Ang balitang ito ay una sa tatlong ulat na nagbibigay konteksto para sa #Halalan2022 sa Los Baños, Laguna
Ulat nina Amiel Earl Malabanan at Samuel Querijero
MARCH 2022–Patuloy ang paghahanda ng San Antonio Elementary School sa nalalapit na lokal na halalan sa Los Baños, Laguna kasabay ang mga pagbabagong hatid dulot ng COVID-19.
Noon pa mang Enero, nagsimula na ang paghahanda ng paaralan para sa #Halalan2022, ulat ni G. Luther Viloria, Guro 3 ng San Antonio Elementary School, at miyembro ng electoral board sa nalalapit na eleksyon. Ang mga paghahanda sa San Antonio Elementary School ay pinangungunahan ng Punong Gurong si Gng. Ludivina V. Escala kasama na ang mga guro ng paaralan kung saan kabilang si Viloria, mga admin, at iba pang mga manggagawa sa paaralan. Kasama dito ang lokal na pamahalaan na pinangungunahan ni Los Baños Mayor Ton Kalaw kaakibat si Municipal Head Engr. Ricky Estopace, na siyang mangunguna sa ocular visitations sa paaralan.
Ang San Antonio Elementary School ay isa sa dalawang voting precincts ng Barangay Batong Malake. Noon, ang Lopez Elementary School ang isa sa mga voting precincts na kasama ng San Antonio Elementary School, subalit ngayong nalalapit na eleksyon, ito ay pinalitan ng Los Baños Senior High School San Antonio.
Pahayag ni Viloria, nagpa-ocular visitation na ang paaralan noong Pebrero nitong taon upang maayos ang mga kable at mga pasilidad ng paaralan. Kaakibat dito ang munisipyo ng Los Baños kung saan nabanggit ni Viloria ang paghingi nila ng tulong sa mga materyales na kakailanganin lalo na sa mga ilaw sa gabi. “Sa gabi kailangan ‘yan. Kasi baka biglang ‘di makayanan ng load ng kuryente… dapat talaga na-checheck ‘yung mga kuryente natin.”
Bagong guidelines dulot ng pandemya
Dahil sa new normal na dala ng pandemya, dagdag ni Viloria na may mga bagong guidelines na inilabas ng COMELEC para sa mga magiging voting precincts ngayong eleksyon.
“Isa sa mga naging requirements ng ating eleksyon sa COMELEC ay magkakaroon tayo ng isang holding area [at] quarantine area, tsaka yung room ay magkakalayo. Then magkakaroon din dapat tayo ng ventilation ng [mga] rooms,” pahayag ni Viloria. [ALAMIN: Ano ang dapat gawin kung makitaan ako ng sintomas ng COVID-19 sa araw ng Halalan 2022?]
Sa paginspeksyon pa lang sa pasukan ng precincts ay susuriin na kung may sintomas ba ang mga botante. Pahayag ni Viloria, ang mga makikitaan ng sintomas ay hindi pagbabawalang bumoto. Sila ay makakaboto pa rin sa loob ng quarantine area o Isolation Polling Places (IPPs) sa pamamagitan ng pag-abot sa kanila ng ballota galing sa isang opisyal.
“Yung mainit, may sakit, may ubo,[at] medyo hindi maganda yung pakiramdam, hindi na sila makakapasok ng paaralan at voting precinct. I-hohold sila ‘dun [sa quarantine area],” banggit ni Viloria. Sa naturang quarantine area, mayroong nars na maaaring tumulong sa kanilang isyu sa kalusugan. “Ang pagkakaiba lang, hindi sila yung papasok sa presinto nila, ‘dun lang sila boboto sa quarantine area nila… hindi nila makikita yung pinaka proseso [pagpasok ng ballota sa machine at pagtingin ng printed ballot],” ani Viloria.
Kasama sa mga bagong guidelines ang pagbawas sa mga botanteng maaaring bumoto sa loob ng voting precincts. Noon, 20 katao ang maaaring bumoto sa loob ng voting precincts. Labinlima dito ay regular na botante at lima naman ang nagmumula sa expresslane kung saan kabilang ang mga buntis at may mga kapansanan. Ngayon, 15 katao na lamang ang kabuuang pwedeng bumoto sa loob o sampung katao dagdag ang lima pang expresslane.
Binanggit din na mahigpit na ipapatupad ang social distancing at face mask protocols sa loob ng voting precincts. Paalala din ni Viloria na ang lalabag sa mga safety protocols na ito ay maaaring hindi na papasukin sa loob ng voting precincts.
Paalala sa mga botante
Ang pagboto ay naka-angkop sa first come, first serve basis kung saan kung sino ang naunang dumating sa voting precincts ang mauuna sa pagboto.
Paalala lang ni Viloria na maaaring pumunta na nang maaga sa voting precincts upang hanapin ang pangalan sa listahan. Bagama’t mas pinahaba ang oras ng botohan ngayong eleksyon, maaari paring kulangin sa oras ang mga botante.
Ang lokal at pambansang halalan ay gaganapin sa Lunes ng ika-9 ng Mayo, mula alas sais ng umaga(6AM) hanggang alas syete ng gabi(7PM).
Kung ang botante ay nasa loob na ng paaralan bago pa matapos ang alas syete ng gabi (before 7PM) ngunit nalipasan na ng alas syete, maaari pa rin silang bumoto. Ngunit sa ibang mga kaso, hindi na sila maaaring bumoto. “Kapag tapos na [ang duration ng botohan] pero gusto mo pang humabol, hindi na pwede kung wala ka sa loob ng school,” Ulat ni G. Luther Viloria.
Diniin din niya na dapat magdala ng kahit anong government-issued ID, malaman ang tamang pagbilog ng balota, at malaman ang dapat na bilang ng senador na kailangang iboto, kung hindi ay hindi mabibilang ang boto. [ALAMIN: Paano Nga Ba Bumoto?]
Sinabi rin ni Viloria na ang mga guidelines na ibinigay sa kanila ng COMELEC ay maaari pang magbago dulot ng pagbaba ng Alert Level ng munisipalidad dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Para sa karagdagang impormasyon at mga updates ukol sa #BantayHalalanLaguna2022, maaaring bumisita sa Official Facebook Page ng munisipyo ng Los Baños (https://www.facebook.com/elbilagunaph) at ang Official Facebook Page ng LBTimes (https://www.facebook.com/lbtimesph).