Ulat ni John Warren Tamor
BAY, LAGUNA — Humihingi ang mga mangingisda mula sa Bantay-Lawa sa Bay, Laguna at Bay Fisheries and Aquatic Resources Management Council (FARMC) ng pagkakataon sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) upang irekonsidera ang planong 2,000 na ektaryang renewable energy areas na maaaring pagtayuan ng floating solar project sa tubig ng Laguna de Bay.
“‘Yun [floating solar project] ang isang malaking problema dito sa amin sa bayan ng Bay,” ani Municipal FARMC Chairman Cornelio Replan Jr.. Ayon sa kanya 70 na ektarya ang itatalaga sa Los Baños at 100 naman na ektarya o katumbas ng halos labing-limang UPLB Freedom Park ang sa bayan ng Bay.
Dagdag pa ni Replan, “Kami ang apektado doon, kaming mga mangingisda. ‘Yan lang ang amin ngayon [na pinangingisdaan], 5 hectares lang ‘yan…malaki ang masasakop nila, malaking kabawasan sa amin.”
Base sa ulat ng LLDA, pangingisda at aquaculture pa rin ang pinakamalaking industriya at dominanteng gamit sa Laguna de Bay. Tinatayang 80,000 hanggang 90,000 toneladang isda ang inaani sa lawa kada taon. Kung matutuloy ang proyekto, malaking bahagi ng 13,000 na mangingisdang mula sa mga probinsyang nakapalibot dito ang lubos na maaapektuhan.
Ayon sa Board Resolution no. 600 o Laguna de Bay Renewable Energy Resources Utilization Resolution of 2021 ng LLDA, dalawang libong ektarya sa lawa ng Laguna ang nakatalaga para sa renewable energy development. Sakop nito ang mga baybayin ng Sta. Rosa, Cabuyao, Calamba, Los Baños, Bay, Calauan, Victoria, Pila, Sta. Cruz, Lumban, Kalayaan at Paete.
Ang mga predetermined renewable energy areas na ito ay maaaring pagtayuan ng mga teknolohiyang solar, wind, hydropower, biomass o hybrid upang makagawa ng kuryenteng pang-konsumpsyon.
May nauna na ring proyekto na naitayo noong 2018 sa baybayin ng Baras, Rizal na tinaguriang pinakaunang floating solar farm project sa bansa. Ang 1,000 square meter na solar farm na ito ay nagsilbing pilot project na naitayo sa pamamagitan ng kasunduan ng Winnergy Holdings Corporation at ng Munisipalidad ng Baras, Rizal. Sa ganitong proyekto, naglalagay ng mga pinapalutang na solar photovoltaic (PV) panels sa ibabaw ng tubig. Kasalukuyan pa ring pinag-aaralan ang epekto nito sa kapaligiran at sa pamayanan kung saan ito ipinatayo.
Kahit wala pang konkretong plano sa pagpapatayo ng floating solar technology malapit sa Bay at Los Baños, nabahahala na ang FARMC at Bantay-Lawa ng Bay sapagkat ngayong Abril, sinimulan na ng LLDA ang pagtanggap ng mga bid para sa alokasyon at pag-grant ng Renewable Energy Areas (REA) nang walang pormal na pagsusuri o konsultasyon kasama ang komunidad. Kabilang sa mga kompanya na nagpakita na ng interes na magtayo ng solar farm project sa lawa ay ang AC Energy Corp. (ACEN) at Meralco PowerGen Corporation.
Ayon kay Replan, wala pang kasalukuyang negosasyong inilulunsad upang kuhanin ang mga opinyon o ang permiso ng mga mangingisda sa Laguna de Bay. Dagdag niya, “Ang nangyayari [ay] inaapruba sa itaas pero hindi muna ibinababa sa mga mangingisda. Hindi muna nila tinatanong itong mga mangingisda kung tama bang lagyan nito [floating solar farms], [kung] hindi ba makakaapekto sa inyo?”
Para sa mga mangingisdang kabilang sa FARMC at sa Bantay-Lawa ng Bay, mahalagang dumaan muna sa kanilang sektor ang pagpaplano ng nabanggit na proyekto, lalo’t higit na kung wala pang pormal na plano at ito’y binabalak pa lamang.
Noong tanungin si Provincial Fisheries Officer Emiliana Casbadillo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region IV-A, mayroon ng mga contractor na pumupunta at humihingi ng rekomendasyon ng kanilang opisina ngunit ayon sa kanya, “Hindi na kailangan nito. Dapat lang luminis ang Laguna de Bay natin, ma-rehabilitate, at hayaan nating bumalik ang kalidad [nito].”
“Ang amin lang ay kung saka-sakali na ‘yan ay itatayo na, kahit isa man lang sa aming mangingisda ay maging isang beneficiary sa paggawa, kumbaga ay alternatibong pamalit [sa hanapbuhay] ng mga naapektuhan ang pangisdaan,” aniya. ‘Yun lang ang hinihingi namin sa gobyerno na sana kung may itatayo silang proyekto sa lawa ng Laguna, bumaba muna sila sa mga mangingisda,” dagdag ni Replan.