Ulat ni: Janna Gabrielle Tan
Bagama’t nalalapit na ang pagtatapos ng MECQ na muling ipinatupad upang matugunan ang pagtaas ng COVID-19 cases noong nakaraang buwan, hindi maikakaila ang mga pagsubok na idinulot nito sa mga residente ng Los Baños.
Nakasama ang Los Baños sa tinaguriang NCR Plus region kung saan muling ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso 29. Ang bagong ECQ ay nagtagal ng dalawang linggo hanggang sa ibaba ito sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) noong Abril 12. Nakatakdang magtapos ang MECQ ngayong paparating na Biyernes, Abril 30.
Dahil dito, hinigpitan lalo ng lokal na pamahalaan ng Los Baños ang ilang mga patnubay tulad ng curfew, liquor ban, at ang odd/even scheme o ang nakatakdang iskedyul ng mga residente upang pumunta sa malalaking establisyemento. Samantalang ang pagsuot ng face mask at face shield, social distancing, at ang paggamit ng QR code ay patuloy pa ring isinasagawa.
Ayon kay Municipal Administrator Atty. Robert Laviña, napagdesisyunan ng lokal na pamahalaan na paikliin ang oras ng pagtanggap ng mga kliyente sa munisipyo. Kung dati ay maaari pang pumunta hanggang 5PM, ngayon ay hanggang 2PM na lamang upang malimitahan ang paglabas ng mga residente. Dagdag din sa mga bagong patnubay ang alternative work arrangements na iminungkahi ng National Inter-Agency Task Force o IATF. Nag-isyu ng Executive Order ang lokal na pamahalaan upang mas mabigyang-diin ito sa mga establisyemento at mga pribadong negosyo sa Los Baños.
“We are implementing strictly yung guidelines, specifically yung Omnibus Guidelines issued by the National Task Force against COVID-19. So in those guidelines and also dun sa mga inilabas na mga Executive Orders, well considered naman yung mga karapatan ng mga mamamayan lalo na yung who wants to access basic and essential goods and services. Sila naman ay pinapayagan, subject lang sa age restrictions,” dagdag ni Atty. Laviña
Kawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya
Kahit na mas maluwag na ngayon ang mga patnubay ng bagong ECQ at MECQ, isang malaking hadlang pa rin ito para sa ilang mga residente lalong lalo na para sa mga nawalan ng trabaho.
Para sa isang residente ng Brgy. Batong Malake na si Sheila Tamayo, 44, siya ay lubos na naghirap mula noong nawalan siya ng trabaho dahil sa pagsara ng kanyang pinagtatrabahuan. Kaya naman, ang muling pagpapatupad ng ECQ at MECQ sa lugar ay naging isang malaking hadlang sa paghahanap niya ng bagong trabaho.
“Tiis. Kung nakatanggap man ng SAP, ayun binili ng pagkain, tipid tipid,” pahayag ni Tamayo nang tanungin kung paano siya nakakabili ng pagkain at iba pang pangangailangan. “Sa ngayon paubos na at hirap talaga, nade-depress na ako. Minsan napila ako sa pantry. Nakakatakot din gawa ng COVID kaso mas mahirap kung walang makain,” dagdag pa niya.
Ibinahagi din ni Eman (hindi tunay na pangalan), 43, mula sa Brgy. Mayondon ang paghihirap nila dahil sa paulit-ulit na lockdown. Bagaman siya ay nakakabili pa rin ng kanilang pagkain at iba pang pangangailangan, hirap pa rin ang kanyang pamilya dahil sa epekto nito sa kanilang trabaho.
Aniya, napilitan siyang mag-resign upang alagaan ang kanyang anak kaya naman ang asawa niya ang nagtatrabaho sa ibang bansa. Ngunit noong ipinatupad ang ECQ, nahinto ang application ng kanyang asawa at hindi na nakaalis ng bansa.
“Hindi komo bato ang bahay ay ayos na, hindi komo maayos ang buhay noon ay ganun din ngayon,” wika niya.
Panawagan ng dalawa ang mas maayos na proseso ng Social Amelioration Program (SAP) bilang isa ito sa kanilang pinaka inaasahang mapagkukunan ng pera pambili ng kanilang pangangailangan sa araw-araw. Ang SAP ay tumutukoy sa ayudang inilalaan ng pamahalaan para sa mga Pilipinong lubhang apektado ng pandemya.
“Yun sa ayuda sikapin nilang mabigyan ang hindi pa nakakuha ng SAP dahil lahat naman po ay nangangailangan,” wika ni Tamayo.
“Siguro mas okay na na bago mag-announce na may ayuda, ay merong na ding guidelines, kasi kapag vice versa mahirap, may nadadagdag at nababawas in general,” wika naman ni Eman.
Epekto sa pang araw -araw na pangangailangan
Bukod sa epekto nito sa trabaho ng mga tao, hadlang din ang mga paghihigpit sa pagkalap ng pang araw-araw na pangangailangan ng mga residente.
“Dahil nagkaron ng curfew, limitado rin yung oras na pwede bumili sa labas. Paminsan kapag gabi tapos may kailangan bilhin, yan gamot o pagkain, di na nakakalabas,” wika ng 42-anyos na si Ma. Eva Segundo ng Brgy. San Antonio.
Para naman kay Dr. Virginia Cardenas, 69, mula sa Brgy. Batong Malake, bagama’t nakakabili pa rin sila ng mga pangangailangan nila, nalilimitahan pa rin ang kanilang galaw. “It is an impediment in terms of your access to services. Di ka makapamalengke as regular as you want because may coding scheme na sinusundan, as also with the supermarket,” aniya.
Kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 sa Los Baños
Base sa datos ng lokal na pamahalaan noong ika-28 ng Marso bago mag ECQ, mayroong 159 ongoing cases, 19 new cases, at 726 total recoveries. Base naman sa bagong ulat nitong ika-27 ng Abril, mayroong 131 ongoing cases, 8 new cases, at 20 new recoveries.
Pag-amin ni Atty. Laviña, hindi talaga kalakihan ang pagkakaiba ng bilang ng COVID-19 cases sa Los Baños bago ipatupad ang ECQ at MECQ sa bagong bilang ng mga kaso ngayon. Sa kabila nito, inaasahan pa rin niya at ng lokal na pamahalaan na lalabas din ang positibong epekto ng ECQ at MECQ sa susunod na mga linggo o buwan dahil baka antala lamang ang epekto nito.