PANDEMYA NG KABUTIHAN. Nagkalat ang community pantries sa iba’t ibang barangay ng Los Banos ilang araw matapos buksan ang kauna-unahang pantry sa Maginhawa, Quezon City. | Kuha ni: AJ Villar.
Ulat ni: Alie Peter Neil C. Galeon & Angelica Jayz A. Villar
Bitbit ang libreng pagkaing kanyang natanggap matapos ang halos isang oras na matiyagang pagpipila sa kahabaan ng Grove, maiyak-iyak na ibinahagi ni Nanay Fely (hindi niya tunay na pangalan) ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga taong nagtulong-tulong upang mabigyang suporta ang mga tulad niyang kumakalam na ang sikmura dahil sa patuloy na pandemya.
“God bless po sa mga tumulong. Biyaya kayo ng Diyos sa amin dahil walang wala na talaga kami,” pahayag ni Nanay Fely na ikinuwento sa isang Facebook post ni Jan Abdelghany, isa sa mga unang nagtayo ng community pantry sa Grove, Brgy. Batong Malake.
Si Nanay Fely ay isa lamang sa humigit kumulang 5000 na mga residente ng Los Baños na napamahagian na ng tulong mula sa iba’t ibang community pantries sa bayan. Sa kasalukuyan ay mayroon nang siyam na pantries na nakapwesto sa apat na mga barangay kabilang na ang Anos, Batong Malake, Malinta, at San Antonio. Lahat ng mga ito ay kumuha ng inspirasyon mula sa initiative na sinimulan ng negosyanteng si Ana Patricia Non noong Abril 14.
Nakakahawa
Mistulang isang virus ang mabilis na paglaganap ng nasabing adhikaing ngayo’y naging tanyag na sa ideyang magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan. Mula lamang sa isang maliit at simpleng stall sa kahabaan ng Maginhawa Street sa Quezon City, ngayon ay tumawid na sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang konsepto ng community pantries dala-dala ang hangaring malabanan ang pagkalam ng sikmura ng maraming Pilipinong higit na nangangailangan.
Simple lang ang layunin ng community pantries — ang mag-abot at magpalaganap ng malasakit para sa mga residenteng may limitado o walang access sa mga basic necessities. Lalo ngayong patuloy na bumubuhos ang reklamo ng marami ukol sa hindi sapat na ayudang ibinibigay ng pamahalaan sa gitna ng patuloy na lockdowns, mas nabibigyang-diin ang kahalagahan ng nasabing initiative.
“Kababayan ko, anong pumipigil sayo [na] tumulong?” tanong ni Jan sa kanyang Facebook post. “We are at war. Not just against COVID-19, but also against hunger, poverty, depression, and poor health care. We can only win this war by surviving and helping the most needy for them to survive, too,” dagdag niya.
Matatandaan na nitong Marso 29 ay kasama ang Laguna sa muling isinailalim sa dalawang linggong enhanced community quarantine (ECQ). Ang pagbabalik ECQ ay naging mas mahirap para sa marami gayong nasa P1000 lamang ang inilaang ayuda ng pamahalaan kada tao. Bukod sa tumataas na presyo ng bilihin, kulang din umano ito upang matugunan ang mga pang araw-araw na pangangailangan dahil marami ang kasalukuyang nawalan ng trabaho.
Lilibutin ng ulat na ito ang ilan sa mga community pantries na umusbong sa iba’t ibang bahagi ng Los Baños.
‘Para sa mga ina, bata’: Community Pantry sa Batong Malake
Sa loob lamang ng tatlong araw ay nakapag-abot na ng tulong ang grupo ni Jan sa humigit 700 katao sa LB. Sa ngayon, aabot sa halos 2,000 indibidwal na ang kanilang natulungan lalo na’t kamakailan lamang ay nag transition sila sa mobile community pantry para maabot ang mga pamilyang maaaring walang kakayahang magtungo sa bayan upang personal na kumuha ng libreng pagkain.
Nitong Sabado ay nagtungo sila sa bundok ng Makiling upang mamahagi ng mga bigas, canned goods, noodles, gatas, hygiene kits, vitamins, at reading materials para sa higit 100 pamilyang naninirahan doon.
Ngunit bukod sa intensyong matulungan ang lahat ng lubhang naapektuhan ng pandemya, adbokasiya ni Jan bilang isang ina na mabigyang prayoridad ang mga kapwa niya magulang at ang kanilang mga kabataan.
“Not everyone can eat three times a day. And because of extreme poverty, mothers can’t produce enough breast milk. Wala ng makain ang mga nanay so wala [na ring] makakain ang mga bata. Sila ang kailangan natin tulungan in order for us to uplift our community. Dahil naniniwala pa rin ako na ang mga bata ang pag-asa ng ating bayan,” pahayag niya.
Hindi rin itinanggi ni Jan ang realidad na marami ring mga ina at kababaihan ang nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya kaya hindi lubusang natutugunan ang pangangailangang nutrisyon ng kanilang mga anak.
“Our realization talaga is that it’s too difficult to thrive when you’re fighting with all you can to survive… Hindi pipila o mag babaka sakali ang tao sa mga community pantry kung may other resource pa sila na makukuhanan sa pang araw-araw,” kwento niya.
‘Kahit konti’: Oplan Malasakit sa Anos
Matapos ang maraming ulat ukol sa hindi pantay na pagbibigay ng ayuda para sa mga mas nangangailangan, nahikayat si Paulina Cangao na umpisahan ang community pantry sa Brgy. Anos.
“Marami po akong nakita sa Facebook na nagbigayan daw po ng ayuda tapos po may mga nakita ako na kung sino pa yung mas nangangailangan na tao, sila pa yung hindi nabigyan. Kaya inisip ko na gusto ko silang tulungan na kahit sa kaunting bagay, konting pagkain, bigas, mabibigyan ko sila. Sa bawat tao kasi na talagang mahirap, napakahalaga na po nung ganoon,” kwento niya.
Si Paulina, 32, isang wedding event coordinator, ay aminadong apektado rin ng krisis na dala ng COVID-19. Subalit, batid niyang mas marami ang naiipit sa mas mahirap na sitwasyon higit lalo ang mga taong naninirahan lamang sa lansangan. Kaya bukod sa libreng pagkain, plano rin ng grupo ni Paulina na mag-abot ng libreng face masks bilang proteksyon laban sa virus.
“Mahalaga talaga siya [pantries] kasi lalo na yung ibang tao, isang kahig, isang tuka lang din. Lalo na po ngayon, nagkaroon ng pandemya, marami pong mga tao ang walang trabaho. Kaya ayun po yung gusto ko na mabigyan sila ng kaunting tulong,” paliwanag niya.
‘At least one meal a day’: Kawanggawa sa Riles ng San Antonio
Para naman sa 39 anyos na si Mark Sorrera, iba ang kasiyahang naidudulot sa kanya ng pagtulong sa mga kabarangay sa San Antonio na nangangailangan ng suporta. Sa katunayan, mula noong nakaraang taon pa, nang magsimula ang pandemya, ay nagbabahay-bahay na si Mark para magbigay ng tulong sa abot ng kanyang makakaya.
“Nung una siguro, pantanggal [depression] kasi masyadong mahirap ang buhay, masyadong maraming isipin. Parang kumakalma yung damdamin and at the same time, ito, masaya ka kasi una, nakakatulong ka sa kasama mo and part na rin ng pakikisama e,” kwento niya.
Si Mark ay pangunahing trolley driver sa kanilang barangay na paminsan-minsan ay nagtatrabaho bilang tricycle driver, construction worker, mason, at karpintero. Bagaman sapat lang ang kinikita niya mula sa mga trabahong ito, masaya siyang nakapagtayo ng community pantry kasama ang mga miyembro ng San Antonio Trolley Organization para “kahit papaano [ay] mairaos” ang pangangailangan ng mga residente.
“Although hindi nasu-sustain yung whole day na pangangailangan nila, but at least, one thing [is] for sure: At least one meal a day, natutulungan namin sila,” dagdag niya.
Hapag ng Bayan: Bayanihan ng kababaihan sa Anos
Tulad ng mga naunang organizers, hindi rin nalalayo ang layunin ng isang grupo ng magkakaibigang kababaihan sa Brgy. Anos na nagtayo ng kanilang sariling pantry na pinangalanang Hapag ng Bayan.
“We know that this won’t solve the bigger problem in poverty and hunger that we have, but we hope that our grassroot initiative would help in immediate response to the food crisis our community is dealing with,” tugon nila na binubuo ng mga young adult na kababaihan mula sa iba’t ibang sektor tulad ng development work, sining, ekonomiks, at medisina.
Layon ng mga organizers na magsilbing paalala at aral ang Hapag ng Bayan para sa maraming kababayan na huwag laging pansariling interes at pangangailangan ang uunahin kundi pati na rin ang sitwasyon ng iba. Dagdag nila, “this initiative is not only to help, but also to teach each other of mutual aid specially these trying times.”
Hangad din ng grupo na mas marami pang mga kababayan ang ma-impluwensyahang magsimula ng community pantries sa kanilang sariling mga komunidad kagaya na lamang kung paano sila nabigyan ng inspirasyon ng Maginhawa Community Pantry.
‘Para sa mga kontraktwal’: Community Pantry sa UPLB
Noong nakaraang lunes ay opisyal na ring binuksan ang community pantry para sa mga manggagawang kontraktwal sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Ang nasabing pantry, na nakapwesto sa bungad ng University Housing Office, ay nakapokus para sa mga karpintero, garbage collectors, mananabas, at iba pang “No Work, No Pay” na mga empleyado ng UPLB.
Ayon kay Dr. Roderick Javar, head ng Extension Committee ng UPLB Department of Social Sciences at nag-organize ng pantry sa UPLB, mahalagang mabigyan ng pansin at tulong ang mga kontraktwal na manggagawa sapagkat sila ay apektado rin ng pandemya.
“Wala silang [kontraktwal na manggagawa] naiuuwi sa mga pamilya nila kung hindi sila magtatrabaho araw-araw. Dahil dito, naisipan kong magpasimula ng community pantry sa loob ng UPLB para sa kanila. Kailangang kailangan nila ng tulong ngayon kaya sila ang tuon ng ganitong proyekto,” paliwanag ni Javar.
‘Tayo-tayo’
Bagaman umaani ng maraming papuri ang mga community pantries — bilang produkto ng likas na pagiging malikhain at matibay na bayanihan ng mga Pilipino — naniniwala ang mga organizers na ang naturang initiative ay nabuo bilang tugon sa kakulangan ng konkretong aksyon para sa mga mamamayan.
Hangad nila na mas marami pa ang mahikayat na magpadala ng mga materyal at pinansyal na donasyon, o sa kahit anumang mumunting paraan ng pagtulong, upang mapanatili at magtuloy-tuloy pa ang pagpapaabot ng suporta sa mga nahihirapang bumangon dulot ng pandemya.
“Sa panahon na napakaraming problema natin — mula sa banta na dala ng pandemya hanggang sa kagutuman at kahirapang bunga nito sa mga tao — mahalagang kumilos at mag-inisyatiba ang mga handang tumulong sa mga kababayan. Lalo na’t kulang o halos walang ayudang natatanggap ang taumbayan mula sa gobyerno. Sa mga ganitong panahon, tayo-tayo ang kailangang magtulungan,” wika ni Javar.
Walang duda, nakakahawa ang virus na COVID-19. Subalit, ang tagumpay ng mga community pantries sa Los Baños at sa buong bansa ay patunay lamang na wala nang mas nakakahawa pa sa tapat na malasakit at kabutihang buong-pusong ipinapasa ng mga Pilipino para sa kapwa Pilipino.
……..
Para sa mga nais magbigay ng in-kind donations, hinihikayat ng mga organizers ang mga sumusunod: bigas, gulay, rekado, canned goods, itlog, noodles, gatas, hygiene kits, at reading materials para sa mga bata.