Isinulat ni Nel Benjamin Magdaleno
Fact-checking ang naging paksa ng webinar na pinangunahan ng Los Baños Times at Rappler MovePH na ginanap noong 18 Oktubre 2021 sa Zoom.
Layunin ng webinar na turuan ang mga panauhin ng mga pamamaraan ng pagsisiyasat ng mga kahina-hinalang mga post sa social media. Bahagi ito ng serbisyong pampukliko ng LB Times sa pagsulong ng Media and Information Literacy (MIL) sa komunidad.
Ang nagsilbing pangunahing mga tagapagsalita ng webinar mula sa Rappler ay sina Raisa Serafica, Head of Civic Engagement, at Vernise Tantuco, writer at researcher. Tinalakay nila ang masamang epekto ng pagkalat ng maling impormasyon o disinformation at kung paano labanan ito sa pamamagitan ng fact-checking. Iginiit nila na dapat maging mapagmatyag ang komunidad sa mga nasasagap nilang impormasyon sa social media lalo na ngayong panahon ng pandemya at eleksyon kung kailan talamak ang disinformation.
Samantala, hinikayat naman ang mga kalahok na maging fact-checking volunteer ni Miguel Victor T. Durian, ang Associate Editor ng LB Times at ang project leader ng Maging Fact-Check Champion.
Nagbigay rin ng mensahe ng pagsuporta sina Dr. Jose V. Camacho Jr. (Tsanselor ng UP Los Baños), Dr. Maria Stella C. Tirol (Dekana ng College of Development Communication), at si Siegfred R. Severino (Tagapangulo ng UPLB University Student Council).
Samantala, nagsilbing punong abala naman ang CDC Student Council, sa katauhan nina Seth Alfred D. Pagulayan (Tagapangulo) at Rudy P. Parel Jr. (Kinatawan ng Batch 2019).
Maliban sa mga miyembro ng komunidad ng Los Baños, nakihalok rin ang mga indibidwal mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na karamihan ay mga kabataan mula sa mga state universities and colleges. Umabot ng halos 700 ang nakilahok sa Zoom session, na naka-livestream rin sa Fact-checking in the Philippines Facebook page na may halos 6,000 na miyembro. Mahigit 2000 rin ang inisyal na nagpatala para sa webinar.
Hinikayat rin ng mga tagapagsalita ang mga panauhin na magsagawa ng sarili nilang fact-checking webinar sa kanilang mga komunidad.
Katuwang rin ng LB Times and Los Baños Science Community Foundation Inc. (LBSCFI) na tinalakay ang kaparehang paksa na infodemic sa pagdiriwang ng ika-20 na anibersaryo nito noong Marso 2021.
Katuwang rin ng LB Times ang University of the Philippines Los Baños, College of Development Communication Student Council, UPLB Student Council, UP Community Broadcaster’s Society Inc., UPLB Development Communicators’ Society Inc., UP Alliance of Development Communication Students, The Philippine Online Student Tambayan
Juan Health PH, CvSU Journalism Guild, UP Jammers’ Club, at St. Therese Educational Foundation of Tacloban, Inc.(STEFTI).
Basahin rin ang ulan na ito mula sa UPLB website: https://uplb.edu.ph/public-service/lb-times-rappler-lead-fact-checking-webinar-at-uplb/