people see that you love what you do, they soon will love it too.”