Isinulat nina Marvs Kaye Rosario at Alexil Cheska Fajardo
[BABALA: Ang ulat na ito ay naglalaman ng mga paglalarawan ng karahasan sa kababaihan]“Last year, madalas kaming nagkakapisikalan. Nagkaroon pa ako ng mga pasa. May pagkakataon ding may hawak na kaming kutsilyo, tipong gusto na naming saksakin ang isa’t-isa.”
Ito ang dinanas ni *Savana, isang working mom mula sa Bay, Laguna, sa kamay ng kanyang asawa ngayong pandemya. Kasama niya ang iba pang mga kababaihang nakakaranas ng karahasan o Violence Against Women (VAW), na tila ay nagiging talamak sa mga panahong ito.
Si Savana ay tumatayong padre de pamilya ng kanilang tahanan. Pinagsasabay rin niya ang pagiging isang freelancer, estudyante, at pagiging ilaw ng tahanan sa kanyang limang anak. Subalit sinong mag-aakala na sa kabila ng kanyang pagsisikap upang maitaguyod ang kanyang pamilya ay pang-aabuso ang isusukli sa kanya ng kanyang asawa — ang dahilan upang tuluyan na niyang tuldukan ang kanilang pagsasama.
“Bago magpasko last year, nag-away kami nang matindi at naitulak niya ako dun sa may pader. Tapos pati ‘yung anak kong panganay, nadamay rin.” kwento niya.
Siklo ng Karahasan
Hindi ito ang unang beses na nakaranas si Savana ng karahasan. Sa loob ng limang taon, mapait din ang kanyang sinapit sa kamay ng unang nobyo. Dagdag pa ni Savana, ang ex niyang ito rin ang naging dahilan kung bakit niya nakilala ang lalaking pinakasalan dahil magkaibigan ‘di umano ang dalawa.
Taong 2011 nang magkakilala si Savana at ang kanyang napangasawa. Sila ay magkatrabaho at nang lumaon ay nagkamabutihan, tumira sa isang tahanan, at ikinasal sa parehong taon. Ngunit kwento ni Savana, hindi sintamis ng iba ang kanilang naging pagsasama.
Nagsimulang manlamig ang kanilang pagsasama makalipas lamang ang isang taon, noong isinilang ang kanilang unang supling. Sa mga sumunod pang taon ay dumalas na ang kanilang pag-aaway. Hindi rin mabilang ang dami ng masasakit na salitang lumabas sa bibig ng kanyang asawa araw-araw.
“Sasabihan kang ‘ang pangit mo’, ‘ang pangit ng katawan mo’, ‘ang dami mong anak’. Tapos sasabihan ka pang ‘ang tanga mo’,” ani Savana.
Ang paulit-ulit na pang-aabusong berbal na naririnig ni Savana mula sa asawa na naging dahilan ng kanyang depression at anxiety. Ito ay nabibilang sa psychological abuse.
“Hindi ko hinaharap ang isyu namin, ‘yon ang dahilan kung bakit kami nagtagal. I chose to ignore it. I worked a lot and focused on my academic. Lagi akong wala sa bahay. Tapos nung nag lockdown, nawala lahat ng coping mechanisms ko na ‘yon. So yung flight response na ginagawa ko palagi ay nawala, kasi wala talaga eh, stuck ka lang dun eh,” aniya.
Kasabay ng lockdown noong Marso 2020, nawalan ng trabaho ang asawa ni Savana at siya naman ay nagpatuloy bilang isang online freelancer, dahilan para sila ay manatili sa bahay. Dito siya nagsimulang makaranas ng pang-aabusong pisikal mula sa asawa kada dalawa (2) o tatlong (3) araw.
Ayon kay Atty. Eric Paul D. Peralta, miyembro ng National GAD Resource Pool ng Philippine Commission on Women (PCW) at dating direktor UPLB Gender Center, napataas ng pandemya ang bilang ng karahasan sa tahanan sa limang (5) paraan. Una, dulot ng quarantine restrictions, napilitang magsama sa isang tahanan ang nang-aabuso at inaabuso. Pangalawa, ang pagkawala ng trabaho at kakulangan sa pera ay dahilan para magkaroon ng abusive behavior o posibilidad na makapanakit ang isang tao. Pangatlo, head of the household lang ang may access sa quarantine pass na nagpipigil sa ibang biktima na sumangguni sa kinauukulan. Pang-apat, ang pagsugpo ng COVID-19 ang naging prayoridad ng mga healthcare at barangay centers na nakahadlang sa mga daan upang tugunan ang mga ulat ng karahasan. Panglima, ang pagpapatakbo ng mekanismo ng batas ay nahadlangan ng pandemya. Ito ang tinatawag na ‘shadow pandemic’ of violence.
Nakasaad din sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 (Republic Act 9262), ang apat na uri ng pang-aabuso: pang-aabusong pisikal (physical abuse); pang-aabusong sikolohikal (psychological abuse); pang-aabusong sekswal (sexual abuse); at pang-aabusong ekonomiya (economic abuse).
Ang Department of Interior and Local Government (DILG) Region IV-A, sa tulong ng VAW Desks ng local government units, ay nakapagtala ng 1,044 na kaso ng pisikal, sekswal at sikolohikal na pang-aabuso laban sa kababaihan ngayong pandemya. Ayon naman sa PCW, isa (1) sa tatlong (3) kababaihan lamang ang nag-uulat at madalas ay ang mga kakilala o mga taong malapit pa sa biktima ang lumalapit sa awtoridad.
Marahil, gaya ni Savana, ang ibang biktima ay nananatiling tahimik sa kanilang sitwasyon dahil sa takot na mahusgahan.
“Ayokong makarinig na naman sa tatay ko. Ayokong sisihin ako kung bakit ganito ang nangyari. Ayokong makarinig ng panghuhusga mula sa iba,” diin niya.
Ipinabatid lamang niya ang karanasan noong umalis na ang asawa. Ngayon ay patuloy na ang komunikasyon niya sa mga kaibigan, sikolohista, at maging ang isang guro niya na para na niyang ate.
“That stigma should be put down,” ayon kay Atty. Peralta. Dagdag pa niya na ang public stigma na “nakakahiya” ang makaranas ng VAW ay nakakapigil sa agarang pag-akto sa kaso. Kaya’t nananatili sa ‘cycle of violence’ o ang paulit-ulit na pananakit at panunuyo hanggang sa ito ay wakasan ng biktima.
“Ang paraan para ma-address ang ganitong mga isyu ay tumayo, mag-habla, at bigyang hustisya.” saad ni Atty. Peralta.
Ngunit, isa rin ang walang kasiguraduhan na mabigyang hustisya ang nakakapigil sa mga biktima na sumangguni. Dagdag niya, hindi sigurado ang bilis ng proseso ng isang kaso lalo na’t ang pokus ng lipunan ngayon ay nasa pagtugon sa COVID-19 at pagpapabakuna ng lahat ng mamamayan.
Mga Polisiya Ukol Sa karahasan
Ayon kay Atty. Peralta, ang lahat ng kasong may kaugnayan sa VAWC ay sasailalim sa Regional Trial Court. Ang ikinaganda sa Pilipinas, ang lahat ng mga batas laban sa karahasan ay tinatawag na ‘criminal statute’ o ang lahat ng uri ng pang-aabuso ay may kaukulang parusa tulad ng pagkabilanggo, hindi tulad sa ibang kaso na kailangan lamang bayaran ang naidulot na pinsala.
Dagdag niya na sinomang mapatunayang nang abuso sa kahit anong paraan ay maaaring mabilanggo ng anim na taon at isang araw hanggang labindalawang taon at isang araw.
“We can also go outside VAWC by claiming separately physical injuries. Under the revised penal code, it can be serious, less serious, or slightly serious physical injuries. Then if the abuse is verbal, there can be charges against the perpetrator for oral defamation. If it is posted online, then it can be under RA 10175, the Cybercrime Prevention Act.”
Noong 2019 rin ay naitalaga na ang Republic Act No. 11313 o ang Safe Spaces Act o Bawal ang Bastos Act na pinapalawak ang RA 9262 pati na rin ang RA 7877 o ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995.
Ang nasabing batas ang tema ng 18-Day Campaign to End Violence Against Women ng PCW ngayong 2021. Ang nasabing kampanya ay idinaraos tuwing Nobyembre 25 hanggang Disyembre 10 kada taon at minamandato ang mga iba’t-ibang sektor ng lipunan upang magsagawa ng mga aktibidad upang bigyang kamalayan ang isyu ng VAW sa kanilang mga komunidad.
Payo sa mga Biktima
“‘Pag may red flag na, sa umpisa pa lang, itigil mo na. ‘Wag mo na antaying magbago, lalala lang ‘yan. Wala kang magagawa para ayusin ‘yang kasama mo kasi hindi ka naman rehabilitation center. ‘Di mo dapat ipilit. You just have to end it, kahit na 10 o 25 kids pa ang meron kayo, ” payo ni Savana sa mga kababaihang patuloy na nakararanas ng karahasan. Hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang anumang porma ng karahasan, dagdag niya.
Sabi rin niya ay mahalaga rin ang empowerment. Dapat ang mga pang-aabuso na natatanggap ng kababaihan ay hindi dapat tiisin dahil lamang sa patriarchal society.
“We have to be part of the solution instead of adding up to the problem. Kaysa sarilihin mo lang, bakit hindi na lang natin pag-usapan at gawan natin ng aksyon,” diin niya.
Ganito rin ang nais ipabatid ni Atty. Peralta, “If we will nurture the culture of silence and fear in our communities, walang mangyayari. The only way to get out of the cycle of violence is if the woman will stand up and fight against the violence. Otherwise, the law will not operate because no one files a case.”
Paliwanag niya, ang biktima ang pinakamahalagang tao para mapuksa ang pang-aabuso. Kailangang manindigan ang biktima, magsampa ng kaso, at ipakulong ang nang-aabuso.
“Kailangang makamit ang hustisya dahil ‘don magsisimula ang lahat,” aniya.
Ngayong may pandemya, ipagbigay alam ang iyong sitwasyon sa sumusunod:
- Barangay (Kapitan, Reproductive Health Unit, pinakamalapit na pagamutan)
- VAW Desk
- NGOs (e.g. Gabriela) at Civil Service Organizations
- Municipal Social Welfare Development Office (MSWDO)
- Philippine National Police (PNP)
- People Against Women (PAW)
- Integrated Bar of the Philippines (IBP)
Patuloy din ang kontribusyon ng mga organisasyon sa pagbibigay kaalaman ukol sa isyu ng karahasan laban sa lahat ng kasarian. Isa na rito ang The UPLB Men Opposed to Violence Against Women Everywhere (MOVE), isang organisasyon na binubuo ng mga kalalakihang kawani ng UPLB na pinangungunahan ni Atty. Peralta at ang UPLB Gender Center.
Nagsasagawa ang UPLB Gender Center at ang UPLB MOVE ng trainings, webinars, episodes, podcast, at online children story books upang magbigay kaalaman sa publiko at maisali sa diskurso ang isyu ng karahasan.
Ayon kay Atty. Peralta, marami pa rin ang kulang ang kaalaman sa VAW. Kaya ayon sa kanya, magandang alamin at pag-usapan ang sumusunod: Una, kailan masasabing ikaw ay inaabuso. Pangalawa, mga dapat gawin sa mga pang-aabuso. Pangatlo, mga batas na namamahala sa mga karapatan ng biktima at nang-aabuso. At panghuli, mga paraan kung paano ipagbibigay alam ng isang biktima ang nangyaring pang-aabuso sa kanya at kung paano niya ito paninindigan at aaksyunan.