Ulat nina Anne Janine Ayapana at Aubrey Rose Semaning
“Hindi biro….[ang serbisyong binibigay namin sa halalan], ‘di lang kasi sa araw ng eleksyon kami andun. Ilang araw kami naghahanda at nag-aaral para dito.” sentimento ni Master Teacher II Amador Ayapana tungkol sa mga paghahandang ginagawa ng mga kaguruan tuwing sasapit ang Halalan.
Halalan bago magkapandemya (2016)
Bago pa sumikat ang araw, ang mga guro ay makikitang nag-aayos ng upuan at kagamitan tulad ng listahan ng mga botante, vote counting machines (VCM), at iba pa sa araw ng halalan. Alas-dos pa lang ng umaga ay umaalis na sa kanilang bahay ang mag-asawang guro na sina Amador Ayapana at Jane Ayapana upang ayusin ang presintong nakatalaga sa kanila. Higit dalawampung taon na silang nagsisilbi bilang guro sa Las Piñas at magsasampung taon namang nagbibigay serbisyo tuwing eleksyon. Pagkagraduate sa kolehiyo sa kursong Bachelor of Elementary Education, dumiretso na sa pagtuturo si Amador Ayapana sa isang pampublikong paaralan sa Las Piñas at ngayon ay ganap na isang Master Teacher II na nagtuturo ng Matematika. Gayundin ang karanasan ng kanyang asawa na si Jane Ayapana na parehas ng kursong nagtapos at ngayon ay kakapromote lang bilang isang Master Teacher I.
Katulad nila, ganito rin ang karanasan ni Edna Segarra na dalawampu’t siyam na taon nang nasa serbisyo ng pagtuturo at umupo agad bilang Chairman sa unang beses niyang maglingkod sa halalan noong 1995. Sa kasalukuyan ay isa siyang Master Teacher na nagtuturo sa ikalawang baitang, pangkat SPED-FL sa Paaralang Elementarya ng Tagkawayan, sa Tagkawayan, Quezon. Bilang isang Chairman, isa sa mga hindi niya malilimutang karanasan ay ang kanyang unang pag-upo sa halalan, kung saan siya ay nadestino sa bukid, sa Brgy. Bamban, Tagkawayan, Quezon. “Ang kahirapan namin noon yung paggagawa namin ng mga results–mano mano pa, sulat-kamay yon. Tapos yung pagtatally namin ng votes ay kailangan din na mano mano din, kailangang malinaw ang mata, malakas ang pandinig, para accurate talaga yung magiging resulta.” Maliban sa gawaing pampaaralan, hindi biro ang tungkulin na kanilang ginagampanan tuwing halalan.
Pagpatak ng alas-siyete ng umaga, ganap na magsisimula ang halalan. Bawat presinto ay mayroong isang Chairman, Poll Clerk, at Third Member. Makikitang nag-aayos ng VCM ang Chairman at Poll Clerk bilang sila lang ang may karapatang humawak at mag-operate nito, habang ang Third Member naman ang naatasang mag-ayos sa pila. Maliban sa kanila ay makikita rin ang mga Poll Watchers na nagrerepresenta ng mga partido at ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV). Bago magkapandemya, kalimitang nang makikitang nagsisiksikan sa labas ng presinto ang mga taong nakapila, ngunit ngayon, aasahang mas maayos at luluwag ang pila dahil kinakailangang obserbahan ang social distancing.
Sa araw na ito, dito masusubukan ang pasensya hindi lang ng mga botante, kundi pati na rin ng mga kaguruan. Kaya ang payo ni Jane Ayapana na nagsisilbi bilang isang Chairman, “Magdala kayo ng sariling upuan at pagkain, kasi maiinip kayo sa pila. May mga umaalis na sa pila dahil naiinip na.”. Dagdag pa rito, kalimitan ay hindi na rin nakakakain ang mga kaguruan dahil sa pag-una sa mga gawain sa kanilang presinto. “Talagang hindi mo mararamdaman ang gutom hangga’t hindi tapos, kasi kabado ka, e.”, ayon kay Edna. Aniya ay mayroon ding mga pagkakataon na nagkakaroon ng pagkakainitan at gulo sa labas ng presinto.
Pagsapit ng alas siyete ng gabi, opisyal nang magsasara ang mga presinto, ngunit hindi pa rito natatapos ang gawain. Kanilang ipapadala ang mga resulta na nasa VCM sa iba’t ibang server (local at national) at ligpitin ang mga kagamitan tulad ng mga balota, VCM, at iba pang dokumento. Ang prosesong ito ay sinasabing isa sa mga pinakamatagal, pinakametikoloso, at pinakamaingat. Ayon kay Jane, “Matagal talaga, minsan umaabot pa ng madaling araw kasi matagal magtransmit dahil mahina internet o sabay sabay nagsesend.”
May nagbago ba ngayon?
Ngayong darating na eleksyon, mayroong mga ilang paghahanda ang mananatili at mayroon din namang magbabago. Isa sa mga pagbabago ay ang naibahagi ni Maria Fe Aloc, isang Teacher III sa ikaapat na baitang sa Paaralang Elementarya ng Tagkawayan, at isa ring Chairman, mas naging abot-kamay nila ang seminar ng COMELEC dahil ginanap ito mismo sa sarili nilang bayan. Noong mga nakaraang mga seminar bago pa magka-pandemic ay bumabyahe pa sila sa loob ng apat na oras upang makarating sa pagdarausan nito. Pati ang kanilang theoretical na pagsusulit ukol sa pagmamando ng mga VCM ay online na ring ginagawa. Dahil dito mas naging madali para sa mga kaguruan na matutunan ang mga proseso sa pagmamando ng VCM. “Nakakakaba lang dahil dapat kabisado mo ang proseso para hindi ka naliligaw.”, ‘ika niya.
Ang isa pang pagbabago ay mayroon na lamang limang upuan sa loob ng mga presinto imbis na sampu. “Dahil nga do’n ay humaba ang oras namin sa pagpapaboto ngayong taon, magiging mula six o’ clock hanggang seven PM na.”, aniya. “Medyo matatagalan lang kami ngayon sa pag-iintay ng mga taong boboto.” Magiging matagal, mahaba, at mabusisi man ang proseso ngayong taon sa araw ng halalan, nakikita pa rin ang kasiglahan ng mga kaguruan sa pagsilbi.
Alamin Ngayong LB Halalan: New normal ng Halalan 2022, pinaghahandaan na ng San Antonio ES
Panawagan ng mga kaguruan
Sa kabila ng mga pagbabagong ito ay may panawagan pa rin ang mga kaguruan–sa darating na halalan, ang tanging hiling lang ng mga kaguruan tulad nila ay maging payapa ang daloy nito at maging responsableng botante ang mga tao. Panawagan ni Bb. Segarra sa mga unang beses boboto na “Dapat bigyan nila ng karangalan ang kanilang sarili na pumili kung sinong nararapat.” Aniya ay dapat kilalanin ng mga tao ang mga tumatakbo at sa pagkilala nila, malalaman nila kung sino ba talaga ang responsableng taong magdadala ng ating komunidad. “…sa mga kapwa ko namang guro, dalhin lang natin yung eleksyon nang maayos…kung ano lang ang nararapat, iyon lang ang ating gagawin.”
Related Articles