Ulat ni Jill Parreño
Ayon kay Randy P. Banzuela, ang COMELEC election officer ng Los Baños, malaki ang ibinaba ng bilang ng nakapagparehistrong botante sa munisipyo ngayong taon.
“Instead na dati umaabot kami ng 70%, ngayon 20, 15,” sabi niya.
“If you will ask me kung ilan yung botante natin, sa ngayon ay 61,513. Dati nag-65,000 na yan… nagtanggal lang kami nung last quarter ng 2020, kaya it was reduced significantly. So umabot pa yan ng 58,000 tayo nung July 2020. Naka-recover lang kasi nagtuloy-tuloy na ulit ang ating registration. Ang estimate ko, sana makarating tayo sa 65,000 ulit.”
Dahil sa mga health protocols, naging limitado ang bilang ng aplikante na maaaring ma-process ng COMELEC LB bawat araw.
Dagdag ni Banzuela, “Kami noon, dati ang aming schedule is Monday to Thursday. Nabago yun, naging Tues to Saturday tapos ibinalik ulit ng Monday to Friday, tapos ang disinfection natin ay Saturday. Tapos 8 to 5 na. Yun ay during GCQ, pero ngayong MECQ ay no transactions kami work from home ngayon.”
Natigil ang voter’s registration noong inilagay ang NCR+ region sa Enhanced Community Quarantined (ECQ) noong ika-29 ng Marso. Kahit binalik na ang NCR+ region sa MECQ noong ika-12 ng Abril, suspendido parin ang pagrehistro bilang botante sa COMELEC LB.
“Naaawa nga ako,” sabi ni Banzuela. “kasi diba bigayan ng ayuda ngayon, eh maraming nangangailangan ng voter certification kasi wala silang ID. Wala kaming maitulong doon kaya pasensya na lang sila muna.”
“Mahirap kasi itong ating sistema ngayon, especially now. Kahit na sinasabi sa amin ng commissioners na we are way way behind our target registrants, eh wala naman kaming magawa kasi hindi naman kami makapag-satellite registration.
Dito raw sa satellite registration nakakakuha sila ng maraming botante. Sa halip na hintayin ang mga taong pumunta sa opisina ng COMELEC, sila ang mga pumupunta sa mga barangay. Ngunit, hindi na nila ito magawa dahil sa pandemya.
“Wag na wag sana na hindi matuloy ang election,” dagdag ni Banzuela. “Kaya sana nga, kung meron kayong pagkakataon, we should encourage itong mga young voters. Ang dami pang hindi nakaka-register.”
Paghahanda sa halalan 2022
Naghahanda na din ang COMELEC sa halalan 2022, lalo na’t inaasahang kailangan pa rin sundin ang mga health protocols.
“Sa ngayon, naggagawa na kami ng mga standard protocols to adapt to the new normal. For example, baka ang filing natin online, ng certificate of candidacy. Kung hindi man, limited ang transactions, at walang followers. Kung magkakaroon ng followers, isa lang o dalawa.”
Hihikayatin ding virtual ang campaigning ng mga tatakbo sa paparating na eleksyon dahil pagbabawalan ang malaking pagtitipon. Pati ang debate, posible din maging virtual nalang.
Sa isyu ng early campaigning, hindi pa naman daw ito pinagbabawal. Dahil ang pag-file ng certificate of candidacy ay gaganapin pa sa Oktubre at wala pang opisyal na kandidato, hindi pa itinuturing early campaigning ang paglalagay ng mga tarp o ang pagpapamahagi ng mga campaign materials. Ngunit pwede parin daw itong lumabag sa lokal na ordinansa, ayon kay Banzuela.
“So yung ivviolate nila ay yung mga local order na Anti-Littering kung meron ang munisipyo. So yung munisipyo ang pwedeng magkaso sa kanila, mag-penalize for the Anti-Littering. Pero tatandaan mo na yung mga mukhang yun, kung yung kanilang ginagastos dun ay itinutulong na lang nila. May nakikita na akong pulitiko, namimigay eh.”
Ulit na inimbitahan ni Banzuela ang mga kababayan niya sa Los Baños, lalo na ang kabataang 18-30 taong gulang, na magparehistro.
“This is the democratic way to change the leadership. Kaya kabataan, mga kapwa taga-Los Banos, hinihikayat ko po kayo. Suriin, magpatala, at magrehistro sa COMELEC. Suriing mabuti ang inyong mga kandidato. Maraming avenues to know them. Hindi lamang sa mga one-liners, sa mga tarpaulins makikita.”
“So yun lamang, sa ngayon, kayo po ay magparehistro at nang sa ganon, sa darating na eleksyon ay makaboto.“