Sa kanlungan ng St. Martin De Porres Kids’ Home

Isinulat nina Elysse Bejar at Althea Lantican

Gigising sa umaga, mag-aalmusal, magmo-modyul, at maglalaro sa hapon. Ito ang imahe ng isang normal na araw ng isang batang nag-aaral ngayong pandemya.

Ito ang mga kaganapan sa isang payak na araw sa buhay ni Archie*, 12 taong gulang. Ngunit sa halip na sa sariling tahanan niya gawin ang mga bagay na ito, siya ay nasa isang bahay-ampunan.

Si Archie ay isa sa labing-tatlong batang pansamantalang namamalagi sa St. Martin De Porres Kids’ Home, isang lisensyadong pansamantalang kanlungan o temporary shelter  sa San Pablo City, Laguna para sa mga batang lalaki na napabayaan, inabuso, naulila, at minaltrato. Si Archie ay mananatili sa ilalim ng mga pakpak ng St. Martin hanggang sa panahon na handa na muli ang kanyang pamilya na siya’y alagaan at makasama.

Sa loob ng 24 taon, ang St. Martin ay tumatakbo bilang isang pribadong institusyon. Wala itong subsidiya mula sa pamahalaan at tanging mga donasyon ang pinagkukunan nito ng pondo. Malawak ang operasyon nito bilang sakop nito ang buong rehiyon ng CALABARZON, ngunit ang kapasidad lamang nito ay hindi lalagpas sa 25 bata upang masiguro ang kalidad ng pag-aalaga sa kanila.

Ayon kay G. Arvin Carandang, Program Coordinator ng St. Martin, kada taon din ay sinisikap ng institusyon na makabalik ang mga bata sa kani-kanilang pamilya. 

“Kung posible, base sa kaso ng mga bata, ire-reunite sila sa kanila mga pamilya. Kung hindi, dito lang sila for a certain period para ihanda sila. Hangga’t ready na silang lumabas at capable na sila,” sabi ni G. Carandang.

Maayos at banayad ang takbo ng institusyon, ngunit gaya ng karamihan ay may mga suliranin at hamon din silang kinakaharap na dulot ng pandemya.

ISANG UMAGA. Silid-tulugan ng mga bata sa St. Martin De Porres Kids’ Home. (Mula sa St. Martin De Porres Kids’ Home)

Mga hamon sa isang bahay ampunan ngayong pandemya

Isa sa pinaka inaasam ni Archie ngayong pandemya ay ang lumabas upang makipaglaro at pumasok sa paaralan. Kung dati ay nakakapaglaro siya kasama ang kanyang mga kaklase at nakakapaglakad pagkatapos ng eskwela, ngayon ay limitado na ang kanyang paglalaro at paglilibang.

MODYUL. Dahil sa kasalukuyang remote learning setup, tutok sa pagsagot ng modyul ang mga bata sa loob ng isang silid sa St. Martin. (Mula sa St. Martin De Porres Kids’ Home)

Bago ang pandemya, nakakapaglibang ang mga bata sa labas ng ampunan tuwing may mga imbitasyon mula sa ibang tao at organisasyon.

“Nakakapunta sila sa mga birthday parties. Nakapag Kidzania sila, Enchanted Kingdom, museums, at iba’t-ibang amusement parks. Lumalabas din sila para mag swimming at camping. Ganoon ang usual routine dito. Busy sila kapag bakasyon,” masayang inalala ni G. Arvin.

Lahat ng ito ay naantala simula pa lang noong Enero ng nakaraang taon dulot ng pagputok ng Bulkang Taal. Naging limitado na rin ang mga donasyon hanggang sa dumating ang pag-lockdown noong nakaraang Marso.

Walang masayang kaganapan, walang bisita, at kakaunting donasyon ang kinaharap ng St. Martin noong 2020. 

Pag-angkop sa new normal

Upang itaguyod ang mga bata, nanatiling bukas ang mga pinto ng St. Martin sa mga nais bumisita, bagama’t iilan. Ngunit hindi na muna maaaring makihalubilo ang mga ito sa mga bata at limitado na rin ang oras ng pagdalaw.

Nagpatupad ang St. Martin ng biosafety protocols. Ang mga donasyon at pagkaing galing sa mga bisita ay sumasailalim sa isang drop-off system. Tatawag muna ang bisita upang magpa-iskedyul ng pagbibigay ng donasyon, aalamin ang mga maaaring dalhing tulong sa ampunan, at ihahatid sa gate ang mga donasyon. Kung nais man na manatili ng mga bisita, ibinaba sa 30 minuto na lang ang kanilang pagdalaw at kailangang sumunod sa minimum health standards, katulad ng pagsuot ng face shield at mask at physical distancing.

Pakikipag-ugnayan

Pumasok sa isang Memorandum of Agreement ang St. Martin at ang National University Laguna at ang Polytechnic University of the Philippines-Sto. Tomas. Ang mga estudyante ng mga pamantasang ito ay nagsilbing volunteer tutors para sa mga bata upang maalalayan sila sa kanilang pag-aaral sa kasalukuyang remote learning setup.

FRANKENSTEIN COMPUTERS. Ganyan ilarawan ni G. Arvin and mga binuo niyang kompyuter upang magamit ng mga bata sa kanilang mga synchronous classes. (Mula sa St. Martin De Porres Kids’ Home).

Ganito ang paraan ng pagpapatakbo ngayon sa ampunan. Ngunit nananatiling isang malaking hamon ang pondo para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng ampunan at ng mga bata.

Bukod pa rito, sa likod ng mga suliraning ito ay isang mas malalim na problema.

Proseso ng pagtanggap ng mga napabayaang bata

Ayon sa United Nations’ Children’s Rights and Emergency Relief Operations, nasa halos 1.8 milyong bata sa Pilipinas ay inabanduna o pinabayaan ng kanilang mga pamilya. Sila ay kadalasang biktima ng matinding kahirapan o kaya ng mga sakuna o giyera.

Karamihan ng mga bata sa St. Martin ay galing sa isang pamilya kung saan hindi sila naaalagaan nang maayos. Ang proseso ng pagdala ng mga bata sa ampunan ay mabusisi at mahaba. May mga kaukulang papeles na marapat gawin ang barangay kung saan nakatira ang bata. Ito ay iniaakyat sa local social welfare and development office upang asikasuhin at ipasa na sa DSWD. Ito naman ang maghahanap ng ampunan na maaaring kumuha sa bata.

Sa mabusising prosesong  ito, iisa lang ang tiyak – lubos na mabigat at mahirap itong tanggapin ng isang musmos.

Bilang houseparent sa loob ng 8 taon, saksi si Rosalia Formanes, o Ate Sally, sa buhay ng mga bata sa St. Martin. Ayon sa kanya, may mga bata na hindi pa kilala ang mga magulang ay dinadala na sa ampunan.

“Pagdating niya, hindi niya kilala ang kanyang nanay… wala pa siya talagang alam. Kaya ‘pag tinatanong siya ng mga bisita namin kung sino ang nanay niya, ako ang tinuturo niya,” malungkot na ibinahagi ni Ate Sally ukol sa karanasan niya sa isang bata na tatlong taong gulang pa lang nang alagaan niya.

May mga bagay rin na hindi kayang ibigay ng ampunan sa mga  bata, partikular na ang kanilang pangangailangang emosyonal at sikolohikal.

“Kaming mga houseparent, ‘yun lang talagang pangangailangan nila sa araw-araw ang naibibigay, pero yung pang-emosyunal, hindi namin kaya kung ano talaga ang nasa lalim ng damdamin nila, kung ano yung mga lungkot ng kanilang buhay,” ani Ate Sally.

KUMUSTA KA? Ayon kay Ate Sally, kailangan din ng mga bata ng ibang makakausap, lalo na upang maalalayan sila sa kanilang mental health. Photo courtesy of St. Martin De Porres Kids’ Home.

Mensahe para sa mga magulang

Ang trabaho ni Ate Sally ay may halong kasiyahan at kalungkutan. Masaya siya na makatulong sa mga bata at tumayo bilang pansamantalang magulang nila. Ngunit tuwing may bata na umuuwi na sa sariling pamilya, may kirot ito sa puso niya. 

“Sana pag-aalis na sila, naka-day off ako,” aniya.

Gayunpaman, ang pinaka hangarin ni Ate Sally at ng buong St. Martin para sa mga bata ay ang mapabuti sila sa piling ng kanilang pamilya. Kaya bagama’t may mga institusyon na maaaring kumupkop sa mga batang napapabayaan ng mga magulang, hangad ni Ate Sally na mahalin at alagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak.

“Sana bago sila magpamilya, talagang mahal nila ang isa’t isa. Yung mga simpleng away dala ng hirap ng buhay, masosolusyunan naman ‘yan. ‘Wag lang dumating sa point na basta na lang iiwan yung mga anak. Kaya sana, yung magiging mga magulang, ‘wag munang isipin yung kanilang damdamin, isipin din nila yung mga bata na kanilang maiiwan.”

MAGBUBUNGA RIN. Bilang malawak ang maaaring pagtamnan sa St. Martin, tinuturuang magtanim ang mga bata ng mga gulay at prutas na maaari rin nilang pagkunan ng pagkain. (Mula sa St. Martin De Porres Kids’ Home).

Tunay na pinapatatag ng hirap ng buhay ang isang tao, ngunit ang mga batang gaya ni Archie ay may karapatan at may pangarap – ang magkaroon ng tahanan at pamilyang mag-aaruga sa kanila. Kaya pilit na nagpapakatatag si Archie at nag-aaral nang mabuti sa ilalim ng pandemyang ito, sa pag-asa na isang araw ay uuwi na siya sa kanyang pamilya at sariling tahanan.

*Hindi niya tunay na pangalan

Sa mga nais tumulong sa St. Martin De Porres Kids’ Home, maaaring ipadala ang inyong donasyon sa 0917 378 9539 (Gcash: Arvin P. Carandang – Program Coordinator).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.